• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 20th, 2026

PBBM, ikinatuwa ang pagkaka-aresto kay Zaldy Co- Malakanyang

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IKINATUWA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagkaka-aresto kay Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa Prague, Czech Republic.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na itinuturing kasi ng gobyerno na isa sa ‘big fish’ si Zaldy Co sa flood control anomaly.
“Kung ang isang tao po ay may warrant of arrest, fugitive, cancelled ang passport – sino po ang hindi matutuwa na ang isang taong fugitive ay maibabalik sa Pilipinas para managot,” aniya pa rn.
Sa kabilang dako, isang malaking katanungan naman sa Malakanyang ang kahandaan ni Zaldy Co na magsabi ng katotohanan at sinu-sino ang kanyang mga kasama sa maanomalyang flood control projects.
Tinanong kasi si Castro kung gaano kahanda si Pangulong Marcos sa pagkaka-aresto kay Zaldy Co sa Prague, Czech Republic lao pa’t idinawit ng huli ang Chief Executive sa usapin ng maanomalyang flood control projects.
“Ang Pangulo, uulitin po natin, ang siyang nagsimulang magpaimbestiga ng maanomalyang flood control projects. Siya ang naunang magpaimbestiga ng diumanong korupsiyon. Ang Pangulo ay handang makinig sa lahat ng maaaring sabihin ng mga taong involved at dapat na managot sa batas,” ang sinabi ni Castro.
Samantala, isang magandang balita naman para sa Malakanyang na ang isang pugante ay maibabalik na sa Pilipinas. (Daris Jose)

Mga LGU sa Metro Manila, nakatanggap ng mga gulay galing Benguet mula sa Office of the President

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATANGGAP ang iba’t ibang local government units (LGUs) ng daan-daang kilo ng gulay mula sa La Trinidad, Benguet bilang bahagi ng pamamahagi ng tulong ng Office of the President para sa mga pamilyang nangangailangan, kung saan pinangasiwaan ng mga lokal na opisyal ang distribusyon sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa La Trinidad Vegetable Trading Post at Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC), araw ng Biyernes, kung saan bumili siya ng 20 toneladang produktong agrikultural upang suportahan ang mga magsasakang apektado ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Kabilang ang Quezon City at Pasay City sa mga unang LGU na nakatanggap ng gulay, na kanilang ibinahagi sa kani-kanilang Facebook accounts.
Sa Quezon City, dumating ang mga suplay ng gulay sa City Hall para ipamahagi sa mga “QCitizens,” sa presensya ng ilang lokal na opisyal.
Ibinahagi rin sa social media ang mga larawan ng pagbaba ng mga gulay mula sa isang bus.
“Dumating na sa Quezon City Hall ang daan-daang kilo ng gulay mula sa mga magsasaka sa La Trinidad, Benguet, hatid ng Office of the President para sa mga pamilyang QCitizen,” ayon sa pahayag ng pamahalaang lungsod sa Facebook.
Dumalo sa turnover sina Chief of Staff Rowena Macatao, District Action Officers Atty. Zandy Zacate at Atty. Bong Teodoro, City General Services Department head Fe Bass, Traffic and Transport Management Department head Dexter Cardenas, at Zennette Mariano ng Office of the President.
Isinagawa rin ang kaparehong distribusyon sa Pasay City, kung saan kinumpirma ng lokal na pamahalaan na ipamamahagi ang mga gulay sa mga residenteng higit na nangangailangan.
Ayon sa post sa Facebook, personal na tinanggap ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga gulay na inilagay sa transparent na lalagyan at ipamamahagi sa mga piling benepisyaryo.
“Personal nating tinanggap ngayong gabi ang Vegetable Distribution mula sa Office of the President of the Philippines na ating ipamamahagi at masusing pinili ng DSWD para sa mga mas higit na nangangailangan na mga minamahal na Pasayeño,” ayon sa alkalde.
Nagpasalamat din si Calixto-Rubiano kay Pangulong Marcos sa patuloy na tulong.
“Muli, maraming salamat po, Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa patuloy na malasakit sa ating mga kababayan,” dagdag ng alkalde.
Dinala ang mga gulay sa Philippine School for the Blind sa Galvez St., cor. Figueroa St., Pasay City para sa distribusyon.
Bahagi ang inisyatibang ito ng patuloy na pagsisikap ng national government na magbigay ng tulong na pagkain at suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng direktang pagbili ng ani mula sa mga agricultural area gaya ng Benguet.
Sa Caloocan, dinala ang mga gulay sa distribution area sa likod ng Caloocan City Hall North.
Sa Navotas City, dinala ang mga gulay sa drop-off point sa Navotas Convention Center.
Sa Malabon City, ang Brgy. Potrero Hall sa Barangay Potrero ang nagsilbing drop-off point ng mga gulay.
Kabilang din sa iba pang drop-off points ang DSWD NCR sa Bago Bantay, Quezon City (likod ng SM North); DSWD Walang Gutom Kitchen sa Nasdake Building, 50 Williams Corner, FB Harrison Street, Barangay 13, Pasay City; Lungsod ng Maynila sa Delpan Sports Complex; Bureau of Corrections – New Bilibid Prison sa Muntinlupa; at Manila City Jail. (Daris Jose)

