PBBM, hinamon si Sen Imee Marcos na patunayan ang alegasyon nito na ‘No El’ sa 2028
- Published on May 27, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINAMON ng Malakanyang si Senador Imee Marcos na maglabas ng ebidensiya na magpapatunay sa kanyang espekulasyon na tinitingnan ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang amyendahan ang 1987 Constitution para sa posibleng term extensions at election postponement.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro. na makabubuting patunayan muna ni Imee Marcos ang kanyang mga alegasyon laban sa Pangulo sa halip na kaladkarin ang Chief Executive sa walang katotohanang pasabog nito.
Binigyang diin ni Castro na hindi kailanman pinag-usapan sa pulong ang ChaCha.
“Kapag po kami ay nagmi-meeting, ni hindi po iyan napag-uusapan,” ayon kay Castro.
“Ang daming meetings ng Pangulo pero hindi po iyan ang nagiging agenda dahil walang balak sa ganiyan. Hindi po iyan priority ng Pangulo at hindi po iyan gagawin,” aniya pa rin.
Pinalutang kasi ng kapatid ni Pangulong Marcos na si Senador Imee ang di umano’y pinaplano ng administrasyon na palawigan ang termino ni PBBM at maging ng mga mambabatas hanggang 2031 at posibilidad na itaas ang “age retirements” para sa kuwalipikasyon ng tatakbo sa pampanguluhan na bahagi ng mga umano’y istratehiya upang pigilan ang kandidatura ni VP Sara.
Tila ipinamukha pa ni Castro kay Imee Marcos na nakatuon ang pansin ng Pangulo sa governance concerns, kabilang na ang epekto ng El Niño.
Aniya, sumusunod ang Pangulo sa batas at hindi kailanman kinonsidera ang “no-election” scenario.
“Meron tayong batas. Maliwanag na 2028, supposed to be, may eleksyon. Huwag nating ibaling sa Pangulo dahil ang Pangulo ay sa batas. So, ano ang batas? May eleksyon sa 2028,” ayon kay Castro.
Matatandaan aniya na binasura ng Pangulo ang panawagan ng ilang mambabatas na amiyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon, sabay sabing ang Charter change ay “not the solution to the country’s problem.”
“Sa aking paningin, itong ginawa ni Senator Imee, pantakip ito sa mas malaking isyu ng impeachment trial and maliban diyan, pagtakip ito sa pagtatakas kay Senator Bato dela Rosa na nasa custody nila, nasa protective custody nila,” ang tinuran ni Castro.
Hinikayat naman niya ang publiko na huwag mabahala sa tsismis na pinalutang ni Imee Marcos.
“Sa mga kababayan natin, iyang mga klaseng kwento, hangga’t wala tayong nakikitang sinisimulan, huwag tayong maalarma kasi puro haka-haka lang iyan,” ang winika ni Castro.
“Wala pa sa Step 1, di ba? Siguro kung may nakikita na kayong mga senyales kasi sa akin on my part, wala talaga akong nakikitang senyales sa Palasyo na ito ang tinutumbok kasi hindi po talaga iyan pinag-uusapan,” anito. (Daris Jose)