• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December, 2025

Audio Visual Room at Green House Facilities ipinagkaloob ni Kgg. Nelson Licup- SLSU Tiaong Campus

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISANG pilantropo ang nagkaloob sa pasilidad ng Audio Visual Room at Green House Facilities sa tulong ni Ginoong Nelson Licup at Pamilya nito kasama ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry o FFCCCII at Filipino Chinese Chamber of Commerce Candelaria Chapter ay naisakatuparan ang proyekto para sa mga mag-aaral ng Southern Luzon State University Tiaong Campus.

Ito ay ginanap noong ika -15 ng Disyembre, 2025, sa ganap na ika 3:00 ng hapon sa SLSU Tiaong, Barangay Lagalag, Tiaong Quezon

Ang nasabing programa ay pinamunuan ni Dr. Frederick Villa, SLSU University President katuwang si Bb. Alma Caringal, SLSU Tiaong Campus Director.

Dumalo sa nasabing seremonya ang Pamahalaan Bayan ng Tiaong sa Pangunguna ni Admin Diego Mea bilang kinatawan ng Punong Bayan nito na si Mayor Arjay Mea, kasama ang Sangguniang Bayan nito sa Pamumuno ni Vice Mayor William Razon, Konsehal Recrec Baldeo, Konsehala Maja Escueta at Konsehal Jonas Atienza.

Layunin nito ay suportahan ang mga mag-aaral para sa kanilang ibat ibang mga aktibidad para sa akademiko sa kanilang paaralan.

Ayon kay Ginoong Licup para sa mga mag-aaral ng SLSU , ” sa masigasig na mag-aaral ng SLSU, nandigan kami na hindi namin kayo pababayaan, at hindi kami papayag na ang inyong kinabukasan ay mananakaw ng katiwalaan,” ito ang isa sa mga mensahe ng nasabing pilantropo sa mga kasalukuyan mag-aaral na nagsisikap na makatapos ng pag-aaral.
( Boy Morales Sr.)

Panayam at Kortesiya kay Mayor Alfred Pujeda ng General Nakar Quezon

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGING mainit ang pagtanggap ng Pamahalaang Bayan ng General Nakar sa mga mamamahayag na bumisita, nagkortesiya at panayam na pinaunlakan ng butihing Bagong Punong Bayan na si Mayor Alfredo J. Pujeda.

Ayon sa kanya, ang prayoridad niya mula noong kumandidato siya ay ang edukasyon, imprastraktura at mga pangunahing pangangailangan ng kanyang kababayan tulad ng hanapbuhay, pagkain, tahanan, kalsada at kuryente para sa ikakabuti ng kanyang mamamayan.
Mariin din niyang kinondena ang DepEd at ang National Irrigation Agency para sa kanilang mga programa dahil sa walang nakakarating na tulong sa kanilang Bayan, hinaing niya na dapat bisitahin ang kalagayan ng mga eskwelahan sa kanilang Bayan, dahil halos lahat ng gusali ng paaralan nila at may sira ang bubong at walang maayos na palikuran.
Kaya’t panawagan niya sa Department of Education na imbestigahan at aksyunan ang mga paaralan na hanggang sa kasalukuyan ay di pa nakukumpuni o nadaragdagan ng mga upuan at mga silid, kalimitan pa ay nagsisiksikan ang mga estudyante sa iisang silid lamang.

Gayundin sa Irrigation nawa’y mabisita nila ang sitwasyon ng irigasyon sa kanilang bayan, para sa agarang solusyon sa patubig sa nasabing bayan.

Mensahe ni Mayor Fred Pujeda para sa kanyang mga kabababayan ngayon Pasko. “Isang malaking prebilihiyo na ibinigay sa atin ng Panginoon, nawa’y maging malusog at magsikap tayo, maghanapbuhay, kaya natin ito.”
(Boy Morales Sr.)

