• May 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April, 2026

₱21.2-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA SA NAIA TERMINAL 1, 62-TAONG GULANG NA PASAHERO ARESTADO

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MATAGUMPAY ang joint interdiction operation na isinagawa ng mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 62-taong-gulang na pasaherong Pilipino at pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 3,120 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride, na mas kilala sa tawag na shabu, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.

Ang naaresto ay si alyas “Lito,” isang security officer at residente ng Tacloban City, Leyte. Siya ay nahuli bandang 4:10pm noong Abril 3, 2026, sa Secondary Inspection Area ng Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 1, matapos dumating mula sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Natuklasan ng mga operatiba ang mga ilegal na droga na nakatago sa loob ng isang berde at itim na FORCLAZ backpack na dala ng suspek. Ang kontrabando, na may kabuuang timbang na 3,120 gramo ay binubuo ng apat (4) na plastic bag na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya. Ang mga ito ay maingat na binalot gamit ang packaging tape at carbon paper at itinago sa may padding na bahagi sa likod ng backpack at sa loob ng mga handbag sa ilalim nito.

Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang aabot sa halagang ₱21,216,000.00.

Ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan ng NAIA-IADITG, na binubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office NCR, Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ng droga ay isusumite sa PDEA Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination, habang ang suspek ay isinangguni na para sa inquest proceedings.

Muling pinagtibay ng mga awtoridad ang kanilang pangako na paigtingin ang mga hakbang sa pagkontrol sa hangganan at palakasin ang kolaborasyon ng mga ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na droga sa bansa.
(PAUL JOHN REYES)

Malacañang: Nagpakalat ng fake news sa lockdown mananagot

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ng Mala­cañang na pananagutin ang nasa likod nang pagkalat ng fake news na magkakaroon ng energy lockdown simula umano Abril 20, pati na ang emergency lockdown dahil umano sa COVID-19 Cicada variant.

Sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez na hinahanap na ang mga nasa likod ng fake news sa tulong ng Department of Justice para mapanagot at maparusahan.

Tiniyak din ni Gomez na ipapataw ang pinakamabigat na parusa sa batas laban sa mga gumagawa ng mga ma­ling balita na ang layunin ay lituhin ang publiko.

“There will be no zero tolerance for those who maliciously and delibe­rately commit these acts to advance their personal or political vested interest,” ani Gomez.

Sinabi rin ni Secretary Gomez na ang paggamit ng mga pekeng balita sa social media platforms ay may katapat na parusa ng hanggang anim na buwang pagkakulong sa ilalim ng Revised Penal Code, at sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, doble ang magiging parusa.

Isa aniyang seryosong krimen ang pangli­lito sa publiko kaugnay sa energy securiy, suplay, o presyo ng mga bilihin.

Sinabi rin ni Gomez na dapat mag-isip bago i-share ang mga nakukuhang impormasyon sa social media lalo na kung hindi naman sigurado.

Obserbasyon ng Holy Week ngayong taon, generally peaceful – PNP

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAPAYAPA at naging maayos ang naging inisyal na assessment ng Philippine National Police (PNP) para sa naging kabuuan ng obserbasyon ng Holy Week Exodus ngayong taon.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., walang mga naitalang mga major incidents na nakaapekto sa kabuuang obserbasyon ng Lenten Season.
Aniya, nananatiling prayoridad ng pulisya ang ligtas na pagbabalik ng mga biyaheros matapos ang higit isang Linggong inilaan nito para magnilay-nilay.
Kasundo nito, inihayag ni Nartatez na bilang pagpapakita ng kanilang pagbibigay halaga sa kaligtasan at kaayusan ay mananatiling nakatalaga sa iba’t ibang mga lugar ang halos 98,000 na miyembro ng PNP.
( Gene Adsuara)

Operasyon ng libreng Bus Ride sa Quezon City, balik operasyon

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BALIK operasyon na ulit simula ngayong Linggo ang Libreng QC Bus Ride para magsakay ng mga pasahero partikular ng mga QCitizens sa may walong ruta sa iba’t ibang bahagi ng Quezon City.

