• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May, 2026

Messi out na sa MLS dahil sa injury scare bago pa man ang World Cup

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGDULOT ng pangamba sa mga tagahanga ng Argentina ang biglaang paglabas ni Lionel Messi sa laban ng Inter Miami kontra Philadelphia Union nitong nakaraang araw.

Sa ika-73 minuto ng laro, humawak si Messi sa kanyang kaliwang binti at agad na humiling ng substitution.

Bagama’t naglakad siya nang normal palabas ng field, hindi pa malinaw kung seryoso ang pinsala o pag-iingat lamang.

Ayon kay coach Guillermo Hoyos, maaaring dulot ng pagkapagod at kondisyon ng pitch ang desisyon na alisin si Messi.

Nanalo pa rin ang Inter Miami sa iskor na 6-4, ngunit nanatiling malaking usapin ang kalusugan ng walong beses na Ballon d’Or winner.Pangangatawan

Kung mapatunayang seryoso ang pinsala, malaking dagok ito sa Argentina na naghahanda para sa World Cup 2026 na magsisimula sa Hunyo 11.

New York Knicks, pasok sa 2026 NBA Finals matapos ang 27 taon

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PASOK na sa 2026 NBA Finals ang New York Knicks matapos nilang i-sweep (4-0) ang Cleveland Cavaliers sa Eastern Conference Finals. Sa Game 4, nagpakita ang Knicks ng dominanteng laro at tinapos ang serye sa iskor na 130-93, hawak ang 37-point na kalamangan.

Nanguna si Karl-Anthony Towns na may 19 points, 14 rebounds, 2 steals, at 2 blocks, habang nagdagdag si Jalen Brunson ng 15 points at 5 assists.

Sa kabila ng 31 points ni Donovan Mitchell, hindi nakabawi ang Cavaliers, at nalimitahan pa si James Harden sa 12 points.

Ito ang unang pagkakataon na muling nakabalik sa Finals ang Knicks matapos ang 27-taong paghihintay, huling nakapasok noong 1999.

Bayanihan sa Kalusugan: Alagang Manggagawa

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PERSONAL na binisita ni Caloocan 2nd District Congressman Edgar “Egay” Erice ang isinagawang kick-off ng Bayanihan sa Kalusugan: Alagang Manggagawa sa San Jose Elementary School sa Brgy. 128, Caloocan City para kamustahin ang kanyang mga kababayan na nakinabang sa libreng konsultasyon na programang pangkalusugan ng Unilab katuwang ang HealthFirst at opisina ni Cong. Erice.

Kabilang sa mga libreng konsultasyon ang vitals check, urinalysis, bone density check, blood chemistry, eye check-up, libreng gamot, bitamina, X-Ray at marami pang serbisyong pangkalusugan. (Richard Mesa)

 24 nagtapos sa UCC Collage of Law, pinarangalan ng LGU

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL na pinarangalan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang 24 na nagtapos ng University of Caloocan City (UCC) College of Law sa ikaanim na commencement exercises nito, na nagdiwang ng isang milestone sa patuloy na pangako ng lungsod sa accessible at de-kalidad na legal na edukasyon.

Sa kanyang mensahe, binati ni Mayor Along ang mga nagsipagtapos at kinilala ang dedikasyon at tiyaga na nagdala sa kanila sa mahigpit na paglalakbay sa law school.

“The journey to become lawyers is not easy. Kung nahirapan kayo, hindi ito sinasadya kundi dahil ito ay paghahanda para sa lahat ng haharapin ninyo kapag kayo ay naging ganap nang mga abogado,” aniya.

Hinikayat din ng punong ehekutibo ang mga nagtapos na manatiling kumpiyansa habang naghahanda sila para sa Bar Examinations, na nagpapaalala sa kanila na sila ay may kakayahan at karapat-dapat sa tagumpay.

“This is not the time to doubt yourselves. This is the time to take your preparations to the highest level and accept that every single one of you are excellent and enough to be called attorneys,” sabi ni Mayor Along.

Pinasalamatan din ni Mayor Along ang mga magulang, propesor, opisyal ng paaralan, at buong komunidad ng UCC sa pagsuporta sa mga estudyante sa kanilang mga karanasan.

Nagpahayag din siya ng kumpiyansa na dadalhin ng mga nagsipagtapos ang mga pagpapahalagang itinanim ng institusyon habang hinahabol nila ang kanilang mga legal na karera at makabuluhang kontribusyon sa serbisyo publiko sa hinaharap.