Malakanyang, hinikayat ang MSMEs na mag-avail ng business loan program

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN ang Malakanyang sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apektado ng nagpapaatuloy na labanan sa Gitnang Silangan na mag-avail ng P4 billion emergency loan program ng gobyerno.
Sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na ang inisyatiba ng komprehensibong aid package na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay para makatulong na pagaanin ang epekto ng tumataas na ‘logistics costs, cash flow constraints, at supply chain disruptions sa mga negosyo.’
“As part of the safety nets, not only for the highly vulnerable sectors but for the middle class and small entrepreneurs as well, President Marcos has cleared a program for MSMEs in distress as a result of the global oil shock to avail of easy loans ranging from PHP30,000 to PHP20 million each,” ayon kay Recto.
Ang programa, ipinatupad sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry at financing arm nito na Small Business (SB) Corp., naglalayon na magbigay ng accessible credit sa mga apektadong enterprises para tulungan ang mga ito na panatilihin ang mga operasyon sa gitna ng global economic pressures.
“The loans are designed to function as a lifeline for MSMEs facing limited access to financing during periods of economic uncertainty,” aniya pa rin.
Tinuran pa ni Recto na ang loan facility ay nagtatampok ng mababang interest rates at isang repayment period ng hanggang limang taon, mayroong one-year grace period kapuwa sa principal at interest payments.
Ang mga aplikasyon ay maaaring ihain online, at ang pagpo-proseso ng SB Corp. para sa kompletong pagsusumite ay inaasahan na aabot ng 7 hanggang 10 araw.
Winika pa ni Recto na “while MSME bank lending increased by 5 percent to P574.8 billion as of end-December 2025, this represents only 4.73 percent of the country’s P12.14 trillion total bank loan portfolio.”
( Daris Jose)

DOTr, LTFRB PINAG-AARALAN ANG PAGBIBIGAY NG AMNESTY PARA SA MGA TNVS DRIVERS

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINAG-AARALAN ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng amnesty para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na nakapag-onboard kahit lagpas na sa vehicle cap ng mga Transport Network Companies (TNCs).

Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking maipagpapatuloy ng mga driver ang kanilang hanapbuhay at masiguro pa rin ang arawan nilang kita.

Paliwanag ni Transportation Secretary Banoy Lopez, sumobra ang driver at vehicle cap ng ilang mga TNCs.

“Ang nangyayari po kasi dito, kung hindi naman napapayagan na mag-on boarding sila [drivers], hindi naman po sila makakabiyahe. It’s not the reason na walang prangkisa at this point in time. What triggers this is for the TNC… on boarding them,” sinabi ni Secretary Lopez sa DAPO news forum nitong Sabado.

Paliwanag pa ng transport chief: “Itong platform, kung hindi ka naman naka-onboard, hindi ka naman makakabiyahe.”

