• April 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 30th, 2026

Ipinagmalaki ang new sexy movie sa VMX… MARGARET, aminadong nagpaka-daring sa ginawang intimate scenes

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

AMINADO ang sexy actress na si Margaret Diaz na ang latest VMX movie niya titled “Barurot 2” ang most daring na nagawa niya.

Pahayag ni Margaret, “I would say po na talagang umalis po ako sa comfort zone ko. Kasi, kung sa mga naunang movies ko po ay wild ang napanood sa akin, siguro mas wild na wild po si Maya rito, yung character ko po sa movie.

“Kasi, hindi ko ine-expect na magiging ganoon ka-wild iyong mga intimate scenes na gagawin ko rito. Talagang hindi siya komportable, pero it’s something new na ginawa ko… na mapapanood po ninyo sa movie na ito,” nakangiting sambit pa ng magandang aktres na alaga ni Ms. Len Carrillo.

Tampok sa ‘Barurot 2’ sina Margaret, JC Tan, Aerol Carmelo, at iba pa. Ito’y sa pamamahala ni direk Quiel Dela Cruz.

Dagdag pa ng dalaga, “Sina direk po – sina Direk Roman (Perez Jr.) at direk Quiel Dela Cruz, sa movie po na ginawa namin ngayon, talagang inalis po nila ako sa comfort zone ko.

“Hindi ko talaga ine-expect na ganoon kalala iyong mga love scene, pero nag-intimate pa rin po talaga. Pero talagang walang-wala iyong mga naipakita ko sa movie na ito, sa mga previous movies ko po.”

Nagbigay pa nang patikim si Margaret sa kanilang pelikula na streaming na ngayon, exclusively sa VMX PH.

Aniya, “Ang story po nito, about po kasi ito sa buhay ng mga tricycle drivers, like kung paano sila nai-in love po. And from the word barurot po, ayon po iyong harurot, in other term. Iyong barurot naman po, parang slang naman na parang may multiple partners po si Barurot King na si JC Tan, na nagpo-portray po sa character ni Marco.

“May drama at love story na mapapanood nila rito, iyon po ang story line ng movie. Hindi lang po mga intimate scenes ang aabangan nila sa movie namin, talagang na-execute ito nang maayos at maganda and exciting po yung mga characters po rito nina Maya, Ralph, at Marco, ang baruruot king.”

Sinegundahan naman ni Direk Roman ang pahayag ni Margaret.

Esplika niya, “By the way, ako lang po ang creator ng project, ang direktor po ay si Quiel Dela Cruz and pinagtulungan namin ang project para mabuo ito.

“Parang ito na ngayon ang pinakasagad, todohan na ito, kasi sabi ko nga, baka end of an era na. Baka dapat ay gumawa tayo ng isang wild at pinakamarami… kung ang mga love scenes sa previous Vivamax ay walo, sampu, dito ay 18, todo na talaga!

“Again, sinasabi ko na kapag nandito naman tayo, lagi tayong gumagawa nang ipu-push natin iyong limit. Kaya Barurot 2, kasi siyempre dapat higitan natin iyong Barurot 1. Higit sa lahat, napakahuhusay ng mga artistang ito, very professional.”

“Itong Barurot 2, napakalakas ng cast nito. Sa henerasyon ng Vivamax ngayon, sila yung solid na cast,” pakli pa ni Direk Roman.

(NONIE V. NICASIO)

Pinatunayan na matibay ang pagkakaibigan nila… JON, isa sa dumamay kay NIKKO nang masangkot sa sex video scandal

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MATIBAY ang pagkakaibigan nina Jon Lucas at Nikko Natividad.

Si Jon ang isa sa mga dumamay kay Nikko sa kinaharap nitong krisis na pagkakaroon ng sex video scandal kamakailan.

Sa guesting ni Jon sa “Fast Talk With Boy Abunda” ay ibinahagi niya ang komunikasyon nila ni Nikko.

“Minessage ko siya kaagad, Tito Boy, kinumusta ko siya, siyempre inisip ko kaagad yung family niya,” umpisang pahayag ni Jon.

Hindi raw nagtangka si Jon na panoorin ang kumalat na video ni Nikko, nalaman na lamang niya na totoo pala noong maglabas na ng statement si Nikko at ang misis ni Nikko na si Cielo.

Pagpapatuloy pa ni Nikko…

“Konting kuwentuhan lang, of course hindi ko na tatanungin kung bakit nangyari, ano ba nangyari.

