• May 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 21st, 2026

SC, ibinasura ang hiling ni Sen. Bato na TRO laban sa ICC arrest warrant

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINASURA ng Kataas-taasang Hukuman ang mosyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang mga awtoridad na ipatupad ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa special en banc session ng Supreme Court noong Mayo 20, 2026, bumoto ang mga mahistrado ng 9-5-1 pabor sa pagtanggi sa kahilingan ng senador.

Ayon sa Korte Suprema, ang desisyon ay tumutukoy lamang sa mga interim reliefs gaya ng TRO at Status Quo Ante Order, at hindi pa nito nireresolba ang pangunahing isyu ng kaso.

Ang buong resolusyon, kasama ang mga hiwalay na opinyon ng mga mahistrado, ay nakatakdang ilabas sa Mayo 25, 2026.

Sa kanyang petisyon, hiniling ni Dela Rosa na pigilan ang Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Department of Foreign Affairs, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Criminal Investigation and Detection Group na ipatupad ang anumang warrant mula ICC, Interpol red notice, o anumang dayuhang judicial instrument nang walang kaukulang Philippine judicial warrant.

Ang ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa ay kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na umano’y naganap sa ilalim ng Davao Death Squad at sa kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte.

( Daris Jose)

Regular briefings para ipaliwanag ang VP Duterte trial sa publiko

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IKINUKONSIDERA ng House prosecution panel ang pagsasagawa ng regular press briefings sa panahon ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang tulungan ang publiko na maintindihan ang proceedings at maiwasan ang kalituhan sa mga legal issues ukol sa mga kaganapan sa Senate impeachment court.

Sinabi ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, naghanda na ang prosecution team sa posibilidad na mahabang araw ng pagdinig, public attention at mga pagtatanong mula sa media at sambayanan na nakabantay sa kaso.

“Tayo naman po ay naka-ready na tayo. Alam na po natin baka kunti na lang ‘yung tulog natin ‘pag nagkataon po na mag-umpisa na po ang trial,” pahayag ni Adiong, House Assistant Majority Leader at chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa isang radio interview.

Sinabi pa nito na tinatalakay pa ng panel ang eksaktong format pero naniniwala ito na makakatulong ang pagkakaroon ng regular briefings lalo na at masusi itong babantayan.

“But as to your question po, pinag-uusapan pa po ‘yan kung magkakaroon, pero ako in my own opinion mukhang kailangan po ‘yung sinasabi nating ginawa nung nakaraang kongreso na magkaroon ng press briefing,” paliwanag ni Alonto Adiong. 

“Para sa ganon ay mas madali para sa ating mga kaibigan sa media na mailahad ang mga dapat mailahad na information at magtanong na rin ng ating partners in the media ‘yung mga kinakailangan tanong para po magkaroon ng mas masusing diskusyon at mas clarified na information na maipapahatid po natin sa publiko.”

Naniniwala pa ito na makakatulong ang pagsasagawa ng formal briefings sa mga mamamahayag na makakuha ng malinaw na impormasyon mula sa bahagi ng prosekusyon at maiwasan ang iba’t ibang interpretasyon sa mga kaganapan sa impeachment court.

“So isa po yan sa pinag-usapan ng prosecution team whether or not there will be a press briefing by the House trial prosecution. Pero ako, naniniwala po ako na kailangan po ‘yan,” dagdag nito.

Ito ay dala na rin sa maraming Pinoy ang sumusunod at nagbabantay sa impeachment case kaya kailangan na magkaroon ng regular updates sa trial. (Vina de Guzman)

Sa House Bill No. 9171 dapat tugisin at panagutin ang mga manggagantso

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAIN ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang panukalang magkukurba sa ginagawang pagbebenta muli o reselling ng admission tickets sa pamamagitan ng hindi awtorisadong paraan.

Sa House Bill No. 9171, layon ni De Lima na protektahan ang consumers at masiguro ang patas na access sa mga entertainment events sa pamamagitan nang pagbawal sa ticket scalping, partikular na sa resale ng tickets sa presyong mahigit sa 10% face value ng walang sapat na awtorisasyon.

Ang ticket scalping ay ang nakagawiang pagbili ng admission tickets sa isang entertainment events at muling pagbebenta nito sa mas mataas sa kanilang original face valueginagawa sa mataas na demand sa mga concerts, sports matches, at festivals. 