Ito ayon kay Mr. Dexter Cardenas, hepe ng QC Traffic and Transport Management Department ay makaraan ang ilan araw ding suspension ng operas­yon mula noong Huwebes Santo April 2 hanggang nitong nagdaang Sabado April 3 para sa paggunita sa Semana Santa.
Inaasahan aniya na mas maraming pasahero ang maseserbisyuhan ngayong pabalik na sa kani- kanilang tahanan ang mga nagbakasyon noong Kuwaresma.

Nasa higit apat na libong pasahero ang naseserbisyuhan ng QC bus Free Ride sa isang araw hindi lamang taga-QC kundi maging mga commuters na mula sa mga karatig lungsod ng QC.
Ang walong ruta ng QC Bus Free ride ay QC Hall papuntang Cubao, QC Hall papuntang Litex-IBP road, Welcome Rotonda papuntang Aurora-Katipunan, QC Hall papuntang General Luis,QC Hall papuntang Mindanao Avenue, QC Hall papuntang Gilmore, QCHall papuntang Ortigas at QC Hall papuntang Munoz at vice Versa.
( Vina de Guzman)

Pagkakaisa piliin kaysa pagkawatak-watak- PBBM

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKIISA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng Linggo ng Pagkabuhay at ang banal na pagpapahayag ng muling Pagkabuhay ni Kristo.

“On this day, the empty tomb stands as a powerful testament that life conquers death and hope prevails over despair. Across generations, Easter has reminded us that sacrifice is never in vain, that suffering is not the end but the beginning of renewal,” pahayag pa ni Marcos.

Sa muling pagkabuhay aniya ni Kristo, matatagpuan natin ang matibay na pangako na ang biyaya ng Diyos ay nananatili, at kahit sa pinakamadilim nating sandali, ang pananampalataya ang magdadala sa ating tungo sa liwanag.

Bilang isang ba­yang kilala aniya sa katatagan at malalim na­ting pananam­palataya, dalhin natin ang liwanag ng Pasko ng pagkabuhay sa ating pang araw-araw na buhay hindi lamang sa salita kundi higit sa gawa

Ayon pa sa Pangulo, piliin natin ang malasakit kaysa sa kawalang pakialam at ang pagiging bukas palad kaysa sa sariling interes, at ang pagkakaisa kaysa sa pagkakawatak-watak.

Nanawagan din si Marcos sa mga Pilipino na bumangon na may panibagong layunin at pagkakaisa na ginagabayan ng pananalig at pagmamahal sa bansa.

“Today, I call on every Filipino to rise with renewed purpose, unyeilding hope, and a deep sense of responsibility for one another. Let us build a nation where kindness is instinct and unity is our strength l fore when we stand together guided by faith, bound by love of country and driven by a shared vision, there is no challenge we cannot overcome,” pahayag pa ng Pangulo.

Sama-sama rin aniyang magpatuloy sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas kung saan ang malasakit at pag-aaruga sa kapwa ang patuloy na maglalarawan kung sino tayo bilang isang bayan. (Daris Jose)

Iran pinayagang makadaan Pinas sa Strait of Hormuz

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINAYAGAN na ng Iran ang Pilipinas na libreng dumaan sa Strait of Hormuz ang mga barkong may dala ng mga produktong langis.

Ito ang inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos ang pakikipag-usap sa telepono sa pagitan nina DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro at Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi.
Ayon kay Lazaro, naging “very productive” ang kanilang phone conversation noong Abril 2 kay Araghchi kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa.

“During the call, the Iranian Foreign Minister assured the secretary that Iran will allow the safe, unhindered, and expeditious passage through the Strait Hormuz of the Philippine flagged vessels, energy sources, and all Filipino seafarers,” sabi pa ng Kalihim.
Mahalaga aniya ang “positive” na development na ito para sa Pilipinas dahil masisiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy seafarers sa Middle East at ang tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya sa bansa.

