• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March, 2026

BAGONG NAIAX OFF-RAMP PAPUNTANG TERMINAL 3 BINUKSAN, PINABILIS ANG DALOY NG TRAPIKO

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINUKSAN araw ng Biyernes ang westbound off-ramp ng Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAX) sa Andrews Avenue na patungo sa NAIA Terminal 3 sa Lungsod ng Pasay.
Ang naturang proyekto ay makababawas sa haba ng biyahe ng 15 hanggang 25 minuto para sa mga motorista mula SLEX, Skyway Stage 3, at Lawton Avenue, lalo na sa oras ng matinding trapiko.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang pagbubukas ng NAIAX – Westbound Off-Ramp papuntang NAIA Terminal 3, isang 320-metrong kalsada sa Barangay 183, Pasay City, na layong i-decongest at pagandahin ang daloy ng trapiko sa paligid ng airport terminal.
“At ito ay isang bahagi lamang sa mga ating ginagawa para – lalong-lalong na paghanda sa Holy Week,” ani Pangulong Marcos sa kanyang mensahe sa okasyon.
Kasama sa mga nakasama ng Pangulo ang Acting Secretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Vivencio B. Dizon; si Ramon S. Ang, Chairman at CEO ng San Miguel Corporation; Acting Secretary ng Department of Transportation (DOTr) na si Giovanni Lopez; Atty. Jose Arturo Tugade, Executive Director ng Toll Regulatory Board (TRB); at si Mayor Imelda Calixto-Rubiano ng Pasay City.
Sinabi ni Pangulong Marcos na binuksan na rin ng gobyerno ang connector road mula CAVITEX hanggang C5 upang masiguro ang tuloy-tuloy na daloy ng trapiko mula sa highway.
“At mabubuksan na rin ‘yung —papuntang Cabanatuan. At ‘yun, isa pa ‘yun para medyo mabigyan natin ng kaunting relief ang mga travelers na papunta around Central Luzon,” dagdag pa niya.
“Kaya patuloy natin pinabubuksan lahat ng mga ating kalsada upang mas madali ang magiging travel sa ating mga kababayan, lalong-lalo na ngayon na may Holy Week,” ani Pangulo.
Sa isang ambush interview sa media matapos ang pagbisita ng Pangulo, sinabi ni SMC chairman Ramon Ang na tinatayang PhP1 bilyon ang halaga ng proyekto.
Ang SMC ang Concessionaire at Operator ng proyekto, na natapos noong Disyembre 2025 at binuksan sa publiko noong Marso 27, 2026.
Noong nakaraan, iniutos na ni Pangulong Marcos sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na bumuo ng imprastruktura upang pagandahin ang konektibidad at bawasan ang trapiko sa Metro Manila.
Sa utos ng Pangulo, itinayo ang NAIAX Westbound Off-Ramp papuntang NAIA Terminal 3 upang suportahan ang modernisasyon ng NAIA sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program, na nagbibigay ng bagong access sa airport para sa mas maayos at mas predictable na biyahe.
Dagdag pa rito, isinagawa rin ang road widening sa Circulo del Mundo Rotonda na direktang patungo sa NAIA Terminal 3.
Pagdating sa off-ramp, binigyan ng briefing boards si Pangulong Marcos, Dizon, at Ang bago sila sumakay sa coaster para magsagawa ng windshield inspection ng natapos na proyekto sa Toll Plaza.
Ang congestion at inefficient inter-terminal transfers sa NAIA ay nagpapababa ng kalidad ng karanasan ng mga biyahero sa pagdating at pag-alis sa Maynila, na pinalalala ng hindi predictable na oras ng biyahe para sa mga pasaherong naglilipat sa pagitan ng mga terminal.
Bilang bahagi ng pagpapahusay ng NAIAX, layunin ng proyekto na pagandahin ang konektibidad ng tatlong terminal ng NAIA, na may tinatayang 30 hanggang 40 porsyentong pagbaba ng dami ng sasakyan sa Andrews Avenue–Newport intersection sa pamamagitan ng paghihiwalay ng airport-bound traffic sa lokal na kalsada, na nagbibigay ng agarang ginhawa sa mga commuter at residente ng Newport City at Villamor. ( DARIS JOSE)