Ayon pa sa Kalihim, mahirap ang sitwasyon ng mga driver dahil ang ilan sa kanila ay nakapag-loan para sa sasakyang gagamitin para sa TNVs.

“Kapag icu-cut natin [sila] right away, foreclosed lahat po ‘yan. Mas lalaki ang problema. And sabi ko nga the timing now, because of what’s happening in the Middle East is medyo alanganin din para sa kanila,” paliwanag niya.

Sa ngayon ay tinitimbang at pinag-aaralang mabuti ng DOTr kung ano ang makabubuti para sa lahat. (PAUL JOHN REYES)

PBBM, nagpalabas ng EO 114 na nagsususpinde sa excise tax sa LPG, kerosene

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGPALABAS si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive order (EO) ukol sa suspensyon ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene.
Ito’y matapos na ianunsyo ni Pangulong Marcos noong Abril 13 na ang excise tax sa mga petroleum products ay mababawasan.
Ang EO 114, tinintahan noong Abril 16 at isinapubliko, araw ng Biyernes, nagsasaad na ang suspensyon ay tatagal ng tatlong buwan at magiging subject sa monthly review ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Irerekomenda naman ng komite sa Pangulo kung ang suspensyon ay palalawigin, babaguhin o tatapusin.
“The excise tax shall automatically revert without the need for further issuance upon the occurrence of any of the following, whichever comes first: one week after the one-month average Dubai crude oil price falls below USD 80 per barrel or upon the expiration of the three-month suspension,” ayon sa EO 114.
“The DOE and the Department of Finance (DOF), through the Bureau of Internal Revenue (BIR) and the Bureau of Customs (BOC), are directed to conduct an inventory of existing stocks of LPG and kerosene as of the effectivity of this Order. The BIR and the BOC shall likewise submit to Congress monthly information on the declared value and volume of petroleum products covered by this Order,” ang nakasaad pa rin sa EO 114.
Idagdag pa rito, inatasan ang DOE na hilingin sa mga oil companies na magsumite ng monthly reports ukol sa cost components ng petroleum products na saklaw ng kautusan sa panahon ng suspensyon ng excise taxes. Ang DOE ay magsusumite ng impormasyon sa DBCC at Kongreso.
“The DOF, through the BIR and the BOC, and the DOE, may issue such rules, regulations, and guidelines, as may be necessary, to effectively implement this Order and ensure compliance with the requirements of RA No. 12316,” ang mababasa pa rin sa EO 114.
Ang suspensyon ng excise taxes ay ang pagbabawas sa presyo ng LPG tank ng P37 at tatapyasan naman ng P5.65 kada litro sa presyo ng kerosene.
Samantala, wala namang rekomendasyon mula sa DBCC para sa suspensyon ng excise taxes sa diesel at gasolina. (Daris Jose)

PRODUKTONG AGRIKULTURAL SA BENGUET, BINILI NI PBBM PARA SUPORTAHAN ANG MGA MAGSASAKA

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BUMILI si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 20toneladang produktong agrikultural sa dalawang vegetable trading post sa Benguet upang tulungan ang mga magsasakang apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na namili ang Punong Ehekutibo sa pamamagitan ng Tanggapan ng Pangulo, ng iba’t ibang gulay sa kanyang pagbisita sa La Trinidad Vegetable Trading Post at Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC).

