• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

₱21.2-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA SA NAIA TERMINAL 1, 62-TAONG GULANG NA PASAHERO ARESTADO

MATAGUMPAY ang joint interdiction operation na isinagawa ng mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 62-taong-gulang na pasaherong Pilipino at pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 3,120 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride, na mas kilala sa tawag na shabu, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.

Ang naaresto ay si alyas “Lito,” isang security officer at residente ng Tacloban City, Leyte. Siya ay nahuli bandang 4:10pm noong Abril 3, 2026, sa Secondary Inspection Area ng Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 1, matapos dumating mula sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Natuklasan ng mga operatiba ang mga ilegal na droga na nakatago sa loob ng isang berde at itim na FORCLAZ backpack na dala ng suspek. Ang kontrabando, na may kabuuang timbang na 3,120 gramo ay binubuo ng apat (4) na plastic bag na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya. Ang mga ito ay maingat na binalot gamit ang packaging tape at carbon paper at itinago sa may padding na bahagi sa likod ng backpack at sa loob ng mga handbag sa ilalim nito.

Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang aabot sa halagang ₱21,216,000.00.

Ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan ng NAIA-IADITG, na binubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office NCR, Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ng droga ay isusumite sa PDEA Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination, habang ang suspek ay isinangguni na para sa inquest proceedings.

Muling pinagtibay ng mga awtoridad ang kanilang pangako na paigtingin ang mga hakbang sa pagkontrol sa hangganan at palakasin ang kolaborasyon ng mga ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na droga sa bansa.
(PAUL JOHN REYES)