• April 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 17th, 2026

Madriaga, pinangalanan na ang ilang mga contracted hitmen – DILG Remulla

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KINUMPIRMA ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na pinangalanan na ng umano’y bagman ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga ang ilang mga kinontratang hitmen para isagawa ang umano’y assassiantion o kudeta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Remulla, batay sa mga naging bahagi ng sinumpaang salaysay ni Madriaga na siyang isiniwalat sa naging pagdinig ng impeachment ni VP Sara sa House of Representatives, ang mga plano ng pagpatay sa Pangulo ay matagal na umanong option at inaasahan na lalabas pa ang ibang mga impormasyon hinggil dito sa mga iba pang testimoniya.
Ang naging mga pahayag naman na ito ni Madriaga ay mariing na itinanggi ng kampo ng Bise Presidente at tinawag na “pure fiction” at kulang sa ebidensiya ang mga ito.
Samantala, ipinapaubaya na ng Malacanang sa National Bureau of Investigation (NBI) kung sisilipin nila ang mga pahayag na ito ni Madriaga.
Dagdag naman ni Remulla, palagi talagang mayroong banta sa seguridad ng Pangulo at hindi aniya ito mawawala ito man ay manggagaling sa kampo ng Bise o maging mula sa iba pang panig dahil na rin aniya sa sakop ng kaniyang trabaho bilang Punong Ehekutibo at lider ng bansa. ( DARIS JOSE)

Ang Dakilang Ama ng Brgy. 7, Zone -1 Dist.2 Caloocan City, Kapitan Delfin Zamora

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MATAGAL na ring panahon naglingkod ang mabait at masipag na si Kap. Delfin Zamora sa kanilang barangay. Halos buong panahon na ang kanyang inilaan sa pagsilbi sa kanilang mamamayan. Nagsimula siya noong 1993 bilang kagawad nagtagal hanggang naging Kapitan ng 2016. Dahil sa kanyang magandang pagmamahal sa kanilang komunidad agad ipinaayos ng butihing kapitan Zamora ang kanilang Barangay Hall upang magkaroon ng disenteng opisina na kung saan naraming kumukuha ng mga dokumento lalo na pagdating sa mga clearances na pangangailangan ng kanilang mga kabarangay. Sa kanyang panahon hanggang ngayon libre lahat ang mga pangangailangan ng kanilang ka-barangay. Ang barangay 7, zone -1 Dist.2 Caloocan ay may populasyong 4,000 at mga botante na umaabot sa higit 2,700. Ang kanilang bilang na ito ay namantini ng Dakilang AMA ng barangay na maging maayos ang kapaligiran, lalo na ang katahimikan at naglaan din siya ng fire trucks in case of emergency, napa-aspalto niya ang mga eskinita para walang madisgrasya. Meron din silang ” HAPAG” na siyang katumbas ng Clean & Green which is initiated by DILG to all barangays in Metro Manila. Nagpalagay din ang butihing ” AMA” Zamora ng mga CCTV sa bawat kanto para sa tiyak na seguridad ng kanyang mga kabarangay na siyang itinuring na Tila tunay na mga ” Anak”. Ang kanyang mga ipinagbabawal ay ang noise pollution o ingay na nakakaistorbo sa mga kapitbahay, at curfew hours para sa mga kabataan. Pinatili rin ng butihing AMA ng barangay na si Delfin Zamora ang kaayusan ng mga kanal.
Pinaglaanan din ng nasabing kapitan Zamora ang mga gamot para sa mga Senior Citizens, kabataan at PWD’s. Nagdadaos din sila ng Monthly Check-up, Medical Mission, Weekly Feeding, pananatili ng kalusugan at higit sa lahat mayroon ang mga kabataan ng Educational Supplies. Ngayong tag-init nagkaroon siya ng libreng tuli sa mga kabataan. Ayon pa sa Dakilang “AMA”, panahon na marahil makapagpahinga na muna ako sa aking pagbibigay Serbisyo sa aking mga kabarangay. Maraming taong na rin pinaglingkuran ko ang aming komunidad..73 years old na ako gusto ko naman mabigyan ng Panahon ang aking sarili at makapagpahinga..kaya ako’y labis nagpapasalamat sa aking mga kabarangay sa kanilang pakikiisa at pakikipagtulungan sa lahat ng aming gawain dito sa barangay. Salamat po sa inyong lahat…at nawa’y sa darating na halalan ‘wag niyo po pabayaan ang aking anak na si Sheryl Rose Zamora para maipagpatuloy po niya ang lahat ng aking nasimulan na kaayusan sa aming Barangay. Ayaw kong mapabayaan ang aking mga kabarangay nais kong maging tuloy-tuloy ang pagbibigay tulong sa kanilang pangangailangan sa abot ng aming makakaya!. Muli, labis po akong nagpapasalamat sa inyong lahat mga
mina-mahal kong kabarangay! ‘yan ang madamdaming pagtatapos ng isang dakilang AMA na si kap. Delfin Zamora.
(Sonny Asignacion)

