• May 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

SC, ibinasura ang hiling ni Sen. Bato na TRO laban sa ICC arrest warrant

IBINASURA ng Kataas-taasang Hukuman ang mosyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang mga awtoridad na ipatupad ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa special en banc session ng Supreme Court noong Mayo 20, 2026, bumoto ang mga mahistrado ng 9-5-1 pabor sa pagtanggi sa kahilingan ng senador.

Ayon sa Korte Suprema, ang desisyon ay tumutukoy lamang sa mga interim reliefs gaya ng TRO at Status Quo Ante Order, at hindi pa nito nireresolba ang pangunahing isyu ng kaso.

Ang buong resolusyon, kasama ang mga hiwalay na opinyon ng mga mahistrado, ay nakatakdang ilabas sa Mayo 25, 2026.

Sa kanyang petisyon, hiniling ni Dela Rosa na pigilan ang Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Department of Foreign Affairs, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Criminal Investigation and Detection Group na ipatupad ang anumang warrant mula ICC, Interpol red notice, o anumang dayuhang judicial instrument nang walang kaukulang Philippine judicial warrant.

Ang ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa ay kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na umano’y naganap sa ilalim ng Davao Death Squad at sa kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte.

( Daris Jose)