“Basta nagsabi na lang ako na sobrang powerful na nung message ng wife niya para magbigay pa ako ng ibang payo.”

May payo o paalala si Jon kay Nikko lalo pa at pinatawad at inunawa si Nikko ng misis niya.

“Kung pinatawad siya, hangga’t maaari, talagang huwag na niyang gawin, huwag na niyang ulitin, iparamdam na niya sa wife niya yung pagiging tapat niya ngayon.”

Malaking bagay na na sa kabila ng mga nangyari ay nanatili si Cielo sa tabi ni Nikko.

“Meron man o wala, nandun lang talaga. So ang laking bagay na pinatawad na siya ng wife niya para magising siya na ‘Kailangan ko talagang bumawi sa family ko.’”

Napapanood ang Sparkle artist na si Jon sa Encantadia Chronicles: Sang’gre.

(ROMMEL L. GONZALES)

Naloka ang aktres sa ginawa niyang pagsipsip… JOSHUA, binigyang ng 9 na rating si IVANA sa matinding kissing scene

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MATITINDI na halikan at makapigil-hiningang mga eksena ang handog nina Joshua Garcia at Ivana Alawi sa seryeng “Love is Never Gone” na kung saan tampok ang magagandang tanawin ng Morocco.
Kaya naman sa mediacon after ng screening na ginanap sa Cinema 11 ng Gateway 2, natanong si Ivana sa intimate scene nila ni Joshua.
Grabe! Ang laki ng bibig niya!” pahayag ni Ivana.
Dagdag pa ng aktres, “Bakit natawa ka, totoo naman, eh. Sabi ko, ‘huy, grabe ka namang sumipsip!
“‘Yung lipstick ko nawawala! Magaling siya, 10 ang rating niya, ”
Say naman si Joshua na 9 ang rating ni Ivana sa kissing scene nila.
Kaya maraming nag-react kung bakit 9 lang gayung perfect 10 ang ibinigay sa kanya ni Ivana.
“Para may room for improvement,” sabi ng mahusay aktor.

“Ayyyyyy!” reaksyon ni Ivana.
“Sige-sige, di ba direk Manny P may isa pang kissing scene?”

Dagdag pa ng aktres, “Okay-okay, hindi ko kasi nabuka ang bibig ko ng ganu’n, eh, na-gets ko naman.”

Tinakpan na lang ni Joshua ang mukha dahil sa hiya kaya lalong nagtawanan ang lahat ng nasa sinehan.

Ang “Love is Never Gone” handog ng Dreamscape Entertainment na mapapanood sa Prime Video simula sa May 8.

At kaya rin napa-oo si Ivana sa “Love is Never Gone” ay dahil dream project na ito at kasama pa niya si Joshua at sa Morocco ang shoot dahil Moroccan ang tatay niya.

Anyway, susugal na sina Joshua at Ivana sa mapangahas na pag-ibig para sa kanilang unang tambalan sa inaabangang romance-suspense serye ng ABS-CBN na “Love is Never Gone,” ang unang Filipino series na kinunan sa Morocco.

Gaganap si Joshua bilang si Teo, isang mekaniko at breadwinner na lumipad sa Morocco para maging OFW. Magugulo ang buhay ni Teo nang komprontahin niya si Yana (Ivana), isang miyembro ng ilegal na grupo, matapos nitong nakawin ang kanyang wallet na ginawa lamang nito upang matustusan ang pagpapagamot sa kanyang inang may sakit.

Mauuwi sa isang delikadong pag-iibigan ang kanilang pagtatagpo sa pag-aakala ni Teo na pinagtaksilan siya ni Yana kaya siya nakulong. Makalipas ang ilang taon at sa pag-uwi ni Teo sa Maynila, muli niyang makikita si Yana pero ibang katauhan na ang gamit nito.

Sa pagpasok nila sa isang mundong puno ng krimen at paghihiganti, matutuklasan ni Teo ang isang mabigat na sakripisyo na nilihim ni Yana na muling susubok sa kanilang pag-iibigan sa kabila ng matinding pagtataksil.

Tampok sa “Love is Never Gone” sina Jameson Blake, Jane Oineza, Michael De Mesa, Epy Quizon, at Dina Bonnevie, kasama sina Fyang Smith, JM Ibarra, JC Alcantara, Rans Rifol, Kiko Matos, Argel Saycon, Heart Ramos, Alex Medina, Benj Manalo, Carlo San Juan, at may special participation nina Ara Mina at Irma Adlawan.

