• April 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Higit P.3M droga, nasabat sa Valenzuela drug bust

KALABOSO ang isang drug suspect na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu makaraang matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Miyerkules ng umaga.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Gary”, 49, ng Brgy., Malinta.

Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Gary” kaya ikinasa nila ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba saka dinamba ang suspek dakong alas-11:20 ng umaga sa C. Dizor St., Brgy., Rincon.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P340,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1000 boodle money, P300 cash at coin purse.

Ayon kay PSSg Cris Paul Collo, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Nauna rito, nakuhanan ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ng Valenzuela Police si alyas “Roy” ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu makaraang maaresto habang nagsusugal umano ng cara y cruz kasama ang isang lalaki sa Blk. 50 2.1 Northville 1, Casa Rival, Brgy. Bignay dakong alas-9:35 ng gabi. (Richard Mesa)