“Sa ngayon, si Pangulo mismo ay namili ng mga agri goods mula dito. Seven na bus nga ang pinaglagyan,” ani Laurel.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang mataas na presyo ng gasolina ay nakakaapekto sa paghahatid ng mga ani mula sa kabundukan, partikular sa Mountain Province, na nagdudulot ng problema sa suplay at presyo sa merkado.
Dagdag ni Laurel, ang mga biniling gulay ay dadalhin sa mga komunidad sa Navotas, Caloocan, Malabon, Manila, Pasay, at Quezon City. Ipamamahagi rin ang mga ito sa mga institusyong gaya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Walang Gutom Centers, at ilang bahay-ampunan.
Sinabi rin ni Laurel na ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI), ay bumili rin ng produktong agrikultural upang palakasin ang inisyatiba ng Pangulo.
Ang FTI ay nagsisilbing pangunahing hub para sa pagproseso at distribusyon ng pagkain, at tumutulong sa pagpapatatag ng presyo, pagbibigay ng imbakan, at direktang pag-uugnay ng mga magsasaka sa mga mamimili.
Upang higit pang matulungan ang mga magsasaka, inaprubahan ng Pangulo ang kahilingan ng BAPTC na magtayo ng vegetable processing center sa lugar.
Nangako ang Benguet State University na maglalaan ng lupang katabi ng trading center para dito.
“Nangako ako kanina na popondohan ito ngayong taon,” ani Laurel.
Ang pasilidad ay magkakaroon ng mga kagamitan tulad ng dehydrators at freezing units upang mapahaba ang shelf life ng mga gulay gaya ng carrots, broccoli, at bell peppers.
Ang BAPTC ay mahalagang hub na nagtitipon at nagdadala ng mga ani patungong Metro Manila at iba pang pamilihan sa Luzon, Visayas, at Mindanao, kalakip ang mga gulay mula sa kabundukan gaya ng repolyo, carrots, patatas, lettuce, broccoli, cauliflower, pechay Baguio, Baguio beans, at bell peppers.
Ayon kay Laurel, layunin ng proyekto na magsilbing agaran at pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang post-harvest losses at mapatatag ang suplay.
Inaprubahan din ng Pangulo ang rehabilitasyon ng isang cold storage facility na kasalukuyang hindi nagagamit, na inaasahang matatapos sa loob ng anim na buwan. Magtatayo rin ng karagdagang cold storage unit bilang bahagi ng bagong processing center. (Daris Jose)

MGA VLOGGER NA NAGKAKALAT NG MALING IMPORMASYON, POSIBLENG MAKASUHAN NG KRIMINAL, BABALA NG PALASYO

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA ang Malakanyang na ang mga vlogger na inaakusahan ng pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring maharap sa mga legal na pananagutan, kabilang ang posibleng kasong kriminal, danyos, at mga warrant of arrest.
“Kung ano man ang kanilang ginagawa, they should face the consequences,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin hinggil sa mga reklamong isinampa laban sa tatlong vlogger na umano’y nagpakalat ng pekeng balita tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isang press briefing sa RDC Hall ng Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) Region VI (Western Visayas) sa Iloilo City, sinabi ni Castro na ang mga nagpapakalat ng pekeng balita ay maaaring pagbayarin ng danyos, masampahan ng kasong kriminal, at maisyuhan ng warrant of arrest.
“Unang-una, kung gumagamit naman tayo ng kaisipan, ang mga fake news peddlers ay hindi na dapat ito wina-warningan. Alam naman nila na mali ang kanilang ginagawa. So, warning, hindi ito ang nararapat na salita para sa kanila,” ani Castro.
“Alam nila ang ginagawa nila. Alam nila na mali ang ginagawa nila. Alam nila na naninira lamang sila,” dagdag pa ng Palace Press Officer.
Ayon kay Castro, maaaring managot ang mga nagpapakalat ng pekeng balita sa danyos, cyber libel, at sa pagpapakalat ng maling impormasyon na nakakaapekto sa kaayusan ng publiko.
Nilinaw din ng PCO Undersecretary na maaaring ipataw ito sa sinumang lumalabag sa batas dahil sa pagpapakalat ng pekeng balita.
“Lahat po na nag-spread ng fake news. We are talking about fake news. We are not curtailing anybody’s freedom of expression. Hindi po saklaw. At hindi po iyon ang pinipigilan natin,” ani Castro sabay sabing “Only those spreading fake news.”
Sinabi ni Castro na nakapagsumite na ang PCO ng endorsement para sa karagdagang imbestigasyon laban sa tatlong vlogger na umano’y nagpakalat ng pekeng balita.
“If there will be a case to be filed against them, then they should be held liable for that,” diin ni Castro.
Nauna nang lumagda ang PCO, Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department of Justice (DOJ) ng isang memorandum of agreement (MOA) upang palakasin ang koordinasyon laban sa pekeng balita, disinformation, at AI-generated deepfakes.
Ang kasunduan, nilagdaan nina PCO Acting Secretary Dave M. Gomez, DICT Secretary Henry R. Aguda, at Acting DOJ Secretary Frederick A. Vida, ay nagtatag ng whole-of-government approach upang sugpuin ang maling impormasyon na nagbabanta sa kaligtasan ng publiko, pambansang seguridad, at demokratikong institusyon.
Binigyang-diin ni Gomez ang kahalagahan ng inisyatiba, na nagsabing, “We are confronting a rapidly evolving information landscape where truth is increasingly vulnerable to distortion and manipulation.”
Noong Abril 15, sinuri na ng DOJ ang tatlong Facebook accounts na inendorso ng PCO para sa posibleng pagsasampa ng kaso matapos magpakalat ng gawa-gawang balita tungkol sa kalusugan ni Pangulong Marcos.
Kinumpirma ni Vida ang endorsement ng PCO, at sinabi niyang maglalabas ang kanyang tanggapan ng desisyon sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng endorsement. (Daris Jose)