ASEAN summit tuloy sa Mayo sa kabila ng labanan sa Gitnang Silangan

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TULOY ang 48th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit and Related Summits sa Cebu sa May 8 hanggang 9, 2026.
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga mamamahayag sa Silang, Cavite, na ang desisyon na ituloy ang nasabing event ay kasunod ng konsultasyon sa mga kapwa Southeast Asian leaders.
“We have consulted with our counterparts in the 10 other member-states. And the question that I asked them is very simple: Would you prefer – because everybody is busy with the oil crisis going on, because of the war in the Middle East – would you like to postpone the ASEAN Summit?’” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“The consensus that we came to is that it is precisely now that we must coordinate our efforts. So, that is what we are going to do. Ipapatuloy natin ‘yung (we will continue) ASEAN Summit,” aniya pa rin.
Aniya pa, ang 48th ASEAN Leaders’ Summit and Related Summits ay magiging “very bare bones,” sabay sabing nakatuon ito sa tatlong pangunahing paksa: langis, pagkain at migrant workers.
Binigyang diin ng Pangulo ang kahalagan ng nalalapit na summit na tulungan ang mga ASEAN leaders na madetermina “what do we do in the future, what do we do for the rest of the year, how can we help each other, and what is the ASEAN position regarding all of these shocks that are coming our way.”
“We will be talking about the three main subjects – about the supply of petroleum and petroleum products, about the supply of food and the price of food and migrant workers,” ayon sa Pangulo.
“The 49th ASEAN Summit and Related Summits, scheduled for Nov. 10 to 12 in Pasay City, will “tentatively” push through, as it is an important engagement where other world leaders are expected to attend,” ang pahayag ng Chief Executive.
Bilang bahagi ng chairship ng Pilipinas sa ASEAN ngayong taon, ang Pilipinas ay magho-host ng 650 ministerial at senior official meetings.
Sa ulat, sinusuportahan ng mga lider ng Senado ang mungkahing pag-aralan ang posibleng pagpapaliban ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit, kasabay ng tumitinding epekto ng sigalot sa Middle East sa ekonomiya.
Ayon kay Vicente Sotto III, dapat ikonsidera ng pamahalaan ang mungkahi ng dating Finance Secretary na si Gary Teves.
Dagdag pa niya, maaaring ito na ang tamang panahon upang pag-isipan ang ganitong hakbang lalo na kung makakatulong ito sa pagtitipid ng pondo ng gobyerno.
Pabor din naman si Senate President Pro Tempore Ping Lacson at naniniwalang maiintindihan naman aniya ng mga karatig-bansa sa Southeast Asia kung sakaling maantala ang hosting ng Pilipinas.
Layunin ng mungkahi na ipagpaliban ang ASEAN Summit at mga kaugnay na pulong upang ang mahigit ₱17 bilyong nakalaang pondo ay mailaan na lamang sa mas mahahalagang programa, gaya ng ayuda para sa mga apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Para kay Imee Marcos, hindi praktikal ang paggastos ng ganito kalaki para sa isang event sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Aniya, kung hindi man maipagpapaliban, maaari itong gawing mas simple at bawasan ang gastos. Maaari rin aniyang gamitin ang pagpupulong upang humingi ng suporta mula sa mga bansang may suplay ng langis tulad ng Brunei, Indonesia, at Malaysia.
Maging si Sen Sherwin Gatchalian ay pabor din dahil mas mainam aniya na bawasan ang gastusin kung hindi matutuloy ang pagpapaliban.
Nakatakdang idaos ang 48th ASEAN Summit sa Cebu ngayong Mayo at ang ika-49 na summit sa Pasay sa Nobyembre, kasabay ng iba pang pulong bilang bahagi ng papel ng Pilipinas bilang host country.
( DARIS JOSE)

LTFRB NANAWAGAN NA BAWASAN NG HINDI BABABA SA 50% ANG RENTA NG MGA PUV TERMINAL

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga may-ari ng mall at iba pang establisimyento na bawasan ng hindi bababa sa 50% ang renta ng mga terminal ng pampublikong sasakyan (PUV).