Nilinaw naman ni DFA spokesperson Analyn Ratonel na walang sisi­ngiling toll fee ang Iran sa Pilipinas.
Ang pag-uusap ng dalawang bansa ay bunsod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DFA na makipag-ugnayan sa Iran para makadaan ang barko sa Strait of Hormuz dulot na rin ng tensyon sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
( DARIS JOSE)

Epekto ng patuloy na giyera sa Gitnang Silangan… Diesel papalo sa P170 kada litro ngayong linggo

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHAN ang posibleng pagsirit ng presyo ng diesel sa P170 kada litro sa susunod na linggo, habang patuloy na tumataas ang pandaigdigang presyo ng langis, na epekto ng patuloy na giyera sa Gitnang Silangan.

Batay sa source mula sa oil industry, maaaring P17 hanggang P19 ang dagdag na ipapatong sa presyo ng diesel sa Abril 7 habang mula P3 hanggang P5 kada litro naman sa gasolina.

Ang paggalaw ng ­presyo ay mas mataas sa nakalipas na linggo o P4.50 hanggang P12.90 kada litro para sa diesel at P1 hanggang P2.90 kada litro sa gasolina.

Sa price monitoring ng DOTr mula Marso 24 hanggang 30, ang regular diesel ay P105 hanggang P131.90 kada litro habang sa premium diesel ay P119.50 hanggang P140.20 kada litro.

Samantalang ang ga­solina ay mula P84 hanggang P111.10 kada litro.

Dahil sa mataas na demand ng diesel, ayon sa source, kaya patuloy na tumataas ang presyo sa kabila ng mga limitas­yon sa suplay hanggang hindi pa nabubuksan ang Strait of Hormuz na ruta sa pagkuha ng langis sa Persian Gulf, ang pangunahing pinagkukunan ng Pilipinas.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) na magpapatupad ng mas mahigpit na aksyon laban sa hoarding ng mga produktong petrol­yo sa merkado. (DARIS JOSE)

Mga dyip gagarahe na lang; MRT, LRT magsisikip

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI malayong tuluyan nang gumarahe ang mga sasakyan tulad ng mga jeepneys na gumagamit ng diesel sanhi ng walang humpay na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.

Babala ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na, kung gagarahe ang mga sasakyang pangunahing gumagamit ng diesel ay malamang na magsikip sa mga bus, MRT, at LRT sa Metro Manila.
Pinuna ng solon na maraming jeepney driver ang dumaraing na ang dating P800-P900 arawang kita nila ay nasa P200-P300 na lang.
Ayon sa mga driver, kapag pumalo sa P150 ang diesel ay baka tuluyan na aniyang hindi bumiyahe ang mga ito dahil pagod na ay talo pa sa gastos.
Kalbaryo naman aniya ang dulot nito sa commuters na mapipilitang maglakad samantalang ang mga e-trike drivers ay nagsasamantala na sumisingil ng P50-P80 sa malapit na lamang na biyahe.
Inihayag pa ni Ordanes na liliit din ang pandesal gayundin ang servings ng kanin at ulam sa mga restaurant at karinderya ay malamang na kumonti na rin kung hindi mapipigilan ang pagsirit ng presyo ng LPG at kerosene.
Bukod dito ay tataas din umano ang presyo ng mga ulam habang maraming Pinoy ang lilipat na sa pagluluto sa uling at panggatong na kahoy.
“The revenue impact of temporarily suspending VAT and excise taxes can be addressed by improving tax collection, cracking down on smuggling and tax evasion, and aggressively reco­vering ill-gotten wealth from corrupt officials,” suhestiyon ng solon.
(Daris Jose)

