Mga LGU sa Metro Manila, nakatanggap ng mga gulay galing Benguet mula sa Office of the President
- Published on April 20, 2026
- by @peoplesbalita
NAKATANGGAP ang iba’t ibang local government units (LGUs) ng daan-daang kilo ng gulay mula sa La Trinidad, Benguet bilang bahagi ng pamamahagi ng tulong ng Office of the President para sa mga pamilyang nangangailangan, kung saan pinangasiwaan ng mga lokal na opisyal ang distribusyon sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa La Trinidad Vegetable Trading Post at Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC), araw ng Biyernes, kung saan bumili siya ng 20 toneladang produktong agrikultural upang suportahan ang mga magsasakang apektado ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Kabilang ang Quezon City at Pasay City sa mga unang LGU na nakatanggap ng gulay, na kanilang ibinahagi sa kani-kanilang Facebook accounts.
Sa Quezon City, dumating ang mga suplay ng gulay sa City Hall para ipamahagi sa mga “QCitizens,” sa presensya ng ilang lokal na opisyal.
Ibinahagi rin sa social media ang mga larawan ng pagbaba ng mga gulay mula sa isang bus.
“Dumating na sa Quezon City Hall ang daan-daang kilo ng gulay mula sa mga magsasaka sa La Trinidad, Benguet, hatid ng Office of the President para sa mga pamilyang QCitizen,” ayon sa pahayag ng pamahalaang lungsod sa Facebook.
Dumalo sa turnover sina Chief of Staff Rowena Macatao, District Action Officers Atty. Zandy Zacate at Atty. Bong Teodoro, City General Services Department head Fe Bass, Traffic and Transport Management Department head Dexter Cardenas, at Zennette Mariano ng Office of the President.
Isinagawa rin ang kaparehong distribusyon sa Pasay City, kung saan kinumpirma ng lokal na pamahalaan na ipamamahagi ang mga gulay sa mga residenteng higit na nangangailangan.
Ayon sa post sa Facebook, personal na tinanggap ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga gulay na inilagay sa transparent na lalagyan at ipamamahagi sa mga piling benepisyaryo.
“Personal nating tinanggap ngayong gabi ang Vegetable Distribution mula sa Office of the President of the Philippines na ating ipamamahagi at masusing pinili ng DSWD para sa mga mas higit na nangangailangan na mga minamahal na Pasayeño,” ayon sa alkalde.
Nagpasalamat din si Calixto-Rubiano kay Pangulong Marcos sa patuloy na tulong.
“Muli, maraming salamat po, Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa patuloy na malasakit sa ating mga kababayan,” dagdag ng alkalde.
Dinala ang mga gulay sa Philippine School for the Blind sa Galvez St., cor. Figueroa St., Pasay City para sa distribusyon.
Bahagi ang inisyatibang ito ng patuloy na pagsisikap ng national government na magbigay ng tulong na pagkain at suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng direktang pagbili ng ani mula sa mga agricultural area gaya ng Benguet.
Sa Caloocan, dinala ang mga gulay sa distribution area sa likod ng Caloocan City Hall North.
Sa Navotas City, dinala ang mga gulay sa drop-off point sa Navotas Convention Center.
Sa Malabon City, ang Brgy. Potrero Hall sa Barangay Potrero ang nagsilbing drop-off point ng mga gulay.
Kabilang din sa iba pang drop-off points ang DSWD NCR sa Bago Bantay, Quezon City (likod ng SM North); DSWD Walang Gutom Kitchen sa Nasdake Building, 50 Williams Corner, FB Harrison Street, Barangay 13, Pasay City; Lungsod ng Maynila sa Delpan Sports Complex; Bureau of Corrections – New Bilibid Prison sa Muntinlupa; at Manila City Jail. (Daris Jose)