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, layunin ng hakbang na ito na matulungan ang mga operator ng PUV na mapababa ang kanilang gastusin sa operasyon, lalo na ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng produktong petrolyo bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
“Nagpadala na kami ng mga liham sa iba’t ibang may-ari at tagapamahala ng mga establisimyento na may PUV terminal upang bawasan ang renta bilang tulong sa sektor ng pampublikong transportasyon,” ani Chairperson Mendoza.
Ipinadala ng lahat ng Regional Director ng LTFRB ang naturang liham sa mga terminal owners at operators sa kani-kanilang nasasakupan, na humihiling ng hanggang 50% bawas sa renta. Inatasan din ang mga Regional Director na regular na magbigay ng ulat sa tanggapan ng LTFRB hinggil sa mga nagiging tugon at resulta ng naturang apela.
“Malaking tulong ang maibibigay ng mga establisimyento sa pagbawas ng renta upang maibsan ang pasaning pinansyal ng sektor ng transportasyon,” dagdag ni Chairperson Mendoza.
“Makakatulong din ito upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng maaasahan at episyenteng serbisyo sa mga mananakay.”
Patuloy namang nagbibigay ng tulong ang pambansang pamahalaan sa sektor ng pampublikong transportasyon, kabilang ang P5,000 fuel subsidy na ipinatutupad sa Metro Manila at ang pagbawas ng toll fees sa mga expressway.
Nauna nang nanawagan ang LTFRB sa mga government financial institutions na huwag magpataw ng penalty sa mga operator ng modern jeepneys na naantala ang pagbabayad ng kanilang buwanang amortization.
“Patuloy na gumagawa ng paraan ang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng kasalukuyang hamon. Sa bawat Pilipino, nawa’y manaig ang diwa ng bayanihan at malasakit upang sama-sama nating mapagtagumpayan ang hamong ito,” pagtatapos ni Chairperson Mendoza.
(PAUL JOHN REYES)

