• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOTr, LTFRB PINAG-AARALAN ANG PAGBIBIGAY NG AMNESTY PARA SA MGA TNVS DRIVERS

PINAG-AARALAN ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng amnesty para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na nakapag-onboard kahit lagpas na sa vehicle cap ng mga Transport Network Companies (TNCs).

Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking maipagpapatuloy ng mga driver ang kanilang hanapbuhay at masiguro pa rin ang arawan nilang kita.

Paliwanag ni Transportation Secretary Banoy Lopez, sumobra ang driver at vehicle cap ng ilang mga TNCs.

“Ang nangyayari po kasi dito, kung hindi naman napapayagan na mag-on boarding sila [drivers], hindi naman po sila makakabiyahe. It’s not the reason na walang prangkisa at this point in time. What triggers this is for the TNC… on boarding them,” sinabi ni Secretary Lopez sa DAPO news forum nitong Sabado.

Paliwanag pa ng transport chief: “Itong platform, kung hindi ka naman naka-onboard, hindi ka naman makakabiyahe.”

Ayon pa sa Kalihim, mahirap ang sitwasyon ng mga driver dahil ang ilan sa kanila ay nakapag-loan para sa sasakyang gagamitin para sa TNVs.

“Kapag icu-cut natin [sila] right away, foreclosed lahat po ‘yan. Mas lalaki ang problema. And sabi ko nga the timing now, because of what’s happening in the Middle East is medyo alanganin din para sa kanila,” paliwanag niya.

Sa ngayon ay tinitimbang at pinag-aaralang mabuti ng DOTr kung ano ang makabubuti para sa lahat. (PAUL JOHN REYES)