• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

KOREANONG PUGANTE, INARESTO NG BI-FSU

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Chinese national dahil sa pagpapatakbo ng illegal na online gambling operations.

Sa pakikipag-ugnayan sa Korean National Police Agency at Philippine National Police–Integrity Monitoring and Enforcement Group, inaresto ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU) si Lee Jonghak, 37, sa isang bahay sa loob ng subdivision sa Pamplona Dos, Las Piñas City.

Si Lee ay mayroong Interpol Red Notice na inilabas noong 2025, kaugnay ng arrest warrant na ipinalabas ng Incheon District Court sa parehong taon dahil sa paglabag sa National Sports Promotion Act ng South Korea na may kinalaman sa illegal na online gambling operations.

Batay sa imbestigasyon ng Korean law enforcement, mula Agosto 2021 hanggang kamakailan, si Lee at ang kanyang mga kasabwat ay nagpatakbo nang hindi bababa sa 23 illegal na online gambling websites mula sa iba’t ibang lokasyon.

Pinangangasiwaan umano ng grupo ang sports betting at mga larong kahalintulad ng casino, nagre-recruit ng mga miyembro, at nagpapadaloy ng mga transaksyong pinansyal na kumita ng mahigit KRW 5.33 bilyon. Tinatayang umabot sa higit KRW 350 bilyon ang kabuuang kita ng sindikato.

Ayon sa ulat, nagsilbi si Lee bilang assistant manager na nangangasiwa sa ilang operational teams na binubuo nang humigit-kumulang 300 empleyado. Patuloy pang iniimbestigahan ang eksaktong halagang kanyang personal na natanggap.

Batay sa rekord ng BI, huling dumating sa Pilipinas si Lee noong 2024 at pinayagang makapasok sa ilalim ng probationary permanent resident visa. Kalaunan ay isinama siya sa blacklist at watchlist ng Bureau bilang isang undesirable alien at pugante mula sa hustisya.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matibay na paninindigan ng ahensya laban sa pagtatago ng mga dayuhang pugante:

“Ipinapakita ng pagkakaarestong ito ang pinaigting nating koordinasyon sa mga international law enforcement agencies at ang ating matatag na paninindigan na protektahan ang bansa laban sa transnational crimes, partikular ang ilegal na online gambling operations na nagsasamantala sa ating sistema at komunidad.”

Kasalukuyang sumasailalim ang nasabing indibidwal sa booking at documentation procedures at ihaharap sa BI Warden Facility habang hinihintay ang deportation proceeding. (Gene Adsuara)