Net trust rating ni PBBM, bumaba sa -3%; VP Sara, sumipa sa 31%

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DUMAUSDOS sa -3% ang net trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang gumanda at bumuti naman ang net trust rating ni Vice President Sara Duterte matapos makahamig ito ng 31% sa gitna ng masusing imbestigasyon ng gobyerno sa di umano’y maanomalyang flood control projects.
Ito ang makikita sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong November 24 hanggang 30 at kinumpirma ng SWS, araw ng Biyernes.
Makikita sa survey na nakakuha si Pangulong Marcos ng 38% ‘much trust rating’ kumpara sa 41% na ‘little trust’ sa kanya.
Sa kabilang dako, nakakuha naman si VP Sara ng 56% na ‘much trust score’ laban sa 26% na mayroong ‘little trust’ sa kanya.
Ang -3% net trust rating ni Pangulong Marcos para sa November 2025 ay mas mababa kaysa sa kanyang October 2025 net trust rating na 7%.
Ang November 2025 net trust rating naman ni VP Sara ay mas mataas kaysa sa kanyang net trust rating na 25% noong nakaraang Oktubre.
Ang Trust na pinakamataas para kay Pangulong Marcos ay sa Balance Luzon (mga lugar sa labas ng Metro Manila sa Luzon) na may +18.
Gayunman, kahit saan pa, nakapagrehistro si Pangulong Marcos ng negative ratings na -37 sa Mindanao, -7 sa Visayas, at -8 sa National Capital Region (NCR).
Para naman kay VP Sara, ang ‘trust’ ang pinakamalakas sa Mindanao na amy +74, sinundan ng +43 sa Visayas, at +12 sa Balance Luzon. Ang kanyang weakest mark ay sa NCR na may +2, bagaman nananatiling positibong rating.
Ang poll na kinomisyon ng Stratbase Consultancy ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa buong bansa na may 1,200 adults na may edad na 18 taong gulang pataas.
Kabilang sa 1,200 respondents ang 300 indibidwal mula sa Metro Manila, 300 indibidwal mula sa Balance Luzon, 300 indibidwal mula Visayas, at 300 indibidwal mula sa Mindanao.
Ang sampling error margins ay ±3% for national percentages at ±6% sa bawat, para sa sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
“Given a sponsor-authorized release of commissioned survey items, SWS is disclosing pertinent survey results and technical details for the benefit of the public,” ayon sa kalatas ng SWS.
“The area estimates were weighted by the Philippine Statistics Authority (PSA) medium-population projections for 2025 to obtain the national estimates,” ayon sa ulat.

Pagbibitiw sa puwesto ni Comm. Fajardo sa ICI, hindi makaaapekto sa imbestigasyon ng komisyon sa maanomalyang flood control projects- Malakanyang

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINDI magtatapos sa naging pagbibitiw sa puwesto ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) commissioner Rosana Fajardo ang ginagawang pag-iimbestiga ng komisyon hinggil sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakompleto na ni Fajardo ang ‘specific task’ na hiniling sa kanya na kanyang gampanan kaya’t hindi dapat pagtakhan ng publiko kung magbitiw si Fajardo sa kanyang puwesto.
“Kinilala ng administrasyon ang napakahalagang papel na ginampanan ni ICI Comm. Rosanna Fajardo para makalikom, maaral at ma-assess ng mahahalagang ebidensya upang mapanagot ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects,” ayon kay Castro.
“She has already accomplished her tasks based on her mandate. Ngunit patuloy pa rin ang pag iimbestiga kasama ang iba pang investigating bodies. Hindi pa tapos ang laban ng administrasyon kontra korapsyon,” ang diing pahayag ni Castro.
Para naman kay PCO Acting Secretary Dave Gomez, isinama si Fajardo sa ICI para sa isang malinaw na financial forensic purpose- masusing rerebisahin ang pera na iniuugnay sa mga proyekto na sumasailalim sa imbestigasyon at tumutulong sa pagsubaybay kung saan napunta ang public funds.
“That work is now finished. Her full findings will form part of the ICI’s recommendations to the Ombudsman and will also be turned over to the proper government offices, including the Commission on Audit, so the process can move forward,” ayon kay Gomez.
Ang papel aniya ni Fajardo ay “always meant to be temporary and focused only on this mandate. As the Commission continues its work in the coming months, the focus is now on final reports and the proper handover of documents to offices like the Office of the Ombudsman for the next steps.”
Samantala, pinasalamatan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos si Fajardo para sa kanyang serbisyo at pagtulong para ang public funds ay ‘properly accounted for.’
“This forms part of the broader effort to make the government more honest, more transparent, and more responsive to the needs of the people,’ ani Gomez.
(Daris Jose)

Tiangco, nagbigay ng family food packs at tulong pinansyal sa mga nasunugan

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco at Vice Mayor Tito Sanchez ang pamamahagi ng noche buena family food packs at pinansyal na tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay Tanza 2 na kasalukuyang nasa evacuation center sa Tanza National High School. (Richard Mesa)