Mula ito sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin, at sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment na nasa likod ng ilang mga hit series ng ABS-CBN tulad ng “Linlang,” “Saving Grace,” “Dirty Linen,” at “The Alibi.”

(ROHN ROMILO)

3 CHINESE NATIONAL INARESTO NG BI SA ONLINE SCAM AT MONEY LAUNDERING

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong umano’y Chinese nationals sa Angeles City, Pampanga dahil sa hinihinalang online scam at money laundering. Nahuli sila habang gumagamit ng mga computer para sa panlilinlang sa mga dayuhang biktima.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viafo ang mga naaredto na sina Zhang Zheng, 42; Ren Yi, 28; at Zhang Shengjun, 31, na akting naaresto habang nag-operate ng computer equipment na gagamitin sa panloloko target ang mga dayuhan
Ayon sa imbestigasyon, bahagi sila ng mga “breakaway” scam groups na binubuo ng dating POGO workers na nag-ooperate sa mga residential area para umiwas sa awtoridad. Isa sa kanila ay may valid visa, isa ay expired, at isa ay permanent resident, ngunit wala silang maipakitang dokumento nang arestuhin.
Mananatili sila sa BI Warden Facility habang isinasailalim sa deportation proceedings. Ipinahayag ng BI na paiigtingin pa ang kampanya laban sa mga dayuhang sangkot sa krimen sa bansa. (Gene Adsuara)

Kahon ng BIR, hindi binuksan ng House Committee on Justice

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI pinaboran ng mayorya ng House Committee on Justice na buksan ang kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman sa tax records nina Vice President Sara Duterte, asawa nitong si Atty. Manases Carpio, at kanilang kumpanya.
Bago ang botohan, ilang mambabatas ang nagsabing kung maaaring ipaubaya ang eksaminasyon ng mga dokumento sa Senado, na siyang magsisilbing impeachment court sa kaso kung magtutuloy ito sa mataas na kapulungan.
Si Mamamayang Rep. Leila De Lima ang nagmosyon na buksan ang kahon.
Noong nakalipas na linggo (Abril 22), dumalo sa pagdinig si BIR Commissioner Charlito Mendoza upang kumpirmahin ang pagsusumite ng ahensiya ng mga files nina VP Sara, asawa nito at kanilang kumpanya.
Subalit, inihayag nito na base sa Section 20 (a) ng National Internal Revenue Code (NIRC), na “We have submitted the documents subject to the condition that they be examined in an executive session, as provided by law.”
Inihayag ni House Deputy Minority Leader Chel Diokno ng Akbayan partylist na hindi kailangang buksan ang kahon sa ngayon dahil may sapat maman ng ebidensiya para makakuha ng probable cause upang i-impeach ang VP.
Kaisa sina House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin at Manila Rep. Benny Abante na nagsabing mas makabubuting talakayin ang mga tax returns kapag naiakyat na ito sa Senado para sa impeachment trial.
Ang mosyon ay nakakuha ng 38 no at 6 na yes. (Vina de Guzman)

