• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March, 2026

Pilipinas, bumili ng langis sa mga bansa sa Asya, iwasan ang Russia

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang gobyerno ng Pilipinas na iprayoridad ang pagbili ng langis at iba pang produktong petrolyo mula sa kalapit na ASEAN oil-exporting countries upang mabawasan ang gastos at masiguro ang matatag na suplay ng enerhiya.

Aayon kay Ordanes, dapat ikunsidera ng gobyerno ang pagbili ng langis mula sa kalapit na bansa sa Asya tulad ng Malaysia, Indonesia, at Brunei, dahil na rin sa logistical advantages nito at posibleng government to government arrangements.

“Buying from them would be cheaper because of shorter shipping routes, and there is also the possibility of countertrade or government to government deals that could stabilize supply and pricing,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Ordanes na dapat din tignan ng Pilipinas na makakuha ng suplay mula sa iba pang bansa tulad ng Canada at Mexico.

“We have good relations with Canada and Mexico, and there are many Filipino migrants there. These partnerships can help ensure diversified sources of supply,” pahayag nito.

Idinagdag pa ng mambabatas na maaari pa namang ipagpatuloy ng Pilipinas ang pagbili ng langis mula sa Saudi Arabia, dala na rin sa pagdaan ng shipments sa western ports nito na malayo sa Strait of Hormuz kaya mas malayu-layo sila sa tensiyon sa Middle East.

Iginiit naman ni Ordanes na iwasan ng Pilipinas ang pagkuha ng langis mula sa Russia.

“Buying oil from Russia would effectively mean helping finance its ongoing war against Ukraine. Hindi natin dapat suportahan ang isang digmaang nakakaapekto nang masama sa mga Pilipino sa Ukraine at sa ibang bahagi ng Europa,” pahayag pa ng mambabatas.

Malaki ang paniniwala nito na ang pagkuha ng suplay sa kalapit na bansa ay makakatulong para mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dala na rin sa tumutinding giyera sa pagitan ng Iran at US at Israel.
(Vina de Guzman)

133 dayuhan, tumalima sa 2026 Annual Report

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) na mahigit 133,000 rehistradong dayuhan na may hawak na immigrant at non-immigrant visas sa Pilipinas ang nakilahok sa taunang Annual Report ngayong taon, na isinagawa mula Enero 1 hanggang Marso 1.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, umabot sa 133,372 dayuhan ang tumalima sa mandatoryong annual reporting, bahagyang mas mababa kumpara sa humigit-kumulang 135,000 dayuhan na tumalima sa nasabing requirement noong 2025.

Sinabi ni Viado na ang bilang na ito ay katumbas ng humigit-kumulang 1.5 porsiyentong pagbaba mula sa kabuuang bilang noong nakaraang taon.

Ipinaliwanag ni Viado na ang bahagyang pagbaba sa bilang ng mga nag-report ay inaasahan, dahil ang populasyon ng mga rehistradong dayuhang naninirahan sa bansa ay natural na nagbabago taun-taon.

Dagdag pa niya, ang ganitong pagbabago ay maaaring maiugnay sa mga pandaigdigang trend, at napansin ang pagbaba ng bilang ng mga dayuhan sa bansa matapos ang pandemya.

Iniulat naman ni BI Alien Registration Division Chief Atty. Jose Carlitos Licas na ang mga Chinese nationals ang may pinakamataas na bilang ng mga nag-report na umabot sa 50,094, sinundan ng mga Indian na may 21,108, mga Amerikano na may 11,519, mga South Korean na may 6,922, at mga Taiwanese na may 6,842.

Idinagdag ni Licas na nanatiling pareho ang limang pangunahing nasyonalidad ng mga nag-report kumpara sa 2025 Annual Report.

Ayon pa sa kanya, mas dumami ngayong taon ang mga dayuhan na nagsagawa ng kanilang reporting sa pamamagitan ng online system ng Bureau at nagbayad ng kaukulang fees, habang ang iba naman ay patuloy na personal na nag-report sa mga field, extension, at satellite offices ng BI sa buong bansa.

