• April 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

SUMABOG NA LPG SA ISANG BAHAY-NEGOSYO, 2 PATAY

HINIHINALANG dahil sa sumabog na tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG) kaya nasunog ang isang bahay at nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao sa Dasmarinas City Cavite Huwebes ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina alyas Bryan, 20 at Honorio, 65, kapwa nakatira sa Diamond Village, Brgy Salawag, Dasmariñas City, Cavite.

Sa ulat, bandang alas-9:00 ng umaga nang makarinig ang ilang residente nang malakas na pagsabog sa Block 21 Lot 1 Coral St., Diamond Village, Brgy Salawag, Dasmariñas City, Cavite kasunod ng paglagablab ng apoy sa nasabing bahay.

Ang may-ari ng bahay at negosyo na Trijonetrics Corps ay kinilalang si alyas Greg 65, tubong Camsur.

Mabilis naman ang responde ng pamatay sunog kung saan dakong alas-9:55 ng umaga nang ideklara ng fire-out ni FCinsp Michael Joh Escano NG Dasmariñas City Bureau of Fire Protection kung saan nakita ang dalawang bangkay, isa ay natagpuang sa veranda habang ang isa pa ay sa labas ng bahay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing sunog habang inaalam pa kung magkano ang naging pinsala.
(Gene Adsuara)