REP. TIANGCO: ‘NON-NEGOTIABLE’ BAGO ANG BOTOHAN SA 2026 GAA

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA si Navotas City Representative Toby Tiangco na bago ang Disyembre 29 vote sa iminungkahing 2026 General Appropriations Act (GAA) na ang buong budget allocations is non-negotiable.
Sinabi ni Tiangco na ang House of Representatives ay dapat maglabas ng detalyadong impormasyon kung paano ibinabahagi ang mga pondo sa bawat distrito ng kongreso at bawat party-list bago bumoto ang mga mambabatas sa pambansang badyet.
“Dapat ipost na sa website ng Congress ang per district at per party-list DPWH allocations para sa proposed 2026 GAA bago ang botohan sa December 29. Full disclosure is non-negotiable,” pahayag ni Tiangco.
“Since October 13 ko pa hinihingi ito. Tapos na ang bicam, kailangan ipakita ang resulta,” dagdag niya.
Nagbabala siya na kung walang pagsisiwalat, walang paraan ang mga mambabatas para beripikahin kung ang ilang distrito o party-list group ay nakatanggap ng disproportionate budget increases.
“Kapag hindi ito inilabas, mahirap magbigay ng boto dahil walang paraan para ma-check kung may mga distrito o party-list na lumobo ang budget. Dapat siguraduhin na hindi na maulit ang nangyari sa 2025 GAA, na may mga distrito na biglang lumobo ang budget dahil pinasukan ng pondo na hindi alam ng district representative,” giit ni Tiangco.
Binanggit din niya ang kakulangan ng transparency sa mga alokasyon ng party-list noong nakaraang badget cycle, na binanggit na walang malinaw na paraan upang matukoy kung magkano ang pondo na natanggap ng bawat grupo.
“Walang malinaw na paraan para malaman kung magkano ang budget ng bawat party-list. Hindi na dapat maulit ang nangyari sa Tingog, Ako Bicol, at BHW na napakalaki ng mga budget sa bicam. Tingog topped the list with P5.96 billion, followed by Ako Bicol with P2.295 billion and BHW with P2.064 billion. Paano natin masisigurado na hindi na ito mangyayari kung hindi ilalabas ang listahan?” dagdag niya.
Binigyang-diin niya ang agarang pangangailangang ilathala hindi lamang ang pagkasira ng mga alokasyon bawat distrito at party-list, kundi pati na rin ang mga partikular na programa at proyekto kung saan sa huli ay ipapamahagi ang mga pondong ito.
“Importante na alam ng mga mamamayan kung magkano ang budget ng kanilang distrito at kung sinu-sino ang proponent ng mga proyektong ito. Kung walang itinatago, ilabas nila ang listahan. Kung ayaw ilabas, natural lang na isipin na may tinatago,” aniya.
Ayon kay Tiangco, ang ganap na pagsisiwalat sa publiko bago ang botohan ay mahalaga upang matiyak ang pananagutan, matalinong paggawa ng desisyon, at tiwala ng publiko sa paghawak ng Kongreso sa pambansang badyet.
“Kailangan mailabas ito para maiwasan ang substandard at ghost projects, dahil alam ng mga mamamayan ang mga proyekto sa kanilang lugar,” pagwawakas niya. (Richard Mesa)

Mas marami pang personalidad sa flood control mess ang makukulong ngayong Bagong Taon- PCO

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MARAMI PANG indibidwal ang inaasahang mapananagot ngayong Bagong Taon, habang gumugulong at nagpapatuloy ang imbestigasyon ukol sa flood control anomaly.
Ito’y matapos na kilalanin at tanggapin ng ilang quarters ang controversial contractor couple na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya, bilang mga “bagong Napoles.”
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na ang ‘unexplained wealth’ ng Discaya couple ay “ten times” na mas malaki kaysa sa ill-gotten wealth ng mga Napoles.
Sinabi ni Gomez na ang mga sangkot sa flood control mess ay mabilis na napanagot, idagdag pa na ang mga Discaya ay nag-Pasko sa kulungan.
“The flood control investigation does not end on Dec. 25. It’s only been a little over four months,” ayon kay Gomez.
“The Napoles probe took almost a year before people were sent to jail. There will surely be more thrown behind bars in the New Year,”aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang laban ng administrasyong Marcos kontra korapsyon ay “far from over.”
Ang lahat aniya ng kaugnay at makabuluhan na investigative bodies, kabilang na ang Independent Commission for Infrastructure, ay nagtatrabaho para makapangalap ng ebidensiya upang ang mga culprits o salarin ay mapanagot para sa kanilang ilegal na gawain.
“Rule of law should always be observed, and mere hearsay evidence is generally inadmissible and has no room to be entertained,” ang winika ni Castro.
“President Marcos, Jr. is clear in his pronouncement, ‘Managot ang lahat ng dapat managot ,’ whether they are relatives, friends, and allies,” aniya pa rin.
(Daris Jose)

Mister na akusado sa statutory rape sa Valenzuela, isinelda

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAGPA-PASKO sa loob ng selda ang isang mister na wanted sa kaso ng statutory rape matapos masakote ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, may warrant of arrest na inilabas ang Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 172, noong December 12, 2025 para sa kasong Statutory Rape laban sa 45-anyos na akusado.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Malinta Police Sub-station 4 hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad nilang ikinasa ang operation laban dito.

