PCG NAG-ABISO SA POSIBLENG PAGHULOG NG BAKAS NG ROKETETE
- Published on May 27, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGLABAS ng abiso ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng posibleng paghulog ng mga pira-pirasong bahagi ng roketete sa Hilagang Luzon mula sa paglulunsad ng Long March 7A na roketete ng Tsina.
Ang nasabing paglulunsad ay nakatakdang isagawa mula sa Wenchang, Hainan, sa pagitan ng 12:08 ng hatinggabi hanggang 1:12 ng madaling araw (oras sa Pilipinas), ika-27 ng Mayo 2026.
Natukoy ang mga lugar na maaaring laglagan ng mga pira-pirasong bahagi sa mga sumusunod na karagatan:
Lugar ng Laglagan 1 – humigit-kumulang 41 nautical mile mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 62 nautical mile mula sa Pulo ng Dalupiri, Cagayan
Lugar ng Laglagan 2 – humigit-kumulang 69 nautical mile mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 81 nautical mile mula sa Pulo ng Dalupiri, Cagayan
Ipinapayo ng PCG sa mga mangingisda, mga nagpapatakbo ng maliliit na sasakyang pandagat at mga mandaragat na iwasan ang mga natukoy na lugar sa panahon ng itinakdang oras ng paglulunsad at manatiling mapagmatyag kung may anumang lumulutang na pira-piraso o kahina-hinalang bagay sa dagat.
Mahigpit na pinapayuhan ang publiko na huwag lumapit o kunin ang anumang pinaghihinalaang bahagi ng roketete dahil maaaring nagtataglay ito ng mga mapanganib na materyales. Ang anumang makitang lumulutang na bagay o pira-piraso ay dapat agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng PCG o sa mga lokal na awtoridad para sa wastong pagsusuri at paghawak. (Gene Adsuara)