“Lifelong Learning Development Framework Act,” inihain ng isang mambabatas

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGHAIN ang isang mambabatas
ng panukalang magsusulong sa tuluy-tuloy na pagkatuto para sa mga manggagawang Pilipino.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 08748, o ang panukalang “Lifelong Learning Development Framework Act,” na inihain ni
Rep. Nathan Oducado ng 1Tahanan Partylist.
Ayon kay Oducado, “Sa ekonomiya ngayon, hindi nagtatapos ang pagkatuto sa pagtatapos ng pag-aaral dahil ang mga kasanayan ay maaaring maluma sa loob lamang ng ilang taon.”
Ang HB 08748, na may pamagat na “An Act Establishing a Lifelong Learning Development Framework,” ay nagtatakda ng pambansang patakaran na sumusuporta sa patuloy na pag-upgrade ng kasanayan (skills upgrading), reskilling, at mas madaling pag-access sa mga oportunidad sa pagkatuto sa iba’t ibang yugto ng buhay-paggawa ng isang tao.
Dagdag pa niya, “Ang mga manggagawang hindi nakakapag-update ng kanilang kasanayan ay nanganganib mawalan ng trabaho o mapag-iwanan sa mas magagandang oportunidad. Habang gumagamit ang mga industriya ng mga bagong teknolohiya at sistema, dapat tiyakin na hindi naiiwan ang mga manggagawang Pilipino.”
Lumilikha ang panukala ng maayos na balangkas na maghihikayat ng pagtutulungan ng pamahalaan, mga institusyong pang-edukasyon, at mga industriya upang gawing abot-kaya, flexible, at angkop sa pangangailangan ng labor market ang tuloy-tuloy na pagkatuto.
“Ang panukalang ito ay tungkol sa pagprotekta sa trabaho, pagpapatatag ng mga pamilya, at pagbuo ng lakas-paggawa na kayang makipagsabayan hindi lamang ngayon kundi pati sa mga susunod na taon,” pagtatapos ni Oducado.
(Vina de Guzman)

Dulot ng kaguluhan sa Middle East… “Bayanihan 3” binabalangkas ng Kamara bilang tugon sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis

Posted on: April 7th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KASALUKUYANG binabalangkas ng House of Representatives ang panukalang “Bayanihan 3” bilang tugon sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman at Marikina City Rep. Miro Quimbo, ang Bayanihan 3 ay binabalangkas ng mga mambabatas sa pamumuno at direksyon ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na nagsabing mag-focus sa mga hakbangin na matulungan ang mga naapektuhan bukod sa pagbibigay ng ayuda.

“The pandemic was really worse as far as we’re concerned because napaka-indeterminable noong sitwasyon. Hindi natin alam kung magkakagamot, magkakabakuna, gaano ba katagal na masu-sustain. Practically noon, the entire economy went to a halt. Hindi makalabas ang tao, it really necessitated a massive ayuda program. So iba ang konteksto ngayon,” pahayag ni Quimbo.

Ayon kay Quimbo, ang pagbibigay ng ayuda ay isa lamang na parte ng Bayanihan 3. “If ayuda ang pinag-uusapan, this is really just one part of Bayanihan 3. It cannot just be ayuda-centric. In fact, ayuda, as far as what the Speaker wants, is not even 15 percent of the entire package that he wants,” sinabi ni Quimbo.
Ang Bayanihan 3 ay bubuuin ng mga mambabatas na miembro ng House committees ng Energy, Agriculture and Food, Aquaculture and Fisheries, Foreign Affairs, Ways and Means, Labor, Transportation, Information and Communications Technology, Economic Affairs, Social Services, Trade and Industry, Overseas Workers Affairs, and Appropriations.
“We have not talked about the entire concept of what will be the outcome, pero ako, in reality, this is Bayanihan 3. If there’s a key objective here is for Congress to hammer out Bayanihan 3,” Quimbo said during a virtual press briefing.
Naunang nabuo ang Bayanihan 1 at 2 o kilalang Bayanihan to Heal as One Act at Bayanihan to Recover as One Act sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Parehong nakatuon ang programa sa mga large-scale subsidy programs habang nakatigil ang takbo ng ekonomiya dulot ng lockdown.
(Vina de Guzman )