Gobyerno, itutulak ang ‘urgent passage’ ng UPLIFT bill

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ITUTULAK ng administrasyong Marcos ang agarang pagpapasa ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) bill na naglalayong paghusayin ang paggamit ng public funds at pagsuporta sa pinakamahalagang mga sektor sa gitna ng tumataas na global oil prices at geopolitical tensions.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang panukalang batas ay pinag-usapan nang pulungin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang UPLIFT Committee, araw ng Martes para i-assess ang nagpapatuloy na government interventions para tugunan ang global oil volatility sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Winika pa ni Castro na ang UPLIFT bill ay naglalayong bawiin ang restriksyon at i-optimize ang government resources para sa mga priority programs.
“Napag-usapan po ang balak na gawing batas, ipapasa po ang proposal na magkaroon ng UPLIFT bill,” ayon kay Castro.
Tinuran pa ni Castro na ang panukalang batas ay makapag-aalis ng two-year restriction sa inklusyon ng tiyak na government savings sa national budget.
Aniya, tutukuyin ng panukalang abtas ang mga programa at proyekto na maaaring pondohan.
Sinabi pa ni Castro na papayagan ng UPLIFT bill ang paggamit ng unreleased appropriations at unobligated allotments mula sa 2025 General Appropriations Act (GAA), at maging ang unreleased funds mula 2026 GAA.
Ani Castro, ang batas ay prayoridad para sa agarang pagpapasa.
“Yes, dahil napapanahon. Dapat lamang po,” ani Castro nang tanungin kung ang UPLIFT bill ay agad na maipapasa.
“Walang nabigay sa ating timeline sa ngayon… pero definitely, ito ay pamamadaliin,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, iniulat naman ni Castro ang positive developments sa ‘fuel at food supply’ sa bansa.
Aniya, oil buffer stock sa bansa ay tumaas ng 54 araw, habang inaasahan naman ang rollback sa presyo ng diesel.
Mayroon naman aniyang sapat a suplay ng bigas, manol at baboy hanggang sa pagtatapos ng taon.
Samantala, ang UPLIFT Committee, itinatag sa ilalim ng Executive Order 110, pinag-uugnay ang pagsisikap ng gobyerno para tiyakin ang tuloy-tuloy na daloy ng gasolina at iba pang essential goods, at maging ang protektahan ang vulnerable sector mula sa tumataas na halaga sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan. ( Daris Jose)

13 katao, na-ospital sa tumagas na ammonia sa Caloocan

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa 13 katao ang isinugod sa pagamutan matapos makaranas ng hirap sa paghinga sanhi ng nalanghap na masangsang na amoy mula sa tumagas na ammonia sa planta ng yelo sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kabilang sa mga dinala sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) ang 5-anyos na batang lalaki, isang senior citizen, at dalawang babae, matapos makalanghap ng masangsang na amoy na nagmula sa tumagas na ammonia sa Cristal Ice Plant sa 191 Deparo St. Brgy. 168.

Pansamantala namang dinala sa dalawang evacuation center ang nasa 90 indibiduwal habang isinara rin muna ang daloy ng trapiko sa lugar hangga’t hindi nawawala ang masamang na amoy.

Alas-7:40 ng umaga nang matukoy ng mga tauhan ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinanggagalingan ng singaw kaya kaagad nilang isinara ang barbula (valve), pinatuyo ang tubong dinadaluyan ng ammonia, at naglagay ng mga exhaust fan para tuluyang mawala ang masangsang na amoy.

Naglabas naman ng paalala si Caloocan City Mayor Along Malapitan sa mga residente sa lugar na manatili muna sa loob ng kanilang bahay, magsuot ng face mask kung lalabas, at magtungo sa pinakamalapit na health center kung nakaranas ng hirap sa paghinga.

Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang may-ari ng planta at sinabing handa nilang sagutin ang naging pinsala at pagkalooban ng tulong ang mga naapektuhan sa pagtagas ng kemikal.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa lokal na pamahalaan, BFP, at City Health Office upang harapin ang isasagawang imbestigasyon at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga residente sa naturang barangay. (Richard Mesa)

Kelot, isinelda sa baril, pagbabanta sa kainuman sa Navotas

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINITBIT sa selda ang 34-anyos na lalaki nang tutukan ng baril at pagbantaan ang kanyang kainuman makaraan ang mainitang pagtatalo sa Navotas City.
Ayon kay Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela, mahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591 (Illegal Possession of Firearm) ang suspek na residente ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Pinuela na naganap ang insidente matapos ang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima na si alyas “Boy” habang nag-iinuman umano sa Brgy. NBBN.
Naglabas umano ng baril ang suspek at tinutukan ang biktima bago pinagbantaan na papatayin kaya sa takot ay tumakbo si ‘Boy’ hanggang sa makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ni Col. Pinuela.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska sa kanya ang isang calibr .38 caliber revolver na kargado ng dalawang bala na walang kaukulang mga dokumento. (Richard Mesa)

KAHALAGAHAN NG PAGBABAKUNA, PINALAKAS NG ISANG KILALANG BOTIKA

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINALALAKAS ng Mercury Drug, katuwang ang Philippine Foundation for Vaccination (PFV), ang kampanya para sa mas malawak na kaalaman at access sa pagbabakuna bilang paggunita sa World Immunization Week.

Ayon sa datos, humigit-kumulang 67 porsiyento ng mga Pilipino ay kabilang sa labor force na sumusuporta sa kanilang mga pamilya at nagpapasigla sa ekonomiya. Gayunman, nananatiling mababa ang vaccination coverage sa bansa dahil sa mga hadlang tulad ng kakulangan sa access, mababang antas ng kaalaman, at gastusing mula sa sariling bulsa.

