DA sa di umano’y kasunduan kay Trump: “Kung mag-aalok ang Estados Unidos ng mababang presyo, bakit hindi natin ito tanggapin?”
- Published on November 24, 2026
- by Francis Paolo Torres
SINABI ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kung mag-aalok ang Estados Unidos ng mas murang mga produktong agrikultural, magiging magandang kasunduan ito para sa Pilipinas na bumili mula sa Amerika.
Ito ang reaksiyon ni Tiu Laurel sa pahayag ni US President Donald Trump, na nagsabing pumayag ang Pilipinas na kunin ang 100 porsiyento ng pangangailangan nito sa enerhiya at mga produktong agrikultural mula sa Estados Unidos sa halip na bumili sa ibang mga bansa tulad ng Brazil.
“If somebody gives me a low price, I will buy everything from that person kasi at the end of the day, makikinabang tayo,” ang sinabi ng Kalihim sa mga mamamahayag sa sideline Asia-Pacific Conference on Sustainable Agricultural Mechanization.
Ngunit inamin ni Tiu Laurel na hindi siya dumalo sa pagpupulong nina Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunman, sinabi niya na maaaring makinabang ang Pilipinas kung magbebenta ang Estados Unidos ng mga produktong tulad ng soya o trigo na hindi naman naipoprodyus sa bansa.
Sa kabuuan, naniniwala rin ang Tiu Laurel na mahalagang magkaroon ang bansa ng iba’t ibang pinagkukunan ng pagkain upang matiyak ang seguridad sa pagkain ng Pilipinas.
“We have to have multiple sources to be food secure. Mas magandang mas marami tayong iba ibang sources, but of course kung mura naman ibebenta siguro sa atin ang agri products like soya, wheat na hindi naman finafarm, why not?,” ang winika nito.
Sa kabilang dako, hindi naman sinabi ni Pangulong Marcos kung talagang pumayag ang bansa na bumili ng 100 porsiyento ng mga produktong agrikultural mula sa Estados Unidos.
Aniya, kabilang sa mga paksang napag-usapan nila ni Trump ang paghahanap ng Pilipinas ng mas murang mapagkukunan ng mga produktong pagkain.
Samantala, sinabi naman ni Energy Secretary Sharon Garin na wala pang pinal na kasunduan tungkol sa sinasabing kasunduan sa enerhiya sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Garin sa isang panayam, ang “deklarasyon” ni Trump ay nagpapakita lamang ng kung ano ang nais niyang mangyari.
Dagdag pa niya, karaniwang nakikipagnegosasyon ang bansang Kanluranin upang mapangalagaan ang pinakamabuting interes ng Estados Unidos.
( DARIS JOSE)