“We want to restore public trust and ensure that access to live events is determined by fairness rather than the ability of intermediaries to exploit demand for profit. Hindi pwedeng hayaan lang ang labis na pananamantala ng scalpers. Kung hindi ito aaksyunan at papatawan ng mahigpit na parusa, titindi pa ang kanilang modus at mas marami pa silang mabibiktima – mga fans na mapipilitang bumili sa di-makatarungang presyo o mapagkakaitan ng oportunidad na mapanood ang kanilang mga hinahangaan dahil naubusan o dahil hindi kayang makabili ng mahal na ticket,” dagdag nito.

Sinabi ng mambabatas na may mga reklamo mula sa mga fans ukol sa sobrang resale prices ng mga events na gusto nilang panoorin o daluhan.

Nakapaloob pa sa HB 9171, ang mga napatunayang nagsagawa ng “ticket hoarding, selling through unauthorized channels, and failure to disclose accurate pricing information” ay paparusahan ng multang mula P50,000.00 hanggang P500,000.00 atpagkakakulong ng 6 na buwan hanggang tatlong taon.

“Malinaw po: Ang ticket scalping ay hindi maituturing na diskarte lang sa pagnenegosyo. Hindi ito dapat ipagkibit-balikat lang kung na-a-afford naman ng pinagbebentahan. Isa itong garapalang pagkatuso, panloloko at panggagantso sa kapwa,” pahayag ni De Lima. 

 (Vina de Guzman)

Anomalya sa Davao at Matina River projects, dapat aksyunan panawagan ng mambabatas 

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si ACT Teachers Party-list Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio sa Office of the Ombudsman na agad aksyunan ang mga umano’y anomalya sa Davao at Matina River projects.

Naging matundi kasi ang pagbaha sa ilang komunidad sa Davao City nitong Lunes.

Ang pagbaha ay dulot ng matinding buhos ng ulan dala ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies, mga pagbaha sa mga lugar tulad ng Matina Pangi, Matina Crossing, Bunawan, at mababang lugar na nakaapekto sa klase, trabaho, pagkakitaan at pagbibigay ng basic services.

“What we are seeing in Davao City today is the human cost of ‘flood control’ that exists only on paper or is grossly shortchanged in implementation,” ani Tinio. 

“If billions were truly spent to protect communities along the Davao and Matina River systems, people should not be wading through waist-deep floodwaters year after year.”

“Hindi na ito simpleng ‘masamang pa panahon.’ Malinaw itong ebidensya ng bulok at kuwestiyonableng flood control projects sa lungsod. Kapag bilyon-bilyon ang inilaan, pero paulit-ulit ang pagbaha at pagkasira ng kabuhayan, may dapat managot,” dagdag nito.

Sinabi ni Tinio na sa isinagawang independent review ng ACT Teachers sa 121 flood control projects sa Davao at Matina Rivers mula 2019 hanggang 2022 at pagred-flagged sa 80 contracts na nagkakahalaga ng ₱4.44 billion dahil umano sa iregularidad tulad ng overlapping contracts, double funding, location changes at shortened project lengths sa kabila ng near-full payments, contracts without verifiable specifications, items without clear GAA authorization, at long-incomplete projects.

“The current flooding makes the case for physical verification even more urgent. We cannot allow a cycle where funds are repeatedly allocated, contracts are repeatedly awarded, and communities are repeatedly flooded,” aniya.

Nagsumite na rin ang mambabatas ng liham kay Ombudsman Jesus Crispin C. Remulla, kabilang na ang mga documents, materials, at panawagan ng Kamara para sa imbestigasyon sa Davao flood control issue.

“Enough delays. The Ombudsman must move immediately—inspect the sites, audit the contracts, trace the payments, and file the appropriate cases. Every rainy season that passes without accountability is a green light for another round of corruption and negligence. Lahat ng sangkot, dapat managot. Hindi puwedeng ang taumbayan ang laging binabaha, habang ang mga kontratista at opisyal ang laging nakikinabang,” pagtatapos ni Tinio. (Vina de Guzman)

Pulis, kulong sa panghihipo sa 14-anyos na dalagita sa Malabon

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HIMAS-REHAS ang isang pulis nang arestuhin kanyang mga kabaro makaraang hipuan sa puwit ang 14-anyos na dalagita at sugurin pa sa loob ng bahay ang biktima nang magsumbong sa kanyang pamilya sa Malabon City, Martes ng gabi.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, lasing umano ang 45-anyos na pulis na may ranggong PCMS at nakatalaga sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Manila Police District (MPD) nang mapag-tripang hipuin ang matambok na puwit ng 14-anyos na dalagita habang naglalakad pauwi sa Salmon St., Brgy., Longos dakong alas-7:30 ng gabi.

