• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, suportado ang panawagan ng Korte Suprema sa Kongreso na ipasa na ang Anti-Dynasty Law

NAGPAHAYAG ng pagsuporta si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa panawagan ng Korte Suprema na pagtibayin ang batas na nagbabawal sa political dynasty.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang anti-political dynasty bill ay nananatiling isa sa priority measures ng administrasyon.

Binigyang diin ni Castro na nais ng Pangulo na maipasa ang batas sa panahon ng kanyang panunungkulan.

“Alam na po natin na ito po ang isa sa mga priority bills ng Pangulo. Talagang ito po ay pinamamadali niya at gusto po niya hangga’t maaari sa panahon po niya ay maipasa ang anti-political dynasty law,” ayon kay Castro.

“So, tama po na sang-ayon ang Pangulo sa desisyon po ng Supreme Court na dapat pong magkaroon ng batas patungkol sa political dynasty,’ aniya pa rin.

At nang tanungin kung ‘satisfied’ ba ang Malakanyang sa progreso ng panukalang batas, partikular na ang Senado, sinabi ni Castro na ang timeline para sa pagpapasa nito ay nasa kamay na ng Kongreso.

Sinabi nito na hindi dapat sisihin ang mga mambabatas sa pagkakaantala ng pagpapasa ng nasabing panukalang batas, kinilala na ang mga ito ay maraming responsibilidad at legislative priorities na dapat gawin.

“Ang nais lang ipaalam ng Pangulo ay gusto po niya itong maipasa,” ang winika ni Castro.

Gayunman, sinabi ni Castro na aware naman ang mga mambabatas sa posisyon ng Korte Suprema at nais din na maisabatas ang anti-political dynasty law.

“Pero still, lumabas naman din po ang desisyon ng Supreme Court, alam din po nila, gusto din po naman nila na magkaroon po talaga ng anti-political dynasty law,” ang pahayag ni Castro.

Nauna rito, inatasan ng Korte Suprema ang Kongreso na tuparin ang mandato ng 1987 Constitution at magpasa na ng batas na nagbabawal sa political dynasties matapos ang 39 taong kawalan ng enabling law.

Sa desisyong inilabas nitong Miyerkules, Setyembre 16, sinabi ng Supreme Court en banc na grave abuse of discretion ang matagal na kabiguan ng Kongreso na magpatupad ng batas alinsunod sa Article II, Section 26 ng Konstitusyon.

“The Congress of the Philippines must henceforth, and with utmost urgency, enact the appropriate anti-political dynasty law at the earliest opportunity,” ayon sa Korte.

Nakasaad sa naturang probisyon na dapat tiyakin ng Estado ang pantay na pagkakataon sa public service at ipagbawal ang political dynasties “as may be defined by law.”

Nilinaw ng SC na ang pariralang ito ay nagbibigay sa Kongreso ng kapangyarihang tukuyin kung ano ang maituturing na political dynasty at saklaw ng pagbabawal, ngunit hindi nito binibigyan ang mga mambabatas ng opsyong huwag magpasa ng batas.

Sinabi rin ng Korte na bagama’t walang itinakdang deadline ang Konstitusyon, hindi maaaring ipagpaliban nang walang hanggan ng Kongreso ang nasabing tungkulin.

Nauna nang umusad sa Kamara ang panukalang Anti-Political Dynasty Act, habang nananatiling hinihintay ang kaukulang aksyon sa Senado. 

(DARIS JOSE)