KITA NG TSUPER, SASAGUTIN NG MAYNILA PARA SA LIBRENG SAKAY

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SASAGUTIN ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kita ng mga tsuper ng jeep upang makapagbigay ng libreng sakay sa mga commuter
Sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Biyernes, Marso 27, na sasagutin ng pamahalaang lungsod ang kita ng mga tsuper ng jeep upang makapagbigay ng libreng sakay sa mga commuter ang mga sasakyang lalahok sa programa, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Executive Order No. 14, series of 2026.
Inilunsad ang programa sa kanyang “Talk to the People” address matapos ang pagpupulong kasama ang mga pangulo ng 22 Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA). Layunin nitong isakatuparan ang Seksyon 5 ng EO 14, na nag-uutos ng pagbibigay ng ayuda sa sektor ng transportasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng kasunduang ito, sasagutin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang arawang operasyon ng mga kalahok na jeepney, upang matiyak na may garantisadong kita ang mga tsuper at operator habang hindi na sisingilin ng pamasahe ang mga pasahero.
Ayon kay Domagoso, makatatanggap ang mga tsuper ng jeep ng humigit-kumulang ₱3,000 kada araw, depende sa uri ng sasakyan, upang matugunan ang matinding pagbagsak ng kanilang arawang kita dulot ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
“Hihiramin ko ’yung mga jeep at driver. Garantisadong bayad araw-araw. May kita ang operator, may kita ang driver. Tiyak na kita, kasiguruhan. May kita ang gasolinahan at mga nagnenegosyo sa Maynila, at higit sa lahat, walang kailangang bayaran ang ating mga mananakay kapag ang jeep na sasakyan nila ay kasapi ng programa ng Lungsod ng Maynila,” ani Domagoso.
Mahigit 1,400 jeepney ang inaasahang lalahok sa programa, na sasaklaw sa mga ruta sa loob ng Maynila at mga karatig-lugar. Tinataya ng alkalde na maaari itong magsilbi sa humigit-kumulang 100,000 pasahero kada araw.
Sinabi rin ni Domagoso na nabuo ang inisyatibong ito sa loob lamang ng 48 oras bilang agarang tugon upang maibsan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis, na lubhang nagpababa sa naiuuwing kita ng mga tsuper sa ₱200 hanggang ₱500 lamang kada araw.
Kinilala rin ng alkalde na limitado at pansamantala pa rin ang ayuda mula sa pambansang pamahalaan, at inilarawan ang hakbang ng lungsod bilang isang “pantawid” o pansamantalang lunas upang matulungan ang parehong mga tsuper at commuter na makayanan ang tumataas na gastos sa transportasyon.
Ang programa ng libreng sakay ay unang ipatutupad sa loob ng limang araw sa loob ng dalawang linggo—Lunes at Martes sa unang linggo, at Lunes hanggang Miyerkules sa ikalawang linggo—na maaari pang palawigin depende sa pagkakaroon ng pondo (Gene Adsuara)

Suporta sa Bayan Desk (SBD), inilunsad ng House of Representatives bilang central access point

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INILUNSAD ng House of Representatives ang Suporta sa Bayan Desk (SBD) bilang central access point ng mga mamamayan na humihingi ng tulong sa kanilang mambababatas sa agarang serbisyo ng mga ahensiya ng gobyerno.
Kalakip na serbisyo ng SBD ay tulong medikal, funeral, transportation, at ayuda, ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Sinabi ni Dy na ang SBD ay isang inisyatibo ng Kamara sa ilalim ng “Alagang Kongreso” na kung saan ang mga Pilipino na nangangailangan ng agarang tulong ay idadaan ang kanilang kahilingan sa mambabatas na nakakasakop ng kanilang distrito upang magkaroon ng koordinasyon sa ahensiya ng gobyerno.
Kasama rin sa inisyatibo ang “Dakilang Yugto,” na kung saan binibigyan ng suporta ng Kamara sa mga retired personnel at pagbibigay ng HRep Executive Check-Up Program sa mga opisyales at empleyado nito.
Ayon kay House Majority Leader Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng Ilocos Norte, ang SBD ang humaharap sa publiko na kung saan ang kanilang mga kahilingan ay tinatanggap, pinoproseso at may koordinasyon sa mga partner government agencies.
“We thank Speaker Bojie Dy for establishing the Suporta sa Bayan Desk as a concrete expression of compassionate and responsive governance,” pahayag ni Marcos. “This (SBD) is about making sure that when our people ask for help, the system is ready to respond quickly, clearly and with dignity.”
(Vina de Guzman)

5 most wanted persons, timbog sa manhunt ops sa Valenzuela, Bulacan

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

LIMANG indibidwal na wanted sa iba’t ibang kaso ang nalambat ng pulisya sa magkakahiwalay na manhunt operation sa Valenzuela City, at Bulacan.

Isinagawa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang pagtugis sa 28-anyos na call center agent na wanted sa tatlong bilang na kasong Acts of Lasciviousness at paglabag sa R.A. 7610 (Child Abuse Law).

Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Family Court, Branch 16, Valenzuela City.

Nadakip din ng mga operatiba ng WSS sa Brgy., Canumay West, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City RTC Branch 172, para sa kasong sexual assault in relation to R.A 7610 ang 28-anyos na akusado.

