• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May, 2026

Maraming aral ang mapupulot sa advocacy movie:ANDREA, may payo sa mga magulang na may anak na papasok sa fraternity (ni: NONIE NICASIO)

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG veteran actress na si Andrea del Rosario ang isa sa cast ng advocacy movie na “Neophyte 26” na pinagbibidahan nina Derrick Monasterio at Angelica Jones.

Gumaganap dito ang aktres bilang mother ng isang estudyante na nasangkot sa marahas na hazing.  

Ang pelikula ay nagpapakita ng masama at mabuting epekto ng fraternity sa mga estudyante.

Ang “Neophyte 26” ay magbubunyag ng katotohanan sa likod ng fraternity, sakripisyo, pagmamahal, at katapangan.

Hatid ng Empowerment Productions and Spring Ferry Productions, ang pelikula ay brainchild ni Laguna Board member Angelica Jones.

Sa aming panayam kay Ms. Andrea, nabanggit niyang noong nag-aaral siya ng college ay mas talamak ang fraternity, lalo na ang mga nangyayaring hazing.

Anong aral ang mapupulot sa kanilang movie?

Esplika ng aktres, “Lesson for me as a parent sa movie na ito, is to get more involved with your child’s life…. Communication is important to help them process their emotions.” 

Ano ang maipapayo niya sa mga tulad niyang parent na may anak na papasok sa fraternity?

“Being in a family that values sports so much, I rather that my child join any kind of sports which would help them develop their character, their body, resilience and their confidence.

“What I know is there are good fraternities and bad ones…. But still, for me I prefer sports than this,” seryosong pahayag pa ng aktres. 

Ang pelikula ay mula sa pamamahala ni Direk Rommel Penesa and written by Charlotte Dianco. 

Kasama rin dito sina Elle Villanueva, Jon Lucas, Neil Ryan Sese, Ronald Adamat, Lance Raymundo, Mike Lloren, Mosang, Maxine Trinidad, Chris Leonardo, at introducing dito si Angelo Jones.

Malaking tulong din ang iniinom na herbal tea: Pagbubuntis ni ALEX, maituturing na milagro ng Diyos (ni: PETER LEDESMA) 

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMANI nang maraming likes at mga papuri ang social media post ni Alex Gonzaga tungkol sa kanyang pagbubuntis. 

Marami ang naantig ang damdamin sa post ng Youtube Superstar. 

“After almost 6 years of marriage and 3 heartbreaking losses, we never lost faith and continued to surrender everything to the Lord. While preparing for IVF, the Lord Jesus blessed us with natural pregnancy.

“We want to thank everyone who prayed with us, hoped with us, and supported us through this journey to becoming parents. By God’s grace, our prayers have been answered, and we are finally going to be mommy and daddy(VM Mikee Morada).

“The Lord Jesus truly answers prayers. Please continue praying with us for a safe and healthy pregnancy until our baby arrives(heart emoji)”. 

Ang post ni Alex na as of May 22, 2026 ay humamig na almost 80K views ang upload na video sa kanyang pinag-uusapang pregnancy. 

At siyempre maliban sa happiness na nararamdam nila ni Mikee ay masayang-masaya sa good news na ito ang loving parents ni Alex na sina Mommy Pinty at Daddy Bonoy Gonzaga. 

Biniro nga namin si Mommy Pinty na may bago na naman silang bibisitahin laging apo ni Daddy Bonoy. 

Siyempre happy rin si Toni Gonzaga at husband si Direk Paul Soriano for Alex and Mikee. Maraming celebrities rin ang nagpaabot ng kanilang pagbati kay Alex. 

Samantala sa matagumpay na pregnancy ni Alex, maliban sa lubos-lubos nilang pasasalamat ni VM Mikee sa milagro ng Diyos ay naging malaking tulong rin sa kanyang pagbubuntis ang regular niyang pag-inom ng ineendorsong herbal tea na Chef Ayb’s Paragis at pag-take ng capsule nito. 

At yung suporta ng magaling na OB Gyne doctor ni Alex na expert pagdating sa ‘fertility’ at nagpapasalamat si Alex sa love niyang doctor. 

From all of us, here at People’s Balita wishing you all the best Alex and congratulations!

Malakanyang, handang makatrabaho ang sinuman na maging lider ng Senado

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HANDA ang Malakanyang na makatrabaho kung sinuman ang magiging lider ng Senado.

Ang importante ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, ang anumang magiging trabaho ng Senado ay para sa interes ng taumbayan.

