• May 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, pinatutuloy sa DSWD ang pagtulong sa mga biktima ng sunog sa Parola Compound 

INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Parola Compound sa Binondo, Maynila, at tiyaking komportable ang kanilang pananatili sa mga evacuation center habang sila ay bumabangon mula sa trahedya.

Sa panayam sa media habang isinasagawa ang pamamahagi ng relief goods sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex sa Delpan, Maynila, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na bawat pamilyang naapektuhan ay makatatanggap ng PhP10,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng ahensya.

Bukod dito, namahagi rin ang DSWD ng mga food pack, hygiene kit, sleeping kit, cooking kit, at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga biktima.

“Narinig niyo naman ang utos ng Pangulo,” ani Gatchalian.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos nitong Lunes ang pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng malawakang sunog na tumama sa Parola Compound noong Sabado.

Ayon pa kay Gatchalian, magbibigay din ang National Housing Authority (NHA) ng karagdagang PhP30,000 sa bawat pamilya bilang suporta sa kanilang pagbangon at muling makapagtayo ng kanilang tahanan.

“Yung inanunsyo ng ating Pangulo kanina, una, P10,000 cash relief assistance mula sa AICS ng DSWD. Ang P30,000 naman ay mula sa National Housing Authority para sa rebuilding at recovery,” paliwanag ni Gatchalian.

“Bukod pa sa cash assistance, malapit tayong nakikipag-ugnayan sa social welfare office ng lokal na pamahalaan para sa tuluy-tuloy na food relay na sinimulan natin kahapon. Nagbibigay din tayo ng kumpletong family packs, cooking kits at hygiene kits,” dagdag ng Kalihim.

Sinabi ni Gatchalian na umabot sa 2,100 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog na sumiklab sa Parola Compound.

“Kausap ko kanina ang local social welfare. Inaasahan nilang madaragdagan pa nang kaunti ang bilang dahil may ilan na wala noong isinagawa ang census dahil bumibili ng materyales o inaayos ang kanilang mga gamit. Tinataya nating nasa pagitan ng 2,100 hanggang 2,400 pamilya ang naapektuhan. Sa ngayon, 2,140 pamilya na ang ating natutulungan,” ani Gatchalian.

Nagpasalamat din ang kalihim sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso dahil sa nakahandang karagdagang tulong para sa mga biktima.

“Gusto ko ring magpasalamat sa lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno dahil mayroon din silang sariling financial assistance na ipamamahagi mamayang hapon,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa kalihim, kapag pinagsama-sama ang ayudang pinansyal mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, magkakaroon ng sapat na panimulang suporta ang mga biktima upang muling makabangon.

Tiniyak din ng DSWD na gagawin nitong mas maayos at komportable ang kalagayan ng mga evacuee sa evacuation center sa Delpan.

Kasama nina Secretary Gatchalian at Mayor Domagoso si Pangulong Marcos sa pamamahagi ng relief goods sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex, habang ang evacuation center ng mga biktima ay matatagpuan sa katabing pasilidad.

Samantala, sinabi ni Bienvenido Barbosa, Assistant Regional Director for Operations ng DSWD Field Office–National Capital Region (FO-NCR), sa panayam ng Presidential News Desk (PND) na patuloy ang pagbibigay ng karagdagang tulong ng ahensya alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

“Nandito kami upang magbigay ng augmentation assistance sa pamamagitan ng inisyatiba ng Pangulo,” ani Barbosa.

( Daris Jose)