Tulong-kabuhayan, gawing permanente suhestiyon ng mambabatas
- Published on June 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAIS ng isang mambabatas na gawing permanente at palawakin ang programang pangkabuhayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mas maraming mahihirap na pamilya ang magkaroon ng pagkakataon ng pangmatagalang pagkakakitaan.
Nakapaloob ito sa inihaing House Bill No. 9456 o ang “Sustainable Livelihood Program Institutionalization and Expansion Act,” ni Nueva Vizcaya Lone District Rep. Timothy Joseph “Tim” Cayton.
Ayon kay Cayton, mahalagang matiyak na ang mga programang tumutulong sa mga Pilipinong mahihirap ay hindi nakadepende sa pagbabago ng administrasyon o sa taunang paglalaan ng pondo.
Sa ilalim ng panukala, gagawing permanente sa batas ang Sustainable Livelihood Program at palalawakin ang saklaw nito upang maisama hindi lamang ang mga benepisyaryo ng 4Ps kundi pati ang iba pang kuwalipikadong mahihirap na pamilya.
Binigyang-diin nito na mahalaga ang programang ito lalo na sa mga lalawigang agrikultural tulad ng Nueva Vizcaya kung saan maraming pamilya ang umaasa sa maliit na kita mula sa pagsasaka at iba pang kabuhayan.
“Hindi sapat na makaligtas lamang sa kahirapan. Ang layunin natin ay mabigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng pagkakataong umasenso, magkaroon ng dignidad sa trabaho, at magkaroon ng mas magandang kinabukasan,” dagdag niya.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, inaasahang mas mapapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na maghatid ng pangmatagalang solusyon laban sa kahirapan at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga mahihirap na Pilipino sa buong bansa.
(Vina de Guzman)