Nauna nang sinabi ni Senador Rodante Marcoleta na tanging ang liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano ang walang basbas ng Malakanyang.

Binigyang diin ni Castro na walang isyu sa Pangulo kung sinuman ang magiging lider sa Senado.

“Sa Pangulo po, kung sinuman po ang leader po diyan, basta po ang gagawing trabaho ay para sa bayan at sa taumbayan, hindi po mag-aatubili ang Pangulo na makipag-ugnayan sa kanila,” ani Castro.

Gayunman, itinanggi ni Castro na may mahalagang papel ang Malakanyang sa pagbabago sa Senate leadership.

“Ang lahat po ng nangyayari sa Senado ay kanila po iyang pagdedesisyon, So wala pong kinalaman ang Pangulo sa kanilang mga pag-change ng leadership,” aniya pa rin.

At nang uriratin naman kung kumpiyansa ang Pangulo sa liderato ni Cayetano, sinabi ni Castro na hindi pa niya nakakausap ang Pangulo sa bagay na ito. ( Daris Jose)

Malakanyang, hindi kinontra ang paghahain ng reklamo ng isang doktor laban kay ES Recto

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI kinontra ng Malakanyang ang ginawang paghahain ng reklamong plunder ng isang doktor laban kay Executive Secretary Ralph Recto kaugnay ng kontrobersyal na paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa national treasury.

Ang katuwiran ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, ang lahat naman aniya ng tao ay may karapatan na magsampa ng kaso.

“Ang tanong na lamang diyan ay ito ba ay mananalo o ito ba ay madi-dismiss? So, hintayin na lang po natin,” ang sinabi ni Castro.

Sa ulat, sinasabi sa reklamo ang kuwestiyonableng paglilipat ng bilyun-bilyong “unused” PhilHealth funds dahil maaaring naapektuhan nito ang benepisyo at serbisyong dapat para sa mga miyembro ng PhilHealth. Kasama rin sa reklamo ang alegasyong nilabag ang Universal Health Care Act at National Health Insurance Act.

Nauna nang iniutos ng Korte Suprema ang pagbabalik ng ₱60 bilyong pondo sa PhilHealth at pinigilan ang karagdagang paglilipat ng pondo matapos makita ang posibleng paglabag sa batas.

Samantala, sinabi noon ni Recto na ginawa niya ang hakbang nang may “good faith” at ayon umano sa mandato ng Kongreso. Iginiit din niyang wala siyang criminal liability sa naturang isyu. ( DARIS JOSE)

HIGIT 200 PAMILYA, NAWALAN NG TIRAHAN SA SUNOG SA MAYNILA

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMAABOT sa 2,134 na pamilya o katumbas ng 7,123 na indibidwal ang naapektuhan ng nangyaring sunog sa Gate 46, Parola Compound, Barangay 275 Zone 25 sa Binondo, Maynila.

Halos lahat ng pamilyang nabiktima ng sunog ay pansamantalang nananatili sa Delpan Covered Court kung saan patuloy silang binibigyan ng tulong ng mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare.

Unang namahagi ng mainit na pagkain para sa pansamantalang pagpawi ng gutom ng mga biktima ng sunog habang nagpadala na run ng mga food boxes ang Department of Social Welfare and Developmet (DSWD).

Kasama si DSWD Secretary Rex Gatchalian at MDSW Director Jay R. Dela Fuente na nagsagawa ng pamamahagi ng Ready-to-Eat Food Packs sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.

Patuloy ang koordinasyon ng MDSW at DSWD upang matiyak ang maagap na pag-abot ng tulong at suporta sa mga pamilyang apektado ng sakuna.

Matatandaan na nagsimula ang sunog ng alas-3:00 ng hapon kahapon (Sabado) na umabot ng Task Force Charlie ang alarma saka tuluyan naapula ng alas-12:17 ng madaling araw ng Linggo.

Base sa paunang imbestigasyon, nasa 1,266 na bahay ang natupok ng apoy kung saan inaalam pa ang naging dahilan ng nasabing insidente. (Gene Adsuara)

Laguesma out, dating senador Francis Tolentino in bilang Acting Sec. ng DOLE

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si dating Senador Francis Tolentino para pamunuan ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Bumaba sa puwesto si DOLE Sec. Bienvenido Laguesma, 75 taong gulang dahil sa kanyang kalusugan.