Binigyang-diin ni PFV Executive Director Dr. Lulu Bravo sa tema na “For Every Generation, Vaccines Work” ay paalala na hindi dapat nagtatapos sa pagkabata ang proteksyon laban sa sakit dahil mahalaga ang pagbabakuna lalo na sa mga nakatatanda.
Samantala, iginiit ni PFV Vice President Bryan Posadas na nananatiling malaking hamon ang kakulangan sa access sa bakuna. Aniya, mahalaga ang pagiging abot-kamay at madaling puntahan ng mga serbisyong pangkalusugan upang mahikayat ang publiko na magpabakuna.
Sa ganitong konteksto, kinikilala ang mga botika bilang mahalagang bahagi ng pagpapalawak ng access sa bakuna, dahil nagiging bahagi na ito ng pang-araw-araw na pangangalaga sa kalusugan ng publiko.
Ayon kay Mercury Drug Vice President for Merchandising Corazon Lim, ang mga botika ang karaniwang unang pinupuntahan ng mga Pilipino para sa serbisyong pangkalusugan, lalo na sa preventive care.
Dagdag pa niya, napatunayan ang mahalagang papel ng mga botika bilang vaccination hubs noong panahon ng pandemya, kung saan naging mabilis at maginhawa ang pagpapabakuna nang hindi na kailangang pumila nang matagal sa ospital o klinika.
Kaugnay nito, nagsagawa ang Mercury Drug, katuwang ang PFV, ng in-store vaccination event sa kanilang Shangri-La Mall branch, kasunod ang media roundtable na pinamagatang “Basta Vaxx, Facts Lang.”
Dinaluhan ito ng mga eksperto sa kalusugan at vaccine advocates na nagbahagi ng kanilang karanasan sa kahalagahan ng pagbabakuna sa pagprotekta sa sarili at pamilya.
Hinikayat din nila ang publiko na kumonsulta sa kanilang mga doktor upang malaman ang mga bakunang angkop sa kanilang edad at kalagayan. (Gene Adsuara)

Halos kalahati sa nasusunog na lumang Navotas landfill, naapula na ang apoy

Posted on: April 30th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na umabot na sa halos kalahati ng apektadong lugar sa nasusunog na lumang Navotas Landfill ang naapula na.
Nitong Martes ng umaga, muling ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, kasama si Mayor Tiangco, DENR Secretary Juan Miguel Cuna, Office of Civil Defense (OCD), Ambassador of Japan to the Philippines Kazuya Endo, Minister for Economic Affairs Naobumi Yokota, JICA Philippines Office Chief Representative Baba Takashi, at JICA technical experts ang nasusunog na landfill.
“Nagpapasalamat tayo sa gobyerno ng Japan kasi nabigyan nila tayo ng technical assistance kasi wala talaga tayong experience dito. Hindi biro itong nangyari dito, napakalawak, napakalaki. Ngayon, halos mangangalahati na tayo doon sa napapatay nating area,” ani Dizon.
Ayon kay Mayor Tiangco, mahigit 50 na heavy equipment mula sa DPWH ang kasalukuyang nakatutok sa site upang mapabilis ang operasyon.
Gayunpaman, napagkasunduan ang pagdagdag ng heavy equipment, gaya ng backhoe, bulldozer, dump trucks, at payloaders. Magkakaroon din aniya ng fuel supply onsite at magde-deploy ng LiDAR drone para sa araw-araw na monitoring ng progreso.
Magdadagdag din ng mga operators at ipatutupad ang dalawang shifting schedule upang mapabilis ang operasyon.
Pagdating naman aniya sa air quality, nananatiling “good to fair” ang hangin sa NCR, maliban sa Valenzuela, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) habang patuloy naman ang pagbuti ng sitwasyon sa Obando.
Muli ring, nagpasalamat si Tiangco sa tulong at suporta ng iba’t-ibang ahesya ng gobyerno sa pangunguna ng DPWH at sa JICA technical experts.
“Makakasiguro po kayo na patuloy nating pinapalakas ang ating operasyon, sa tulong ng ating mga katuwang mula sa iba’t ibang ahensya at international partners, upang mas mapabilis ang pag-apula ng sunog”, pahayag niya. (Richard Mesa)