Valenzuela LGU, pinalakas ang agenda sa imprastraktura

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGPATAWAG ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian, ng City Development Council (CDC) Meeting para sa unang semestre ng 2026 sa pakikipagtulungan ng Department of Public Works and District Engineer, Punong Barangays at iba pang pangunahing stakeholder upang suriin ang nagpapatuloy at natapos na mga proyektong pang-imprastraktura sa lungsod.

Kabilang sa mga highlight na ipinakita ay ang mga nagawa sa mga kalsada at drainage projects mula 2023 hanggang 2025 sa ilalim ng City Development Fund (CDF), na sumasaklaw sa kabuuang 10.30 kilometro sa 56 na kalsada at 20.71 kilometro ng drainage system, na nagkakahalaga ng ₱565 milyon.

Binuod ni Mayor WES ang iba’t ibang mga proyekto sa kalsada at pag-iwas sa baha para sa taong 2026, na nagmula sa iba’t ibang paglalaan ng pondo na may kabuuang 45.85 km. haba ng kalsada at 87.70 km. haba ng drainage sa 175 kalsada, at 5.42 km. haba ng sapa sa 13 daluyan ng tubig na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱2.5 bilyon.

Para naman sa kaligtasan at seguridad ng publiko, patuloy na ipinapatupad ng lungsod ang Streetlighting at CCTV Project nito, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 105 kilometro, na may 3,662 streetlights at 342 CCTV units na naka-install sa maraming yugto, at ang pagpapatupad ng komprehensibong flood control initiatives, na umabot sa 67 komunidad mula Agosto 2025 hanggang Abril 2026.

Sa pangkalahatan, nagpahayag ng pasasalamat ang DPWH Third District Engineering Office sa pamahalaang lungsod para sa pare-pareho at direktang koordinasyon at follow-up nito hinggil sa iba’t ibang proyekto ng lungsod.

Pinaalalahanan naman ni Mayor WES ang lungsod ay may umiiral na Ordinance No. 1307, Series of 2025, na nagpapatupad ng pare-parehong koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga pambansang ahensya sa tuwing nagsasagawa ng mga naaangkop na programa o proyekto.

Sa mensahe ni Mayor WES, “Sa lahat ng ating naipakita ngayon, malinaw na ang bawat proyektong ginagawa ng Lungsod ng Valenzuela ay hindi minamadali at hindi hinuhulaan lamang. Ang bawat hakbang ay dumaraan sa tamang proseso mula sa pakikinig sa mga kahilingan ng komunidad, masusing inspeksyon at assessment ng ating mga tanggapan, koordinasyon sa barangay at iba pa.”

“Ang ating mensahe ay simple lang hindi tayo titigil. Patuloy tayong maging handa, Patuloy tayong kikilos, magpaplano, susunod sa tamang proseso at magpapatupad ng mga solusyong may pangmatagalang epekto para sa isang Valenzuela na mas handa sa hamon ng panahon, mas ligtas para sa lahat, at mas maunlad para sa susunod na henerasyon.” dagdag niya. (Richard Mesa)

KOREANONG PUGANTE, INARESTO NG BI-FSU

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Chinese national dahil sa pagpapatakbo ng illegal na online gambling operations.