Sinabi ng Bureau na ang virtual reporting system na bahagi ng Bagong Immigration initiatives ay nakapagpabuti sa accessibility at kaginhawaan, kaya maraming dayuhan ang nakapagsumite ng kanilang report online.

Sa ilalim ng Alien Registration Act of 1950, ang mga rehistradong dayuhan sa Pilipinas ay kinakailangang magsumite ng kanilang annual report sa Bureau sa loob ng unang 60 araw ng taon.

Nagpasalamat si Viado sa mga dayuhang sumunod sa nasabing requirement at muling iginiit ang pangako ng Bureau na patuloy na pagbutihin ang kanilang serbisyo habang pinapalakas ang monitoring sa imigrasyon sa bansa.. (Gene Adsuara)

17,000 personnel ide-deploy ng PCG sa Semana Santa

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG 17,000 Philippine Coast Guard personnel sa buong bansa ang ipapakalat para sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2026 upang masiguro ang kaligtasan at seguridad sa dagat sa gitna ng inaasahang pagdami ng mga pasahero sa dagat mula Marso 28 hanggang Abril 5, 2026.
Inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang lahat ng Coast Guard Districts, Stations, at Sub-Stations na magtaas ng alerto at palakasin ang pagbabantay sa mga passenger vessel, pantalan, at nautical highways.
Ipinag-utos din ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez na paiigtingin ng DOTr Maritime Sector ang operasyon sa pamamagitan ng mas mahigpit na inspeksyon sa mga barko, kabilang ang pre-departure inspections upang maiwasan ang overloading, at mas matibay na pagpapatupad ng maritime safety regulations. Tutulong ang PCG personnel sa DOTr upang masiguro ang maayos at ligtas na paglalakbay sa dagat ngayong Lenten season. Magkakaroon ng 24/7 monitoring sa mga passenger vessel at nautical highways, lalo na sa mga pangunahing inter-island routes sa western at eastern seaboards.
Magkakaroon din ng port inspections at passenger screening ang PCG K9 units at security teams upang maiwasan ang ilegal na aktibidad at maritime crimes. Bukod dito, ang search and rescue units, medical teams, at deployable response groups ay magbabantay upang agad tumugon sa maritime emergencies.
Makikipag-ugnayan ang PCG sa mga lokal na pamahalaan at lifeguards upang palakasin ang pagbabantay sa kaligtasan sa mga beach at maritime recreation sites. Magkakaroon ng regular na coastal at seaborne patrols upang masiguro ang presensya ng Coast Guard at mabilis na tugon sa mga insidente sa dagat. Pinapaalalahanan ang mga sea passengers na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit tulad ng flammable liquids, hazardous chemicals, fireworks, at iba pang delikadong materyales upang maiwasan ang abala sa kanilang biyahe.
Ipapatupad ng PCG ang mga hakbang na ito sa pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority at mga lokal na pamahalaan.
(Gene Adsuara)

Novak Djokovic umatras na sa pagsali sa Miami Open

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMATRAS na sa paglalaro sa Miami Open si six-time champion Novak Djokovic.

Ayon sa organizers na iniinda pa rin nito ang injury sa kaniyang kanang balikat.

Noong nakaraang taon ay umabot pa sa finals ng Miami Open ang Serbian tennis bago tinalo ni Jakub Mensik ng Czech Republic.

Huling laro nito ay sa BNP Paribas Open kung saan umabot siya ng ikaapat na round hanggang mabigo siya kay Jack Draper.

Nagwagi ang 38-anyos sa Miami Open ng limang beses mula 2011 hanggang 2016 kung saan dito ay tinalo niya sina Andy Murray at Rafael Nadal.

Alex Eala at Erik Spoelstra muling nagkita

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MASAYANG ibinahagi ni Pinay tennis star Alex Eala ang muling pagkikita nila ni Miami Heat head coach Erik Spoelstra.

Huling nagkita ang dalawa ay noong tatlong taon ang nakaraan.

Makikita na masayang nagkuwentuhan ang 20-anyos na si Eala at ang Filipino American head coach.

Makikita rin na kasama ni Alex si Heat star Bam Adebayo.
Nakatakdang sumabak si Eala sa Miami Open matapos na makamit ang bagong career high ranking na world number 29.
Susunod na makakaharap nito ang sinumang manalo sa pagitan nina Laura Siegemund at Petra Marcinko sa second round.

