• May 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Regular briefings para ipaliwanag ang VP Duterte trial sa publiko

IKINUKONSIDERA ng House prosecution panel ang pagsasagawa ng regular press briefings sa panahon ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang tulungan ang publiko na maintindihan ang proceedings at maiwasan ang kalituhan sa mga legal issues ukol sa mga kaganapan sa Senate impeachment court.

Sinabi ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, naghanda na ang prosecution team sa posibilidad na mahabang araw ng pagdinig, public attention at mga pagtatanong mula sa media at sambayanan na nakabantay sa kaso.

“Tayo naman po ay naka-ready na tayo. Alam na po natin baka kunti na lang ‘yung tulog natin ‘pag nagkataon po na mag-umpisa na po ang trial,” pahayag ni Adiong, House Assistant Majority Leader at chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa isang radio interview.

Sinabi pa nito na tinatalakay pa ng panel ang eksaktong format pero naniniwala ito na makakatulong ang pagkakaroon ng regular briefings lalo na at masusi itong babantayan.

“But as to your question po, pinag-uusapan pa po ‘yan kung magkakaroon, pero ako in my own opinion mukhang kailangan po ‘yung sinasabi nating ginawa nung nakaraang kongreso na magkaroon ng press briefing,” paliwanag ni Alonto Adiong. 

“Para sa ganon ay mas madali para sa ating mga kaibigan sa media na mailahad ang mga dapat mailahad na information at magtanong na rin ng ating partners in the media ‘yung mga kinakailangan tanong para po magkaroon ng mas masusing diskusyon at mas clarified na information na maipapahatid po natin sa publiko.”

Naniniwala pa ito na makakatulong ang pagsasagawa ng formal briefings sa mga mamamahayag na makakuha ng malinaw na impormasyon mula sa bahagi ng prosekusyon at maiwasan ang iba’t ibang interpretasyon sa mga kaganapan sa impeachment court.

“So isa po yan sa pinag-usapan ng prosecution team whether or not there will be a press briefing by the House trial prosecution. Pero ako, naniniwala po ako na kailangan po ‘yan,” dagdag nito.

Ito ay dala na rin sa maraming Pinoy ang sumusunod at nagbabantay sa impeachment case kaya kailangan na magkaroon ng regular updates sa trial. (Vina de Guzman)