Kaagad namang nagsumbong sa kanyang pamilya ang dalagita kaya sinamahan siya ng kanyang kuya upang komprontahin ang pulis subalit, sa halip na humingi ng paumanhin, nagalit at nagbitiw pa umani ito ng mga pananakot na pananalita.

Dahil sa takot, napilitang tumakbong pauwi ang magkapatid subalit, hinabol sila ng pulis hanggang sa loob ng kanilang bahay na nagdulot ng takot sa pamilya ng dalagita.

Nang makarating naman sa kaalaman ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig ang pangyayari ay agad nagresponde ang mga ito sa nasabing lugar sa pangunguna ng Special Weapon and Tactic (SWAT) team na nagresulta sa kanyang pagkakadakip sa suspek.

Nahaharap sa mga kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 (Child Abuse), Grave Threats, Alarms and Scandal, Violation of Domicile, at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang pulis matapos makumpiska sa kanya ang kalibre .9mm pistol na kargado ng 20 bala sa magazine. (Richard Mesa)

Rogelio ” Ricky” Madali , ang amang mapagmahal at matulungin ng Barangay 35, District 2 ng Caloocan!

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

  MABABAKAS sa kanyang maamong anyo ang kabutihan ng kanyang kalooban at pagka-matulungin sa kanyang kapwa. Siya si dating kapitan Rogelio ” Ricky” Madali ng Brgy. 35 , Zone-3, Dist. 2 Caloocan City! Matagal ding nanungkulan ang butihing kapitang Rogelio sa kanilang pamayanan ng may 13 years in Service as Public Servant. Nagsimula siya bilang Kagawad hanggang siya’y naupo bilang butihing “AMA” ng Brgy. 35. Sa loob ng mga nagdaang taon marami siyang nagawa sa kanilang komunidad tulad ng pananatili sa kaayusan ng Brgy. Hall,

paglilinis sa mga estero at paglalagay ng mga CCTV para maiwasan ang anumang masamang kaganapan.  

Pinabakuran din ng butihing Kap. Ricky ang ilog para ‘ di na tapunan ng mga basura at maiwasan ang pagbaha. Nagkaroon din sila ng firetrucks at mga ambulansiya para sa anumang sakuna at meron din fire extinguisher para sa emergency.

Libre rin ang pagkuha sa kanila ng Indigency Clearance at Brgy. Clearance. Pagdating naman sa mga gamot laging nakalaan para sa mga Senior Citizens mga magulang at kabataan. Ayon pa sa butihing Ama Kap. Ricky “, ibabalik ko ang Serbisyong Totoo sa aking mga anak dito sa aming Barangay 35. Kahit sa maliit na bagay maibigay ko sa kanila masaya na ako..kahit ngayon po, pag may humihingi sa akin tinutulungan ko po sa abot ng aking makakaya. Nararamdaman ko rin po kasi ang kanilang kahirapan, ang sa’kin, magtulungan lang po. Nais ko rin pong magpasalamat sa aming Mahal na Mayor Along Malapitan sa kanyang mga magagandang proyektong ibinaba sa aming barangay at asahan din po ng aming mahal na Mayor Malapitan ako po at ang aking anak na si Rowena ” Weng” Madali-Oros na tatakbo bilang kagawad ay susuporta sa mga Gawaing Panlungsod ng ating Alkalde!” ang madamdaming pahayag ng isang mabait at mapagmahal na Ama ng Barangay 35 na si Kap.Rogelio ” Ricky” Madali.

( Sonny Asignacion)

6 pasaway, nalambat sa ‘Oplan Galugad’ sa Valenzuela 

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIKLO ang anim na indibidwal kabilang ang tatlong drug suspects nang maaktuhan naglalaro ng illegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 sa Libra St., Batimana Compound, Brgy., Marulas nang maaktuhan nila ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ alas-7:25 ng gabi.

Nakumpiska sa dalawang inaresto ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasamsam kay alyas “Edmar”, 39.

