Laguesma out, dating senador Francis Tolentino in bilang Acting Sec. ng DOLE
- Published on May 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si dating Senador Francis Tolentino para pamunuan ang Department of Labor and Employment (DOLE).
Bumaba sa puwesto si DOLE Sec. Bienvenido Laguesma, 75 taong gulang dahil sa kanyang kalusugan.
“Dahil po sa kanyang health condition. Kaya po kailangan po na magkaroon at magtalaga ng acting labor secretary,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
At sa tanong kung bibigyan ng ibang posisyon si Laguesma, ang tanging tugon ni Castro ay “Hindi ko po maaaring pangunahan ang Pangulo. Kung ito naman po ay may concern sa kanyang health condition, of course, kailangan nating malaman kung kakayanin pa ng kanyang kalusugan.”
Tiwala si Pangulong Marcos na mapamumunuan ni incoming Acting Secretary Tolentino ang DOLE dahil sa kanyang kakayahan at malawak na karanasan sa paghawak ng mahahalagang tungkulin sa pamahalaan— lokal o nasyonal.
Nakatakdang manumpa bilang bagong kalihim ng DOLE si incoming Acting Secretary Tolentino kay Pangulong Marcos Jr. mamayang hapon dito sa Malacañang.
(DARIS JOSE)