“Dahil po sa kanyang health condition. Kaya po kailangan po na magkaroon at magtalaga ng acting labor secretary,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

At sa tanong kung bibigyan ng ibang posisyon si Laguesma, ang tanging tugon ni Castro ay “Hindi ko po maaaring pangunahan ang Pangulo. Kung ito naman po ay may concern sa kanyang health condition, of course, kailangan nating malaman kung kakayanin pa ng kanyang kalusugan.”

Tiwala si Pangulong Marcos na mapamumunuan ni incoming Acting Secretary Tolentino ang DOLE dahil sa kanyang kakayahan at malawak na karanasan sa paghawak ng mahahalagang tungkulin sa pamahalaan— lokal o nasyonal.

Nakatakdang manumpa bilang bagong kalihim ng DOLE si incoming Acting Secretary Tolentino kay Pangulong Marcos Jr. mamayang hapon dito sa Malacañang.

(DARIS JOSE)

PBBM, pinatutuloy sa DSWD ang pagtulong sa mga biktima ng sunog sa Parola Compound 

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Parola Compound sa Binondo, Maynila, at tiyaking komportable ang kanilang pananatili sa mga evacuation center habang sila ay bumabangon mula sa trahedya.

Sa panayam sa media habang isinasagawa ang pamamahagi ng relief goods sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex sa Delpan, Maynila, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na bawat pamilyang naapektuhan ay makatatanggap ng PhP10,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng ahensya.

Bukod dito, namahagi rin ang DSWD ng mga food pack, hygiene kit, sleeping kit, cooking kit, at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga biktima.

“Narinig niyo naman ang utos ng Pangulo,” ani Gatchalian.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos nitong Lunes ang pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng malawakang sunog na tumama sa Parola Compound noong Sabado.

Ayon pa kay Gatchalian, magbibigay din ang National Housing Authority (NHA) ng karagdagang PhP30,000 sa bawat pamilya bilang suporta sa kanilang pagbangon at muling makapagtayo ng kanilang tahanan.

“Yung inanunsyo ng ating Pangulo kanina, una, P10,000 cash relief assistance mula sa AICS ng DSWD. Ang P30,000 naman ay mula sa National Housing Authority para sa rebuilding at recovery,” paliwanag ni Gatchalian.

“Bukod pa sa cash assistance, malapit tayong nakikipag-ugnayan sa social welfare office ng lokal na pamahalaan para sa tuluy-tuloy na food relay na sinimulan natin kahapon. Nagbibigay din tayo ng kumpletong family packs, cooking kits at hygiene kits,” dagdag ng Kalihim.

Sinabi ni Gatchalian na umabot sa 2,100 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog na sumiklab sa Parola Compound.

“Kausap ko kanina ang local social welfare. Inaasahan nilang madaragdagan pa nang kaunti ang bilang dahil may ilan na wala noong isinagawa ang census dahil bumibili ng materyales o inaayos ang kanilang mga gamit. Tinataya nating nasa pagitan ng 2,100 hanggang 2,400 pamilya ang naapektuhan. Sa ngayon, 2,140 pamilya na ang ating natutulungan,” ani Gatchalian.

Nagpasalamat din ang kalihim sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso dahil sa nakahandang karagdagang tulong para sa mga biktima.

“Gusto ko ring magpasalamat sa lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno dahil mayroon din silang sariling financial assistance na ipamamahagi mamayang hapon,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa kalihim, kapag pinagsama-sama ang ayudang pinansyal mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, magkakaroon ng sapat na panimulang suporta ang mga biktima upang muling makabangon.

Tiniyak din ng DSWD na gagawin nitong mas maayos at komportable ang kalagayan ng mga evacuee sa evacuation center sa Delpan.

Kasama nina Secretary Gatchalian at Mayor Domagoso si Pangulong Marcos sa pamamahagi ng relief goods sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex, habang ang evacuation center ng mga biktima ay matatagpuan sa katabing pasilidad.

Samantala, sinabi ni Bienvenido Barbosa, Assistant Regional Director for Operations ng DSWD Field Office–National Capital Region (FO-NCR), sa panayam ng Presidential News Desk (PND) na patuloy ang pagbibigay ng karagdagang tulong ng ahensya alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

“Nandito kami upang magbigay ng augmentation assistance sa pamamagitan ng inisyatiba ng Pangulo,” ani Barbosa.

( Daris Jose)

Motorcycle taxi rider na akusado sa panggagahasa sa Bulacan, nalambat ng NPD

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SHOOT sa hoyo ang 35-anyos na motorcycle taxi rider na wanted sa kaso ng Rape at Sexual Assault nang masakote ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa manhunt operation sa Marilao, Bulacan.