Nauna rito, natimbog ng mga tauhan ng Police Sub-Station 1 ang dalawa ring lalaki habang nagsusugal naman umano ng ‘lucky 9’ sa tabi ng isang covert court sa Jasmin St., Brgy., Paso De Blas dakong alas-3:40 ng hapon.

Nakuha sa kanila ang perang taya, gamit na baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska umano kay alyas “Randy”, 35, helper.

Pasado alas-11:30 naman ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ang dalawang kelot habang nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa Northville 1, Casarival, Brgy., Bignay. Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Jerome”, 31.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan pa na kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin ng tatlong nakuhanan ng droga. (Richard Mesa)

PNP NAGPATAW NG PARUSA SA 1,191 NA TAUHAN SA PATULOY NA PAGPAPATUPAD NG INTERNAL DISCIPLINE DRIVE

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY na pinapalakas ng Philippine National Police (PNP) ang internal disciplinary mechanisms nito, na nagpapataw ng mga parusang administratibo sa 1,191 na tauhan mula Enero 1 hanggang Mayo 6, 2026 bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng organisasyon para sa internal cleansing.

Batay sa mga talaan mula sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), ang mga parusang ipinataw ay kinabibilangan ng dismissal from the service, suspension, demotion, forfeiture of salary, restriction, reprimand, at withholding of privileges, depende sa bigat ng pagkakasala at alinsunod sa mga umiiral na batas, tuntunin, at regulasyon.

Sa kabuuang bilang, 551 na tauhan ang nasuspinde, 353 ang natanggal sa serbisyo, 176 ang pinatawan ng parusang forfeiture of salary, 63 ang ibinaba ang ranggo, 23 ang reprimanded, 20 ang pinagkaitan ng mga pribilehiyo, at lima ang inilagay sa ilalim ng restriksyon.

Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang patuloy na zero-tolerance policy ng organisasyon laban sa maling pag-uugali, korapsyon, at iba pang paglabag na ginagawa ng mga nagkasalang tauhan.

“Patuloy nating pinaiigting ang internal cleansing program ng PNP upang matiyak na ang mga pulis na lumalabag sa batas at sa ating mga alituntunin ay naaaksyunan ng naaayon sa due process. Mahalagang mapanatili natin ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng isang disiplinado at propesyonal na hanay ng pulisya,” sabi ni PGen Nartatez.

Ipinakita pa ng mga rekord mula sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na mula Agosto 26, 2025 hanggang Mayo 6, 2026, may kabuuang 1,108 na tauhan mula sa iba’t ibang ranggo ang tinanggal sa serbisyo bilang bahagi ng pinaigting na internal cleansing at disciplinary campaign ng PNP.

Kabilang sa mga bilang ang 1,020 Police Non-Commissioned Officers (PNCOs), 52 Police Commissioned Officers (PCOs), at 36 Non-Uniformed Personnel (NUPs), na sumasalamin sa patakaran ng organisasyon tungkol sa pananagutan anuman ang ranggo o posisyon.

Binigyang-diin din ni PGen Nartatez na ang mga disciplinary actions ay ipinapatupad anuman ang ranggo o posisyon at bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng PNP na itaguyod ang disiplina ng organisasyon at tiwala ng publiko. (PAUL JOHN REYES)

Quezon City LGU hinikayat publiko sa All aBoard Expo 2026

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIKAYAT ng Quezon City local government ang publiko na dumalo sa All aBoard Expo 2026, na itinuturing na pinakamalaking board game expo sa Southeast Asia.

Ayon sa QC LGU, libre ang admission para sa mga QCitizen at mga batang edad 12 pababa.

Maglalaan din ng libreng QCity Bus rides at shuttle services mula sa ilang key pickup points kabilang ang Cubao, Litex, General Luis, Minda­nao Avenue, Gilmore, CI5 (Ortigas Exit), at Muñoz papunta sa QC MICE Center.

Tampok sa expo ang interactive exhibits, ga­ming zones, educational displays, at iba’t ibang aktibidad na layong hikayatin ang pagkatuto at kritikal na pag-iisip sa pamamagitan ng paglalaro.

May minimal entrance fee na P150 para sa mga hindi residente ng Que­zon City. Nakipag-partner din ang lokal na pamahalaan sa ilang hotel, kabilang ang Seda Hotel, para sa discounted room rates ng mga dadalo.

Ads May 21, 2026

Posted on: May 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments