• April 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kahon ng BIR, hindi binuksan ng House Committee on Justice

HINDI pinaboran ng mayorya ng House Committee on Justice na buksan ang kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman sa tax records nina Vice President Sara Duterte, asawa nitong si Atty. Manases Carpio, at kanilang kumpanya.
Bago ang botohan, ilang mambabatas ang nagsabing kung maaaring ipaubaya ang eksaminasyon ng mga dokumento sa Senado, na siyang magsisilbing impeachment court sa kaso kung magtutuloy ito sa mataas na kapulungan.
Si Mamamayang Rep. Leila De Lima ang nagmosyon na buksan ang kahon.
Noong nakalipas na linggo (Abril 22), dumalo sa pagdinig si BIR Commissioner Charlito Mendoza upang kumpirmahin ang pagsusumite ng ahensiya ng mga files nina VP Sara, asawa nito at kanilang kumpanya.
Subalit, inihayag nito na base sa Section 20 (a) ng National Internal Revenue Code (NIRC), na “We have submitted the documents subject to the condition that they be examined in an executive session, as provided by law.”
Inihayag ni House Deputy Minority Leader Chel Diokno ng Akbayan partylist na hindi kailangang buksan ang kahon sa ngayon dahil may sapat maman ng ebidensiya para makakuha ng probable cause upang i-impeach ang VP.
Kaisa sina House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin at Manila Rep. Benny Abante na nagsabing mas makabubuting talakayin ang mga tax returns kapag naiakyat na ito sa Senado para sa impeachment trial.
Ang mosyon ay nakakuha ng 38 no at 6 na yes. (Vina de Guzman)