Alas-3:20 ng hapon nang damputin ng mga tauhan ni P/Capt. Robin Santos, OIC, SIDMS sa pangunguna ni Lt. Viernes sa Brgy., Mapulang Lupa ang 40-anyos na akusado na nakatala bilang No. 10 Regional Level (NCRPO), sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 284, Valenzuela City, noong March 16, 2026 para sa kasong Homicide na may inirekomendang piyansa na P120,000.

Samantala, nasukol ng mga tauhan ni Col. Talento si alyas “Ejay”, 40, nakatala bilang Top 8 most wanted sa NPD at Valenzuela CPS sa operation sa Brgy., Turo, Becaue, Bulacan. Dinakip si ‘Ejay’, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong July 31, 2025 ng Valenzuela RTC Branch 282 para sa kasong Carnapping.

Habang alas-8:00 ng gabi nang masakote nina Lt. Viernes ang 45-anyos na driver na nakatala bilang No. 7 MWP sa Valenzuela CPS, sa operation sa Brgy., Coloong sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela RTC Branch 270, noong March 12, 2026, para sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A 7610 na may inirekomendang piyansa na P180,000.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang Valenzuela CPS sa kanilang pagsisikap na nagresulta sa matagumpay na operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na pinaghahanap ng batas. (Richard Mesa)

“Tinatawag ka ng Dakilang Hari… Handa ka bang tanggapin ang Hamon ng Krus?”

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SA UTOS ng Diyos, ang Kanyang mga sugo na sina Ann at Gelai ay naglakbay upang maghanap ng mga taong handang maging alagad ng Dakilang Hari. Ngunit kanilang matutuklasan na ang tunay na paglilingkod ay may kasamang sakripisyo at pagdadala ng Krus.
Tunghayan ang dulang magpapaalala sa tunay na kahulugan ng pananampalataya, pagtitiis, at pagsunod sa Diyos.
March 31,2026, 7:00 pm
The Lord’s Flock Heritage Sanctuary
(#5 Catanduanes St. Delmonte Ave, cor. West Avenue, Q.C.)
Inaanyayahan ang lahat na manood at makibahagi sa makabuluhang pagtatanghal na ito.

Rider, timbog sa droga sa Valenzuela

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BAGSAK sa selda ang isang bagong identified drug personality nang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil ang suspek na si alyas “Dopong”, 46, ng Brgy., Coloong.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Lt Dascil na
dakong alas-8:15 ng umaga nang maaresto nila ang suspek sa San Francisco Del Monte St., Brgy. Malanday, matapos umanong bintahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang undercover police na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P68,000, buy bust money, P200 cash, coin purse at isang motorsiklo na gamit umano nito sa kanyang ilegal na aktibidad.

Ayon kay Lt. Dascil, bago ang pagkakaaresto sa suspek ay unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities nito kaya ikinasa ni nila ang buy bust operation laban kay alyas Dopong, sa koordinasyon sa PDEA.

Sinabi ni SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio na sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa ilegal na droga. (Richard Mesa)

CIDG INARESTO ANG 174 INDIBIDWAL DAHIL SA ONLINE SABONG SA TONDO, MANILA

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BILANG pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa patuloy na pagsuspinde ng lahat ng operasyon ng e-Sabong/online sabong, at alinsunod sa nakatutok na programa ng Hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, si Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., pinaigting ng CIDG ang mga operasyon nito sa pagpapatupad ng batas sa buong bansa.

Noong Marso 24, 2026, ang CIDG Manila District Field Unit ng CIDG National Capital Region, kasama ang CIDG Detection and Special; Police Station 1 ng Manila Police District; at Manila District Anti-Cyber Crime Team ay nagsagawa ng operasyon dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602 (Illegal Gambling) kaugnay ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) – partikular na ang online sabong sa loob ng Coliseo De Manila, na matatagpuan sa Vib Compound, Armando Lopez Vitas, Tondo, Maynila na nagresulta sa pag-aresto sa 174 na indibidwal; at pagkumpiska ng 48 desktop computer na ginagamit bilang cockpit online betting stations, 24 na buhay na tandang, mga set ng sabong pangsabong (tari); mga tiket sa taya at perang taya na nagkakahalaga ng PhP 3,520.00.