Samantala, binati rin ni Congressman Oca Malapitan ang mga nagsipagtapos na aniya’y bunga ng kanilang sipag, tiyaga, at dedikasyon sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. (Richard Mesa)

P50,000 entry-level salary para sa mga guro at P5,000 Personnel Economic Relief Allowance (PERA) increase, isinusulong 

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAHARAP ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga teachers’ groups mula sa iba’t ibang lugar sa bansa sa isinagawang courtesy call sa Kamara kasama sina TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre, Vice-Chairperson ng House Committee on Basic Education and Culture; ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio; Pasig Lone District Rep. Roman Romulo, Chairperson ng House Committee on Basic Education and Culture; at iba pang mambabatas.

Nakatuon ang pagpupulong sa naka-pending na mga panukalang batas at reporma na nakatuon sa pagpapabuti sa ’ welfare, career growth, a long-term professional development, kabilang na ang isinusulong na salary increases sa public at private school educators.

Sa ginanap na dayalogo, inihayag ni Acidre ang implementasyon ng Republic Act No. 12288, o Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act, ay magtatatag sa Expanded Career Progression (ECP) System para sa paglalaan ng mas malinaw at accessible pathways para sa mga guro at school heads.

Tinungo ng mga guro ang kani-kanilang district representatives dala ang ilang panukala tulad ng P50,000 entry-level salary para sa mga guro at P5,000 Personnel Economic Relief Allowance (PERA) increase. Nagbigay suporta naman ang lahat ng Kongresista na nilapitan ng mga guro.

(Vina de Guzman)

Sen Imee kinuyog ng minorya sa ‘hao siao’ video

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MISTULANG kinuyog ng mga miyembro ng Senate minority bloc ang isang video na ipinalabas ni Sen. Imee Marcos sa plenaryo nitong Lunes, Mayo 25.

Ipinapakita sa video ang umano’y pagpupulong nina Senate Mino­rity Leader Vicente Sotto III, House Speaker Bojie Dy, Cong. Ferdinand Hernandez, at dating Senate Secretary Mark Llandro Mendoza tungkol sa Charter Change at posibleng pagharang sa presidential bid ni Vice President Sara Duterte sa 2028.

Ayon kay Marcos, pinag-uusapan umano ang Constitutional Assembly para sa term extension ng mga mambabatas at ang pagtaas ng minimum age requirement sa pagtakbo bilang pangulo mula 45 tungo sa 50 taong gulang.

Tinawag itong pro­paganda ni Sen. Juan Miguel Zubiri at hiniling na tanggalin sa record. ‘Unparliamentary’ rin umano ang ipinakitang video ng senadora na isang propaganda at nag­hahasik lang ng intriga.

“Inday Badiday na ba tayo dito sa Senado? Kaya ang sinasabi, we are a circus. I apologize to those who are ­watching. Do you think we are a circus, because this type of language that we are pushing in this August chamber,” dagdag pa niya.

Mariin ding itinanggi ni Sotto ang partisipasyon sa Cha-cha at sumuporta sa mosyon ni Zubiri.

Para kay Sen. Erwin Tulfo, “fake news”

ang video. Iginiit din ni Sen. Risa Hontiveros na peke ang ipinakita habang nilinaw ni Sen. JV Ejercito na hindi napag-usapan sa Senado ang Cha-cha o ConAss.

Tinawag naman itong “hao siao” ni Sen. Raffy Tulfo at binalaan laban sa paggamit ng ­plenaryo para sa cons­piracy theories

“First time lang ako nakakita ng “hao siao” presentation kanina but before that let me tell you this, Sana huwag natin gamitin ‘yung plenary para sa conspiracy theories natin sana ma­ging totoo lang tayo,” ani Tulfo. (Daris Jose)

PBBM, hinamon si Sen Imee Marcos na patunayan ang alegasyon nito na ‘No El’ sa 2028

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINAMON ng Malakanyang si Senador Imee Marcos na maglabas ng ebidensiya na magpapatunay sa kanyang espekulasyon na tinitingnan ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang amyendahan ang 1987 Constitution para sa posibleng term extensions at election postponement.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro. na makabubuting patunayan muna ni Imee Marcos ang kanyang mga alegasyon laban sa Pangulo sa halip na kaladkarin ang Chief Executive sa walang katotohanang pasabog nito.

Binigyang diin ni Castro na hindi kailanman pinag-usapan sa pulong ang ChaCha.

“Kapag po kami ay nagmi-meeting, ni hindi po iyan napag-uusapan,” ayon kay Castro.

“Ang daming meetings ng Pangulo pero hindi po iyan ang nagiging agenda dahil walang balak sa ganiyan. Hindi po iyan priority ng Pangulo at hindi po iyan gagawin,” aniya pa rin.