PBBM, sa pagsuspinde ng oil excise tax: depende sa trends ng presyo ng langis

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na depende sa magiging trends o takbo ng presyo ng langis ang pagpapatupad ng emergency power para pansamantalang suspendihin o bawasan ang oil excise tax.
“That depends… Marami, that’s a very complicated calculation… We will see. Depends on the trends. We have to watch the trends on oil prices. We just have to look. It’s very hard to say because it’s all speculation. We don’t know how long this will last for,” ang sinabi ng Pangulo sa isang ambush interview matapos ang Special Joint Price and Supply Monitoring ng Trade and Industry Department at ng Department of Agriculture sa Agora Market at Puregold Agora sa 1 N. Domingo cornerF. Blumentritt, Lungsod ng San Juan, araw ng Miyerkules.
“We don’t know what the effects are. We don’t know what will happen in the Strait of Hormuz. So, you know, right now, we are just adjusting to the situation. And when the situation calls for it, then we will see when to exercise that power and by how much,” aniya pa rin.
Sa ulat, nagbabala ang military command ng Iran na maaaring umabot ang presyo ng langis sa USD$200 per barrel.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang rutang dinadaanan ng supply ng langis sa buong mundo kung saan dumaraan ang malaking shipment lines at kalakaran ng produktong petrolyo mula sa Middle East patungo sa iba’t ibang bansa.
Samantala, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Marcos na suspendihin o bawasan ang excise tax sa langis.
Sa botong 17-0 inaprubahan ang Senate Bill 1982
Sa ilalim ng panukalang batas, mabibigyan ng agarang ginhawa ang mga Pinoy sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Batay sa panukalang batas, puwedeng suspendihin o bawasan ng pangulo ang buwis sa langis kapag lumagpas sa eighty dollars per barrel ang presyo ng Dubai Crude Oil.
Magiging pansamantala lamang ang hakbang at awtomatikong babalik ang buwis kapag naging normal na ang sitwasyon at ang suplay ng produktong petrolyo. ( Daris Jose)

Pagdeklara ng State of Emergency ni PBBM, posible-Malakanyang

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

POSIBLENG magdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr ng state of emergency kapag sumirit ang presyo ng mga pangunahing bilihin bunsod ng tumataas na presyo ng langis.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace press officer Claire Castro na hindi pa nagdedeklara ang Pangulo ng price freeze simula nang mag-usap ang trade department at stakeholders ukol sa presyo ng mga pangunahing billihin
“Pwedeng mangyari ‘yan katulad nangyari doon sa bagyo, lindol. Hindi pa napag-uusapan sa ngayon pero maaaring magdeklara kapag nagkataptton, kapag tama na ang sitwasyon. Kapag nakita naman natin na umaabuso lang,” ayon kay Castro.
“Hindi maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng fuel dahil sa tuloy-tuloy na nangyayari sa Middle East so titignan natin kung ‘yung pagtaas ba ng presyo ng basic commodities ay dapat,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, hindi pa napag-uusapan ang panukala na posibleng umento sa sahod.
Kinumpirma rin ni Castro na ang pagtapyas sa fuel excise taxes ay mapakikinabangan ng middle class at mga mayayaman.
“I-appreciate na natin kasi hindi pwedeng mamili lang tayo. Pati ‘yung middle class, pati ‘yung nakakaangat sa buhay kailangan din nila ng tulong sa gobyerno.”
Nauna rito, kapwa nagbabala sina Economist Winnie Monsod at Prof. Mon Abrea na ang pagtapyas sa fuel excise taxes ay maaaring mauwi sa pagtaas ng national debt dahil sa paghiram ng gobyerno upang tapalan ang pagtapyas sa revenues para tustusan ang budget.
Ang panukala naman nina Monsod at IBON Foundation executive director Sonny Africa ay buwisan ang ‘wealthiest individuals’ sa bansa, sabay sabing ang 15 wealthiest Filipino ay may pinagsamang yaman na 2.6 trillion piso. ( Daris Jose)