Ayon sa ulat na nakarating kay PMGEN Robert AA Morico II, Director ng CIDG, sa 174 na naarestong indibidwal, 28 ang mga kawani ng pamamahala, empleyado, IT personnel, at teller, habang 136 naman ang mga mananaya. Nahuli sila habang tumataya sa online ng live na sabong gamit ang online platform/website na “sabongvip.net.”

Sinabi ni PMGen Robert AA Morico II na patakaran ng Estado na mahigpit na ipagbawal ang lahat ng uri ng ilegal na pagsusugal, kabilang ang online sabong, dahil ang mga aktibidad na ito ay sumisira sa kaayusan ng publiko, nagtataguyod ng ilegal na pakinabang. Ang Executive Order No. 9 na nag-utos ng patuloy na suspensyon ng lahat ng e-sabong/online sabong ay naglalayong protektahan ang “kalusugan at moralidad ng publiko” at tugunan ang mga isyung panlipunan tulad ng pagkalulong sa sugal, pagkabangkarote at krimen na nauugnay sa industriya.

Pinupuri ng pamunuan ng CIDG si PCOL John K Guiagui, ang Regional Chief ng CIDG National Capital Regional Field Unit; si PLTCOL Gene M Licud, Chief ng CIDG Detection and Special Operations Unit; at ang CIDG Manila District Field Unit na pinamumunuan ni PLTCOL Angelo J Camuyot para sa matagumpay na pagsugpo sa mga operasyon ng online sabong. Binibigyang-diin nito ang agresibong paninindigan ng CIDG laban sa lahat ng uri ng ilegal na pagsusugal at mga aktibidad.

Tinitiyak ng Grupo sa publiko na matatag ang pagpapatupad ng lahat ng batas at utos ng Estado, at hindi nagpapabaya sa lahat ng lumalabag at kriminal, at walang humpay sa paglaban sa lahat ng uri ng ilegal na pagsusugal kabilang ang e-Sabong at online sabong. (PAUL JOHN REYES)

Oil firms kumita ng P3 bilyong kada araw

Posted on: March 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI umano bababa sa P3 bilyon kada araw ang kinita ng mga oil companies buhat ng pumutok ang krisis sa Middle East dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon kay Sen. Rodante Marcoleta.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee nitong Miyerkules, ipinaalala ni Marcoleta ang sinabi ng Malacañang na mayroon pang 60 days na imbentaryo sa suplay ng mga oil companies.
Pinuna ni Marcoleta na makalipas lamang ang dalawang linggo ay lampas na sa 120 porsiyento ang itinaas kada litro sa presyo ng diesel at gasolina.

Ayon sa ulat ng Department of Energy, nasa 32.5 milyon litro ng diesel at 23.3 milyon litro ng gasolina ang daily consumption ng bansa.
“So after two weeks, yung P55 per liter tumaas ng average na P125 (per liter), 996,348,000 liters per month ang consumption natin sa diesel, so nagkaroon ng increase ng P70 per liter, after two weeks that’s 127%,” ani Marcoleta.

Kung susumahin aniya ay nasa P2.32 bilyon kada araw ang gross income ng oil companies.

Ang presyo aniya ng gasolina, bago ang giyera ay nasa P50 lamang at naging P80 kada litro matapos ang dalawang linggo.
“So meron pong difference P30 per liter o an increase of 67%,” ani Marcoleta.

Nasa 4,521,000 barrel ng gasolina aniya ang nakokonsumo ng bansa kada buwan.

Sinabi ni Marcoleta na kung pagsasamahin ang diesel at gasolina, aabot sa P3 bilyon ang gross income kada araw ng mga kumpanya ng langis sa loob lamang ng dalawang linggo mula ng pumutok ang kaguluhan sa Middle East.