Mga hakbang para masugpo ang sunog sa sanitary landfill sa Navotas, tinalakay
- Published on April 17, 2026
- by @peoplesbalita
ISA-ISANG inilahad sa isinagawang pulong balitaan sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco ang mga wastong hakbang para masugpo na ng tuluyan ang mahigit anim na araw ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill.
Kasama ring dumalo sa nasabing presscon na ginanap sa Navotas City Hall sina Congressman Toby Tiangco, Municipality of Obando Mayor Leonardo Valeda at DENR Acting Secretary Atty. Juan Miguel Cuna.
Ayon kay Mayor Tiangco, magsasagawa ng pagpupulong ang binuong Task Force ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na kinabibilangan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang malutas na ang nararanasang makapal at nakakasulasok na usok na nagmumula sa nasusunog na landfill.
Sinabi pa ni Mayor Tiangco na sa ngayon ay tumutulong na ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang mabilis na matambakan ng buhangin ang mga nasusunog pang basura para hindi na makapasok ang oxygen na nagdudulot ng pagsiklab ng apoy.
Dagdag niya, masyadong malawak ang lugar na nasusunog sa mahigit 40-ektaryang isla na nasilip nila sa pinalipad na drone na may thermal camera, Miyerkules ng gabi, na ipinahiram sa kanila ni Manila Mayor Isko Moreno.
Personal din aniyang bibisita sa lugar si DENR Secretary Vince Dizon matapos magpadala ng dredging machine na makakatulong upang mapabilis ang pagtatambak ng filling materials sa nasusunog na landfill.
(Richard Mesa)