Nakatala ang akusado bilang Most Wanted Persons sa Munisipyo ng Marilao, Bulacan dahil sa kasong tatlong bilang ng Rape at Sexual Assault in relation to Section 5(B) of R.A. 7610.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili hinggil sa kinaroroonan ng akusado ay agad ikinasa ng mga ito ang manhunt operation sa koordinasyon sa Marilao Component Police Station.

Hindi na nakapalag ang akusado nang masukol ng pinagsamang mga operatiba ng District Investigation Division (NPD-DID), at District Women and Children Protection Desk (DWCPD) malapit sa kanyang bahay sa Barangay Ibayo, Marilao,Bulacan.

Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 121, Meycauayan, Bulacan, na walang inirekomendang piyansa para sa kasong Rape habang may piyansa naman na P200,000 para kasong sexual assault. (Richard Mesa)

LTFRB IPINATUPAD ANG PAGPAPABILIS NG PROSESO NG APPLICATION FOR EXTENSION OF CPC VALIDITY

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINATUPAD ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapabilis ng proseso para sa lahat ng aplikasyon ng Extension of Validity ng Certificates of Public Conveyance (CPC).

Alinsunod ito sa Public Service Act, Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Law, at umiiral na jurisprudence.

Ang CPC ay dokumentong nagbibigay pahintulot sa operasyon ng pampublikong sasakyan. Ang aplikasyon para sa extension ay hindi bagong proseso, kundi pagpapatuloy lamang ng umiiral na prangkisa. Kinakailangan lamang ipakita na ang operator ay patuloy na sumusunod sa mga kondisyon ng naunang pagkakaloob ng CPC.

Para sa mga unit na nananatiling tapat sa kanilang pangako na magbigay ng maayos na serbisyo sa publiko, hindi na kinakailangan ang panibagong pagdinig upang ma-extend ang bisa ng CPC, ayon kay Chairman Vigor Mendoza.

“Ang pag-renew ng CPC ay iba sa unang aplikasyon. Sa renewal, napatunayan na ang pangangailangan ng publiko at kwalipikado na ang operator. Ang hinihiling lamang ay ipagpatuloy ang serbisyong dati nang pinahintulutan,” ani Chairman Vigor.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaan upang pabilisin ang serbisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ipatupad ang batas sa ease of doing business.

Kamakailan, naglabas ang LTFRB ng Memorandum Circular No. 2026-035 na nag-aalis sa requirement ng publikasyon ng notice of hearing sa mga pahayagan, upang higit pang mapabilis ang proseso ng aplikasyon ng prangkisa.

“Malinaw ang aming layunin: gawing madali at maginhawa ang lahat ng transaksyon para sa aming mga kliyente, at iparamdam sa kanila na sila ay mahalagang katuwang ng pamahalaan para sa kapakanan ng riding public,” dagdag ni Chairman Vigor.

“Tiwala kami na ang pagpapadali ng proseso ay magreresulta sa mas mahusay na serbisyo para sa milyun-milyong Pilipinong commuter,” aniya pa.

Sa ilalim ng Memorandum Circular 2026-038 na nilagdaan noong Mayo 19, inaatasan ang lahat ng operator na magkaroon ng gumaganang, valid na email address bilang opisyal na linya ng komunikasyon para sa lahat ng abiso at proseso ng Board.

Ang email ay magsisilbing plataporma para sa pagsusumite ng mga dokumento bilang bahagi ng digitalization efforts ng pamahalaan, kabilang na ang LTFRB.

Inaasahang magiging epektibo ang Memorandum Circular bago matapos ang buwan. (PAUL JOHN REYES)

Senior QCitizens may naghihintay na trabaho sa QC

Posted on: May 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KAHIT matatanda na at kaya pa ay maaari pa ring magkaroon ng pagkakaabalahang trabaho ang mga senior citizen ng Quezon City.

Ito ay makaraang lumagda sa isang kasunduan ang Quezon City Government, McDonald’s Philippines, QC PESO, at DOLE upang magbigay ng trabaho para sa aabot sa 100 senior QCitizens na ia-assign sa 50 McDonald’s stores.

Ang kasunduan ay ni­lagdaan sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng oportunidad at kabuhayan para sa mga nakatatanda sa lungsod.

Ang trabaho na naghihintay sa McDonalds branches sa Quezon City para sa mga elderly ay ang pag-asiste sa mga customers na hindi naman mabigat na trabaho.

Ang mga interesado ay maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng PESO o i-click lamang sa online ang QCservices para sa dagdag na kaalaman at impormasyon para dito.