• May 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pulis, kulong sa panghihipo sa 14-anyos na dalagita sa Malabon

HIMAS-REHAS ang isang pulis nang arestuhin kanyang mga kabaro makaraang hipuan sa puwit ang 14-anyos na dalagita at sugurin pa sa loob ng bahay ang biktima nang magsumbong sa kanyang pamilya sa Malabon City, Martes ng gabi.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, lasing umano ang 45-anyos na pulis na may ranggong PCMS at nakatalaga sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Manila Police District (MPD) nang mapag-tripang hipuin ang matambok na puwit ng 14-anyos na dalagita habang naglalakad pauwi sa Salmon St., Brgy., Longos dakong alas-7:30 ng gabi.

Kaagad namang nagsumbong sa kanyang pamilya ang dalagita kaya sinamahan siya ng kanyang kuya upang komprontahin ang pulis subalit, sa halip na humingi ng paumanhin, nagalit at nagbitiw pa umani ito ng mga pananakot na pananalita.

Dahil sa takot, napilitang tumakbong pauwi ang magkapatid subalit, hinabol sila ng pulis hanggang sa loob ng kanilang bahay na nagdulot ng takot sa pamilya ng dalagita.

Nang makarating naman sa kaalaman ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig ang pangyayari ay agad nagresponde ang mga ito sa nasabing lugar sa pangunguna ng Special Weapon and Tactic (SWAT) team na nagresulta sa kanyang pagkakadakip sa suspek.

Nahaharap sa mga kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 (Child Abuse), Grave Threats, Alarms and Scandal, Violation of Domicile, at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang pulis matapos makumpiska sa kanya ang kalibre .9mm pistol na kargado ng 20 bala sa magazine. (Richard Mesa)