Pinalutang kasi ng kapatid ni Pangulong Marcos na si Senador Imee ang di umano’y pinaplano ng administrasyon na palawigan ang termino ni PBBM at maging ng mga mambabatas hanggang 2031 at posibilidad na itaas ang “age retirements” para sa kuwalipikasyon ng tatakbo sa pampanguluhan na bahagi ng mga umano’y istratehiya upang pigilan ang kandidatura ni VP Sara.

Tila ipinamukha pa ni Castro kay Imee Marcos na nakatuon ang pansin ng Pangulo sa governance concerns, kabilang na ang epekto ng El Niño.

Aniya, sumusunod ang Pangulo sa batas at hindi kailanman kinonsidera ang “no-election” scenario.

“Meron tayong batas. Maliwanag na 2028, supposed to be, may eleksyon. Huwag nating ibaling sa Pangulo dahil ang Pangulo ay sa batas. So, ano ang batas? May eleksyon sa 2028,” ayon kay Castro.

Matatandaan aniya na binasura ng Pangulo ang panawagan ng ilang mambabatas na amiyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon, sabay sabing ang Charter change ay “not the solution to the country’s problem.”

“Sa aking paningin, itong ginawa ni Senator Imee, pantakip ito sa mas malaking isyu ng impeachment trial and maliban diyan, pagtakip ito sa pagtatakas kay Senator Bato dela Rosa na nasa custody nila, nasa protective custody nila,” ang tinuran ni Castro.

Hinikayat naman niya ang publiko na huwag mabahala sa tsismis na pinalutang ni Imee Marcos.

“Sa mga kababayan natin, iyang mga klaseng kwento, hangga’t wala tayong nakikitang sinisimulan, huwag tayong maalarma kasi puro haka-haka lang iyan,” ang winika ni Castro.

“Wala pa sa Step 1, di ba? Siguro kung may nakikita na kayong mga senyales kasi sa akin on my part, wala talaga akong nakikitang senyales sa Palasyo na ito ang tinutumbok kasi hindi po talaga iyan pinag-uusapan,” anito. (Daris Jose)

Serbisyong pampubliko para sa mga Pilipinong may autism, kulang

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DISMAYADO ang isang mambabatas sa kakulangan ng suporta ng gobyerno sa mga serbisyong pampubliko para sa mga Pilipinong may autism.

Ayon kay House Deputy Speaker Alfredo “Albee” Benitez, nasa 1.2 milyong Pilipino at kanilang pamilya ang apektado ng “Autism Spectrum Disorder (ASD).

“Autism Spectrum Disorder (ASD) affects 1.2 million Filipinos and their families. Yet, many still face barriers in terms of access to early diagnosis early intervention inclusive education meaningful employment and community support. These gaps limit not only their potential but also the opportunities for them to fully participate in society” ani Benitez.

Sinabi pa ng mambabatas na dahil sa aspetong ito ay napipilitan ang mga magulang na may anak na may autism na kumuha ng mas mahal at magastos na serbisyo mula sa private therapy centers o hindi na nabibigyan ng therapy ang kanilang mga anak.

Bunsod nito, isinusulong ng mambabatas ang House bill 3379 o “An Act Instituting a Comprehensive National Autism Spectrum Disorder (ASD) Program.” Pangunahing layunin nito ay mabigyan ng libreng therapy session ng pamahalaan ang mga Pinoy na may autism sa pribado o pampublikong ospital.

Nakapaloob pa sa panukala ang paglaan ng libreng developmental assessment, pagpapatuloy ng programa sa bahay, buwanang ayuda o allowance sa pamilya ng may spectrum, dagdag na leave para sa mga magulang ng mga batang may autism, edukasyon at iba pang oportunidad gaya ng trabaho.

(Vina de Guzman)

News 5

Electrician na wanted sa rape, inaresto sa loob ng selda sa Caloocan

NABISTONG wanted pala sa kasong panghahalay sa isang menor-de-edad na biktima ang isang electrician na kabilang sa mga naaresto sa operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang 29-anyos na akusado na residente ng Brgy, Nasucob, Bulalacao, Oriental Mindoro ay kabilang sa mga Most Wanted Person ng NPD. 

Nakapiit sa Custodial Facility Unit ng Caloocan CPS ang akusado nang kasamang maaresto sa isinagawang mga operation ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth sa lungsod.

Nang isagawa ng pulisya ang background investigation, natuklasan na may nakabimbing warrant of arrest ang electrician na inilabas nitong Mayo 18, 2026 ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 131, para sa kasong Statutory Rape.

Kaagad namang isinilbi ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Caloocan CPS sa electrician ang nasabing warrant sa loob mismo ng nasabing detention facility.

Ayon kay Col. Goforth, walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado kaya mananatili muna siya sa nasabing piitan habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. (Richard Mesa)

PCG NAG-ABISO SA POSIBLENG PAGHULOG NG BAKAS NG ROKETETE

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ng abiso ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng posibleng paghulog ng mga pira-pirasong bahagi ng roketete sa Hilagang Luzon mula sa paglulunsad ng Long March 7A na roketete ng Tsina.

Ang nasabing paglulunsad ay nakatakdang isagawa mula sa Wenchang, Hainan, sa pagitan ng 12:08 ng hatinggabi hanggang 1:12 ng madaling araw (oras sa Pilipinas), ika-27 ng Mayo 2026.

Natukoy ang mga lugar na maaaring laglagan ng mga pira-pirasong bahagi sa mga sumusunod na karagatan:

Lugar ng Laglagan 1 – humigit-kumulang 41 nautical mile mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 62 nautical mile mula sa Pulo ng Dalupiri, Cagayan

Lugar ng Laglagan 2 – humigit-kumulang 69 nautical mile mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 81 nautical mile mula sa Pulo ng Dalupiri, Cagayan

Ipinapayo ng PCG sa mga mangingisda, mga nagpapatakbo ng maliliit na sasakyang pandagat at mga mandaragat na iwasan ang mga natukoy na lugar sa panahon ng itinakdang oras ng paglulunsad at manatiling mapagmatyag kung may anumang lumulutang na pira-piraso o kahina-hinalang bagay sa dagat.

Mahigpit na pinapayuhan ang publiko na huwag lumapit o kunin ang anumang pinaghihinalaang bahagi ng roketete dahil maaaring nagtataglay ito ng mga mapanganib na materyales. Ang anumang makitang lumulutang na bagay o pira-piraso ay dapat agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng PCG o sa mga lokal na awtoridad para sa wastong pagsusuri at paghawak. (Gene Adsuara)

Valenzuela LGU, Habitat for Humanity nagturn-over ng 26 housing units sa Mapulang Lupa families

Posted on: May 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

OPISYAL na tinurn-over ang 26 housing units sa ilalim ng Ameya Homes sa mga kwalipikadong pamilyang benepisyaryo mula sa Samahang Nagkakaisang Kapatiran ng Mapulang Lupa (SNKMKL), na nagmarka ng isa pang milestone sa patuloy na pangako ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa inclusive housing at sustainable community development.

Ang proyektong pabahay ay naging posible sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod at Habitat for Humanity Philippines, isang non-profit na organisasyon na nakatuon sa pagtatayo ng ligtas at disenteng mga tahanan para sa mga pamilya at komunidad na nangangailangan.

Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Mayor Wes Gatchalian ang mga benepisyaryo na panatilihin ang kaayusan ng Ameya Homes, “Sa bagong bahay, bagong buhay na sisimulan natin dito sa Mapulang Lupa, kung sinimulan natin nang maayos at maganda, sana ay panatilihin natin maayos at maganda ang inyong lugar.”

Sa ilalim ng partnership, ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ang property na pag-aari ng LGU para sa pagpapaunlad ng pabahay, habang ang Habitat for Humanity Philippines, sa pamamagitan ng suporta ng mga donor at partner nito, ay pinondohan at itinayo ang 26 housing units para sa mga kwalipikadong miyembro ng SNKMKL.

Bilang karagdagan sa mga yunit ng pabahay, ang Habitat for Humanity Philippines ay nag-donate din ng dalawang palapag na multi-purpose building na inilaan upang magsilbing lugar para sa mga aktibidad, pagpupulong, at mga programa ng komunidad ng mga may-ari ng bahay.

Samantala, pinondohan at ipinatupad ng Pamahalaang Lungsod ang humigit-kumulang PhP 7.6 milyong halaga ng mga gawaing pagpapaunlad ng lupa, kabilang ang pagtatayo ng mga kalsada, drainage system, at perimeter fences upang matiyak ang mas ligtas, mas functional, at matitirahan na kapaligiran para sa mga residente.

Sa loob ng mga dekada, ang mga miyembro ng SNKMKL ay nabuhay sa mga mapanghamong kondisyon nang walang ligtas na panunungkulan at sa pamamagitan ng proyektong pabahay, binibigyan na sila ngayon ng mas ligtas at mas matatag na mga tahanan sa loob ng isang maunlad na komunidad.

Ang Ameya Homes ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng lungsod upang iangat ang mga komunidad at pahusayin ang kalidad ng buhay ng mga Valenzuelano sa pamamagitan ng accessible na pabahay at pag-unlad ng urban na nakasentro sa mga tao. (Richard Mesa)