Mister na akusado sa statutory rape sa Valenzuela, isinelda
- Published on December 27, 2025
- by @peoplesbalita
MAGPA-PASKO sa loob ng selda ang isang mister na wanted sa kaso ng statutory rape matapos masakote ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, may warrant of arrest na inilabas ang Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 172, noong December 12, 2025 para sa kasong Statutory Rape laban sa 45-anyos na akusado.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Malinta Police Sub-station 4 hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad nilang ikinasa ang operation laban dito.
Dakong alas-2:00 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga tauhan ng SS4 ang akusado sa kahabaan ng Salambao Street, Barangay Wawang Pulo.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi ng pulisya ang warrant na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang Valenzuela CPS sa kanilang pagsisikap sa paghahanap ng mga taong wanted para mapanagot sa nagawa nilang kasalanan at mabigyan ng hustisya ang kanilang mga naging biktima. (Richard Mesa)