Sa pakikipag-ugnayan sa Korean National Police Agency at Philippine National Police–Integrity Monitoring and Enforcement Group, inaresto ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU) si Lee Jonghak, 37, sa isang bahay sa loob ng subdivision sa Pamplona Dos, Las Piñas City.

Si Lee ay mayroong Interpol Red Notice na inilabas noong 2025, kaugnay ng arrest warrant na ipinalabas ng Incheon District Court sa parehong taon dahil sa paglabag sa National Sports Promotion Act ng South Korea na may kinalaman sa illegal na online gambling operations.

Batay sa imbestigasyon ng Korean law enforcement, mula Agosto 2021 hanggang kamakailan, si Lee at ang kanyang mga kasabwat ay nagpatakbo nang hindi bababa sa 23 illegal na online gambling websites mula sa iba’t ibang lokasyon.

Pinangangasiwaan umano ng grupo ang sports betting at mga larong kahalintulad ng casino, nagre-recruit ng mga miyembro, at nagpapadaloy ng mga transaksyong pinansyal na kumita ng mahigit KRW 5.33 bilyon. Tinatayang umabot sa higit KRW 350 bilyon ang kabuuang kita ng sindikato.

Ayon sa ulat, nagsilbi si Lee bilang assistant manager na nangangasiwa sa ilang operational teams na binubuo nang humigit-kumulang 300 empleyado. Patuloy pang iniimbestigahan ang eksaktong halagang kanyang personal na natanggap.

Batay sa rekord ng BI, huling dumating sa Pilipinas si Lee noong 2024 at pinayagang makapasok sa ilalim ng probationary permanent resident visa. Kalaunan ay isinama siya sa blacklist at watchlist ng Bureau bilang isang undesirable alien at pugante mula sa hustisya.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matibay na paninindigan ng ahensya laban sa pagtatago ng mga dayuhang pugante:

“Ipinapakita ng pagkakaarestong ito ang pinaigting nating koordinasyon sa mga international law enforcement agencies at ang ating matatag na paninindigan na protektahan ang bansa laban sa transnational crimes, partikular ang ilegal na online gambling operations na nagsasamantala sa ating sistema at komunidad.”

Kasalukuyang sumasailalim ang nasabing indibidwal sa booking at documentation procedures at ihaharap sa BI Warden Facility habang hinihintay ang deportation proceeding. (Gene Adsuara)

Pahayag ni Cong. Tiangco sa pagkakaaresto kay Zaldy Co

Posted on: April 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGLABAS ng kanyang pahayag si Navotas City Representative Toby Tiangco kaugnay sa pagkakaaresto kay dating Congressman Zaldy Co sa Czech Republic.

“Napakagandang balita po ang inanunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos na nahuli na sa wakas si Zaldy Co,” ani Tiangco.

“Ang inyong lingkod po ang unang nagsabi na si Zaldy Co ang nasa sentro ng pinakamalaking korapsyon sa kasaysayan ng ating bansa. Ako din po ang unang nanawagan sa pagkansela ng passport ni Zaldy Co,” dagdag niya.

Nanawagan din si Cong. Tiangco sa gobyerno ng Pilipinas na magpadala ng high-level team sa Czech Republic upang makipag-ugnayan sa mabilisang pag-uwi ni Zaldy Co.

“Umaasa po tayo na kapag napauwi na sya sa ating bansa, haharapin niya ang mga kasong corruption and malversation of public funds na ipinataw sa kanya at sabihin niya “under oath” kung sinu-sino pa ang kasabwat niya sa pinakamalaking korapsyon sa kasaysayan ng ating bansa. Dapat tumulong din siya na maibalik ang mga nakaw na yaman na ito,” giit ng mambabatas.

“Hindi po nakakalimot ang taumbayan at kailangang panagutin lahat ng mga kawatan na nagnakaw sa pera ng taumbayan,” pagtatapos niya. (Richard Mesa)