Malakanyang, ikinalungkot ang posibleng epekto ng Senate ‘drama’ sa mga priority bills ni PBBM
- Published on June 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
SINABI ng Malakanyang na posibleng magkaroon ng epekto sa pagpapasa ng mga priority measures ng administrasyong Marcos Jr., ang weeks-long altercations sa Senado bago ang sine die adjournment ng first regular session ng 20th Congress ngayong linggo.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang publiko ang magdurusa kung magpapatuloy ang Senate drama at magkakaroon ng balakid sa pagpapasa ng mga priority bills.
“Sa ngayon alam naman po natin kung ano ‘yung priority bills—hindi lang dalawa, hindi lang isa, hindi lang tatlo. Marami po. Pero kung ganito po nangyayari sa Senado, mahihirapan po talaga…hindi lamang ang Pangulo, kung hindi ang taumbayan,” ang sinabi ni Castro.
“Apektado ang taumbayan dito. Pati po ang ekonomiya ay maapektuhan sa ingay at gulo sa Senado,” aniya pa rin.
Matatandaang, inaprubahan ni Pangulong Marcos Jr. ang 21 priority legislative measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa ikatlong LEDAC Full Meeting ng 20th Congress na target maipasa bago matapos ang Hunyo.
Ayon sa Malakanyang, layunin ng mga panukala na pagaanin ang gastusin ng mamamayan at palakasin ang transparency, child protection, at pananagutan sa pamahalaan.
Kabilang sa mga prayoridad ang Travel Tax Abolition, Expanded Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act of 2026, mga panukala laban sa fake news at digital disinformation, at ang BARMM Elections bill upang matiyak ang maayos at kredibleng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kasama rin sa itinulak ng Pangulo ang Anti-Political Dynasty Law, CADENA Act, Independent People’s Commission Act, at Party-List System Reform Act bilang bahagi ng reporma sa sistema ng pamahalaan.
Siniguro ng Pangulo na ang mga panukalang ito ay may malinaw na epekto at direktang pakinabang sa mga mamamayan.
(Daris Jose)