COMELEC NILINIS SI SEN. MARCOLETA SA KASONG PAGLABAG SA HALALAN KAUGNAY NG SOCE

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NILINIS ng Commission on Elections (Comelec) En Banc si Senador Rodante Marcoleta sa mga kasong paglabag sa halalan kaugnay ng kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Ito ay matapos pagtibayin ng en banc, sa kanilang sesyon noong Miyerkules, ang rekomendasyon ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) na itigil na ang imbestigasyon dahil “wala nang ibang ebidensya na magpapatunay na ang respondent ay nakagawa ng anumang election offense.”
Ayon sa Commission, matapos ang masusing pagtalakay ay nagpasya, at dito ay ipinapasyang tandaan ang mga natuklasan ng Political Finance and Affairs Department kaugnay ng Fact-Finding Investigation Case No. 2025-032,” ayon sa pitong-pahinang desisyon.
Gayunpaman, inirekomenda ng Comelec na magsampa ng kaso ng paglabag sa eleksyon laban sa mga nagbigay ng kontribusyon kay Marcoleta, sina Michael Tan Defensor, Joseph Varias Espiritu, at Aristotle Baluyut Viray, dahil sa kanilang di umano’y hindi pagsumite ng kanilang indibidwal na ulat ng kontribusyon sa loob ng 30 araw matapos ang eleksyon.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos sabihin ni Marcoleta na hindi niya idineklara ang mga kontribusyon sa kanyang SOCE dahil humiling ang mga nagbigay na manatiling lihim ang kanilang pagkakakilanlan.
Kinumpirma rin ng kanyang kampo ni Marcoleta sa position paper na isinumite noong Enero 6 ,2026 na tumanggap siya ng kabuuang P75 milyon mula s a tatlong indibidwal ideal sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon ngunit natanggap ito mahigit isang buwan bago magsimula ang opisyal na campaign period.
Dahil hindi pa siya itinuturing na kandidato noong panahon ng pagtanggap ng mga kontribusyon hindi ito maituturing na ginawa upang impluwensyahan ang resulta ng eleksyon.

Sa SOCE ni Marcoleta, nagastos niya ang halagang P139.9 milyon para sa kanyang kampanya, na mas mataas sa kanyang idineklarang net worth na P51,965,559.
Muling binigyang-diin ni Chairman George Erwin Garcia na ayon sa batas , lahat ng kontribusyon at gastusin na may kaugnayan sa eleksyon ay dapat iulat at magsumite ng kumpleto,totoo at detalyadong ulat .
(Gene Adsuara)

Mabilisang koordinasyon ikinasa upang tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATUON ang Malakanyang sa mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan, lalo na’t tumataas ang presyo ng langis dahil sa kaguluhan sa Middle East.
At upang matiyak na maibsan ang bigat na dulot nito, pinulong ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan noong Marso 16, 2026 upang pag-planuhan ang mga hakbang na susuporta sa mga pinakaapektadong pagtaas ng presyo ng langis. Kasama rito ang mga driver, commuter, manggagawa, estudyante, magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang Pilipino.
Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inatasan ni Recto ang Department of Budget and Management na agad na ilabas ang pondo para sa financial assistance sa transport drivers sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development.
Kasabay nito, inatasan din ang Department of Transportation na pabilisin at palawakin ang mga relief measure tulad ng Libreng Sakay program upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng krudo sa mga commuter at iba pang apektadong pasahero.
Isinusulong din ang iba pang hakbang tulad ng pagbibigay ng toll fee discounts para sa mga public utility vehicle at pagbabawas sa piling aviation charges para makatulong sa pagpapababa ng gastusin at posibleng pamasahe sa eroplano.
Samantala, pinakikilos ang Department of Agriculture upang mapanatiling matatag ang presyo ng mga pagkain at masigurong sapat ang suplay nito, lalo na ng bigas, habang pinalalawak ang suporta para sa mga magsasaka.
Kasama sa pagpupulong sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, DOTr Secretary Giovanni Lopez, DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., at DBM Secretary Rolando Toledo.
( Daris Jose)

Sinuspinde muna ni PBBM: Fare hike na ikakasa, naudlot

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINUSPINDE ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nakatakda sanang ikasa ngayong Huwebes, Marso 19 na taas pasahe sa mga pampasaherong sasakyan matapos aprubahan ng Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), kamakalawa.

Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi napapanahon ang magtaas ng pamasahe para sa mga mamamayan.
“Magandang araw po sa ating mga minamahal na kababayan. Alam niyo po paggising ko kaninang umaga nakita ko ‘yung mga headline at ang pinag-uusapan ay yung naaprubahang fare hike para sa ating mga nagpapasada. Sa aking palagay dahil nga eh may problema pa rin tayo dahil sa giyera sa Middle East ay sabi ko siguro hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Kaya’t inutos ko sa Department of Transportation (DOTr) na suspendihin muna ang fare hike at i-defer muna natin yan. I-postponan muna natin ‘yan dahil eh nasa gitna ngayon tayo nitong ah sitwasyon na ito na kailangan ay patuloy ang ating pag-alalay sa ating mga ah commuter, sa lahat ng mga ating manggagawa kung estudyante lahat ng gumagamit ng ating transport system,” aniya pa rin.
Magkagayon man, hindi dapat mag-alala ang mga transport workers dahil mamadaliin naman nial at dadagdagan ang suporta para sa mga ito para naman hindi aniya masyadong mahirapan ang mga ito.
“Ang DOTR ang inutusan ko na ah sisimulan na ang libreng sakay sa buong Pilipinas at ah pwede na pwede po ninyong gamitin muna yan para pangbawas gastos sa pang-araw-araw,” aniya pa rin.
Winika pa ng Pangulo na sa MRT at LRT ay magpapatupad ng diskwento sa pamasahe.
“Bukod pa doon sa mga toll road ay meron din tayong inutos na diskwento para mas maliit na ngayon ang bayad ng taong bayan sa paggamit ng mga toll road,” ang sinabi ng Pangulo.
“Kahit na may malaking gulo na nangyayari ay basta’t kaunti lang ang mararamdaman o sana man kung kaya naming gawin sana walang mararamdaman ng ating taong bayan sa kanilang araw-araw na pagtrabaho sa ating mga estudyante na araw-araw pumapasok alalahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay laging nandito,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Binigyang diin ng Pangulo na lagi silang nag-iisip ng panibagong paraan upang matiyak na ang inyong pamumuhay ay normal, maayos at ligtas.
Nauna rito, sinabi ni LTFRB chairman Vigor Mendoza na epektibo sa araw ng Huwebes, Marso 19 tataas ng piso ang pamasahe sa traditional jeepneys. Ang kasalukuyang P13 minimum fare ay magiging P14 na. May dagdag 20 sentimo naman sa kada susunod na kilometro.
Samantala, nasa P2 ang itataas sa minimum na pasahe sa modern jeepneys o mula sa P15, magiging P17 at 10 sentimo sa kada susunod na kilometro.
Para sa airport taxis, inaprubahan din ng LTFRB ang P40 increase sa flag-down rate. Mula sa P75, magiging P115. Wala namang pagtataas sa susunod na 300 meters at two-minute wai­ting time charge.
Para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS), inaprubahan ang P20 increase at P15 pick-up fare per kilometer. Dahil dito, ang base fare sa TNVS sedan ay magiging P65 mula P45; P75 mula sa dating P55 sa AUVs; P55 sa dating P35 na hatchback at P165 mula P145 sa premium TNVS. Wala namang increase sa per kilometer at per minute travel time sa TNVS.
Inanunsyo rin ni Mendoza ang P2 increase sa minimum fare sa Metro Manila at city ordinary buses. Mula P13, magi­ging P15 ang unang five kilometers, at .24 sentimo sa mga susunod na kilometro.
Sa aircon buses sa MM at city operations, P3 ang increase o mula P15 ay magiging P18 sa unang five kilometer at 33 centavos increase sa kada susunod na kilometro.
Para sa ordinary ­buses na may provincial operations, P1 sa unang five kilometers at 30 sentimo sa kada susunod na kilometro.
Para sa ordinary ­taxis at UV Express, sinabi ni Mendoza na inaaral pa ang kanilang apela dahil kahahain lamang ng petisyon. ( Daris Jose)