Planong pagpapatayo ng US ng isang pasilidad sa Mindanao, kinondena ng Bayan Muna

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KINONDENA ng Bayan Muna ang naiulat na planong pagpapatayo ng US ng isang pasilidad sa Mindanao.

Reaksyon ito ni dating Bayan Muna Congressman at human rights lawyer Carlos Isagani Zarate sa ulat na plano ng United States government na magpatayo ng Defense Fuel Support Point (DFSP) sa loob ng hurisdiksyon ng Davao City.

Nagbabala ito na ang proyekto ay magsisilbi umanong daan para maging isang logistics hub ang rehiyon ng US.

“The establishment of a US Defense Fuel Support Point in Mindanao is a brazen violation of our constitutionally enshrined policy of an independent foreign policy and a nuclear-free, foreign military-base free Philippines,” ani Zarate.
“This is not about ‘humanitarian assistance’ or ‘disaster response’ — this is about stockpiling fuel for warships and aircraft to ensure quick US military projection into the Sulu Sea and Celebes Sea.”

Aniya, ang planong DFSP ay bahagi ng malawak umanong stratehiya ng US para makapagpatayo ng military logistics facilities sa rehiyon.

Sinabi nito na maba-bypass umano nito ang 1999 Visiting Forces Agreement (VFA) at 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pamamagitan ng pagbuo ng de facto permanent American military infrastructure sa ilalim ng ibang pangalan.
“The Sulu Sea and Celebes Sea are critical chokepoints for US military logistics. A fuel storage facility in Davao City or elsewhere in Mindanao gives the US Navy and US Air Force immediate access to these waters — not for Philippine defense, but for US hegemonic operations in the South China Sea and beyond. This makes Mindanao a target in the event of a major power conflict,” dagdag nito.

Nagpahayag din nang pagka-alarma ang dating mambabatas sa magiging environmental at security risks nito.

“Mindanaoans still remember the 2006 Guimaras oil spill caused by a Petron chartered vessel — a fraction of what a military fuel storage facility could spill. A DFSP places coastal communities, fisheries, and marine biodiversity in constant danger. It also invites pre-emptive strikes from hostile forces in any future confrontation.”

Nanawagan naman si Zarate sa gobyerno ng Pilipinas kabilang na ang mga kaukulang LGUs, na ibasura ang anumang panukala para sa DFSP, at ilabas ng buo sa publiko ang ginaganap na negosasyon sa US military officials.