Dakong alas-2:00 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga tauhan ng SS4 ang akusado sa kahabaan ng Salambao Street, Barangay Wawang Pulo.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi ng pulisya ang warrant na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang Valenzuela CPS sa kanilang pagsisikap sa paghahanap ng mga taong wanted para mapanagot sa nagawa nilang kasalanan at mabigyan ng hustisya ang kanilang mga naging biktima. (Richard Mesa)

2 grupong nagrambulan sa kalsada, viral sa social media, 6 timbog

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TIMBOG ang anim na kalalakihan matapos magrambulan makaraang mabilis na kumalat sa social media ang video ng pangyayari sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni P/Col Joseph Talento, hepe ng Valenzuela City Police Station (VCPS) ang mga dinakip na sina “Jonathan”, 26, “George”, 30, “Mark”, 31, “Ariel”, 29, “Mark”, 33, at “Bernard”, 32.

Ayon kay P/Cpt. Jhonnie Beltran, Sub-Station 3 commander, ang unang grupo ay tatlong lalaking sakay ng isang SUV na pawang mga empleyado ng isang Gay bar habang ang ikalawang grupo ay tatlong lalaki rin na sakay naman ng motorsiklo na aniya’y aminadong nakainom ang anim na mga sangkot.

Lumabas sa imbestigasyon, nagkagitgitan umano ang dalawang grupo sa Mac Arthur Highway, BBB, Brgy., Marulas hanggang sa babaan ng mga nasa SUV ang mga sakay ng motorsiklo at nang magpang-abot ay nagsapakan ang mga ito.

Sa presinto, nagkaayos ang dalawang grupo at nagkasundong hindi na magsasampa ng reklamo ang magkabilang panig.

Gayunman, nasa kustodiya ng VCPS ang anim na arestado na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 (Alarms and Scandal) ng RPC, at karagdagang RA 10054 (Motorcycle Helmet Act of 2009) sa grupo ng mga sakay ng motorsiklo.

“Huwag magmamaneho kung nakainom at maging mahinahon sa kalsada.” paalala ni Col. Talento. (Richard Mesa)

LTO NAGLABAS NG SCO KAUGNAY NG VIRAL NA HIT-AND-RUN NA KINASANGKUTAN NG ISANG TOYOTA CAMRY

Posted on: December 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAGPAPALIWANAG ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari at driver ng isang Toyota Camry, na nasangkot sa viral video na nagpapakita ng hinihinalang hit-and-run incident.

Batay sa video, makikita ang Toyota Camry na bumibiyahe sa kalsada kung saan nasagi ng isang motorsiklo ang hulihang bahagi ng sasakyan. Dahil sa insidente, nawalan ng kontrol ang motorsiklo na naging sanhi ng pagbagsak sa kalsada ng driver at ang nakaangkas na pasahero nito. Makaraang mangyari ito, patuloy na umabante ang sasakyang nakasagi papalayo mula sa pinangyarihan ng insidente.

Dahil dito, inatasan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang nakarehistrong may-ari at ang itinalagang driver ng Toyota Camry, na personal na humarap sa LTO- Intelligence and Investigation Division (IID) sa East Avenue, Quezon City, sa ika-6 ng Enero 2026 (Martes).

Inaatasan silang magsumite ng kanilang sinumpaang komento o paliwanag kung bakit hindi dapat managot sa kasong administratibo ang driver ng naturang sasakyan dahil sa Reckless Driving, at kung bakit hindi dapat bawiin o suspendihin ang kaniyang lisensya dahil sa pagiging isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, ipinag-utos ni Asec. Lacanilao na isasailalim sa preventive suspension sa loob ng siyamnapung (90) araw ang lisensya ng drayber. Inaatasan din siyang isuko ang kanyang driver’s license sa mismong petsa ng itinakdang pagdinig. Inilagay din sa ilalim ng alarm ang Toyota Camry habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Binigyang-diin ni LTO Chief Lacanilao na ang kabiguang humarap at magsumite ng kinakailangang beripikado o sinumpaang paliwanag ay ituturing bilang pagtalikod sa karapatang marinig, at ang kaso ay papasyahan batay sa mga ebidensiyang nasa talaan ng LTO.

Muling iginiit ni Asec. Lacanilao na mahigpit ang alituntunin ng LTO sa pagtitiyak ng kaligtasan sa kalsada at sa pananagutan ng mga motorista sa paglabag sa mga batas trapiko, lalo na kung nalalagay sa panganib ang buhay ng publiko at mga kapwa motorista sa lansangan. (PAUL JOHN REYES)