“The Marcos Jr. administration must stop hiding behind EDCA and immediately scrap any secret or informal agreement allowing a US fuel depot in Mindanao. The people of Mindanao have not forgotten the bloody history of US military intervention in the region. We will not allow our soil to become a fuel depot for a foreign empire’s war machine,” pagtatapos ni Zarate.
(Vina de Guzman)

VP Sara dapat harapin ang pagdinig, hindi lamang media

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante si Vice President Sara Duterte na personal na harapin ang House Committee on Justice at sagutin ang alegasyon laban sa kanya sa halip na sa media magsalita o magpahayag.

“Ibigay niya ang kanyang paliwanag sa Committee on Justice. Hindi iyong puro propaganda lang siya,” ani Abante, chairman ng House Committee on Human Rights.

Sinabi ng mambabatas na ang komite at ang Senado kung doon ito mauuwi ang tamang forum para sa kanyang paliwanag.

At hindi lamang aniya press release, social media post o press conference ang kanyang dapat gawin.

“Kung ganyan lang, malinaw na pag-iwas sa responsibilidad at accountability ito,” pahayag pa ni Abante.
(Vina de Guzman)

SUMABOG NA LPG SA ISANG BAHAY-NEGOSYO, 2 PATAY

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIHINALANG dahil sa sumabog na tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG) kaya nasunog ang isang bahay at nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao sa Dasmarinas City Cavite Huwebes ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina alyas Bryan, 20 at Honorio, 65, kapwa nakatira sa Diamond Village, Brgy Salawag, Dasmariñas City, Cavite.

Sa ulat, bandang alas-9:00 ng umaga nang makarinig ang ilang residente nang malakas na pagsabog sa Block 21 Lot 1 Coral St., Diamond Village, Brgy Salawag, Dasmariñas City, Cavite kasunod ng paglagablab ng apoy sa nasabing bahay.

Ang may-ari ng bahay at negosyo na Trijonetrics Corps ay kinilalang si alyas Greg 65, tubong Camsur.

Mabilis naman ang responde ng pamatay sunog kung saan dakong alas-9:55 ng umaga nang ideklara ng fire-out ni FCinsp Michael Joh Escano NG Dasmariñas City Bureau of Fire Protection kung saan nakita ang dalawang bangkay, isa ay natagpuang sa veranda habang ang isa pa ay sa labas ng bahay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing sunog habang inaalam pa kung magkano ang naging pinsala.
(Gene Adsuara)

Higit P.3M droga, nasabat sa Valenzuela drug bust

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang isang drug suspect na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu makaraang matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Miyerkules ng umaga.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Gary”, 49, ng Brgy., Malinta.

Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Gary” kaya ikinasa nila ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba saka dinamba ang suspek dakong alas-11:20 ng umaga sa C. Dizor St., Brgy., Rincon.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P340,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1000 boodle money, P300 cash at coin purse.

Ayon kay PSSg Cris Paul Collo, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Nauna rito, nakuhanan ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ng Valenzuela Police si alyas “Roy” ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu makaraang maaresto habang nagsusugal umano ng cara y cruz kasama ang isang lalaki sa Blk. 50 2.1 Northville 1, Casa Rival, Brgy. Bignay dakong alas-9:35 ng gabi. (Richard Mesa)

Mga hakbang para masugpo ang sunog sa sanitary landfill sa Navotas, tinalakay

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISA-ISANG inilahad sa isinagawang pulong balitaan sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco ang mga wastong hakbang para masugpo na ng tuluyan ang mahigit anim na araw ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill.

Kasama ring dumalo sa nasabing presscon na ginanap sa Navotas City Hall sina Congressman Toby Tiangco, Municipality of Obando Mayor Leonardo Valeda at DENR Acting Secretary Atty. Juan Miguel Cuna.

Ayon kay Mayor Tiangco, magsasagawa ng pagpupulong ang binuong Task Force ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na kinabibilangan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang malutas na ang nararanasang makapal at nakakasulasok na usok na nagmumula sa nasusunog na landfill.

Sinabi pa ni Mayor Tiangco na sa ngayon ay tumutulong na ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang mabilis na matambakan ng buhangin ang mga nasusunog pang basura para hindi na makapasok ang oxygen na nagdudulot ng pagsiklab ng apoy.

Dagdag niya, masyadong malawak ang lugar na nasusunog sa mahigit 40-ektaryang isla na nasilip nila sa pinalipad na drone na may thermal camera, Miyerkules ng gabi, na ipinahiram sa kanila ni Manila Mayor Isko Moreno.

Personal din aniyang bibisita sa lugar si DENR Secretary Vince Dizon matapos magpadala ng dredging machine na makakatulong upang mapabilis ang pagtatambak ng filling materials sa nasusunog na landfill.
(Richard Mesa)

NBI INILUNSAD ANG PROGRAMANG “LIBRENG SAKAY” BILANG TUGON SA TRANSPORT STRIKE

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BILANG tugon sa patuloy na welga ng transportasyon na nakakaapekto sa Metro Manila, inilunsad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang programang “Libreng Sakay” upang magbigay ng libreng serbisyo sa transportasyon para sa mga apektadong commuter.

Layunin ng inisyatibong ito na pagaanin ang pasanin na nararanasan ng mga nagko-commute at matiyak ang patuloy na pag-access sa ligtas at maaasahang mga opsyon sa paglalakbay sa panahon ng pagkaantala.

Ang programang “Libreng Sakay” ay ipatutupad mula Abril 16 hanggang 17, 2026, araw-araw mula 8:00 AM hanggang 3:00 PM.

Upang suportahan ang pagsisikap na ito, ang NBI ay magtatalaga ng apat (4) na shuttle bus, bawat isa ay may kapasidad na dalawampu’t walong (28) pasahero, upang magserbisyo sa mga pangunahing ruta na karaniwang dinadaanan ng mga jeepney:
• PHILCOA papuntang Lawton sa pamamagitan ng Quezon Avenue
• Monumento sa Pasay Rotonda sa pamamagitan ng Rizal Avenue

Tinitiyak ng Kawanihan sa publiko na ang operasyon ng mga serbisyong ito ng shuttle ay isasagawa sa maayos at koordinado na paraan upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawahan ng lahat ng pasahero.

Ang inisyatibong ito ay sumasalamin sa patuloy na pangako ng NBI na suportahan ang mga nagko-commute na publiko sa panahon ng kaguluhan at pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino na higit pa sa pangunahing mandato nito sa pagpapatupad ng batas.

Hinihikayat ng NBI ang publiko na gamitin nang responsable ang mga serbisyong ito at manatiling kooperatiba upang matiyak ang maayos at ligtas na operasyon ng transportasyon. (PAUL JOHN REYES)

Isko ipinamahagi P4.9 milyong E-Fuel card sa mga tsuper

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IPINAMAHAGI ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang fleet cards o E-Fuel Cards na aabot sa P4.9 mil­yon mula sa isang oil company sa mga sumali sa Libreng Sakay Program ng lungsod.

Ayon kay Domagoso ang mga card ay galing sa donasyon ng isang pribadong indibidwal at nagkakahalaga ng P1,000 bawat isa. Ang bawat d­river at operator ay tatanggap ng apat na fleet card.
Ipinagkaloob ang fleet cards sa mga tsuper bilang pasasalamat sa pagtugon sa panawagan ng city government at upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pa­sada sa gitna ng patuloy na hamon sa presyo ng enerhiya.

Nagpasalamat din ang Manila LGU sa donor sa kanilang pakikiisa sa adhikain na masuportahan at maiangat ang kabuhayan ng mga jeepney driver.

Kasama sa pamamahagi ng E-Fuel Cards si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje.

Bible Verse

Posted on: April 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

2 Corinthians 5:21: “God made him who had no sin to be sin for us, so that in him we might become the righteousness of God”. This verse emphasizes redemption, grace, and a fresh start through faith, encouraging a focus on spiritual renewal.