• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December, 2025

Ray Parks Jr., balik Osaka Evessa kasunod ng Gold Medal sa 2025 SEA Games

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Balik Osaka Evessa si Ray Parks Jr. matapos mabulsa ang gold medal sa 33rd Southeast Asian Games.

Sa kabila ng pagod, nakapagtala si Parks ng 16 points, dalawang rebounds, isang assist, at isang steal sa kanilang 75-73 pagkatalo laban sa Sendai 89ers, na nagdulot sa Osaka ng 10-15 record.

Samantala, si Francis Lopez ng Nagoya Fighting Eagles ay nag-ambag naman ng 15 points at anim na rebounds upang tulungan ang Nagoya sa kanilang 87-83 panalo laban sa Nagoya Diamond Dolphins, na nagpaangat sa kanilang record sa 11-14.

Sa kabilang banda, nagkaproblema naman ang mga Filipino players ng Yokohama B-Corsairs, kung saan natalo sila sa Saga Ballooners, 90-74. Si Kiefer Ravena ay nagtala ng 11 points, apat na assists, at tatlong rebounds ngunit hindi ito nakaligtas sa pagkatalo na nagbaba sa kanilang record na 9-18.
Habang si AJ Edu ng Gunma Crane Thunders ay nag-ambag ng 9 points at 8 rebounds ngunit hindi sapat upang maiwasan ang 83-76 pagkatalo laban sa Hiroshima Dragonflies, na nagbaba sa kanilang rekord na 16-9.

Si Dwight Ramos, kasama sa Gilas core, ay nagambag ng 8 points at 2 rebounds sa kabila ng pagkatalo ng Levanga Hokkaido sa Alvark Tokyo, 84-80, na nagbaba sa kanilang season record sa 19-6.

POC kuntento sa naging performance ng atleta ng bansa sa SEA Games

MASAYA na rin Philippine Olympic Committee (POC) sa naging resulta ng performance ng Pilipinas sa katatapos na 33rd Southeast Asian Games.

Ayon kay POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, na kahit na hindi nahigitan ang nagdaang medalyang nakamit at ang pagbaba ng ranking na mula sa pang-lima ay naging pang-anim na ngayong taon ay kuntento naman sila.

Sa pagtatapos kasi ng torneo nitong gabi ng Sabado ay mayroong nahakot na 50 gintong medalya, 73 silver at 154 na bronze medals.

Kumpara noong dalawang taon na ginanap sa Cambodia na mayroong 58 gold, 85 silver at 117 bronze medal.
Dagdag pa ni Tolentino, na tagumpay na maituturing dahil may mga record na nabasag ang mga atleta ng bansa, tinalo din ng mga Pinoy ang mga laro ng Thais at matagumpay na naidepensa ng bansa ang sariling laro.

Magugunitang mayroon na lamang 10 bansa ang lumahok matapos ang pag-atras ng Cambodia dahil sa naging alitan nila ng Thailand sa border.

Sa pagkamatay ni Usec Cabral… Listahan ng mga project proponents, dapat na maipakita sa publiko

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

AGAD na pagkalap o pagkuha ng listahan at pagpapalabas sa publiko ito ang panawagan ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio.
Kaugnay ito sa listahan ng mga project proponents na nabuo umano ng yumaong si Undersecretary Maria Catalina Cabral sa buong mga taon ng kanyang panunungkulan sa DPWH.
Kabilang na rito ang detalyado umanong 2025 listahan ng mga proponents.
“Such lists could be crucial in establishing the circumstances surrounding Usec. Cabral’s death and identifying all individuals involved in the systematic plunder of DPWH funds,” ani Tinio.
Kailangan aniyang mai-secure ang nasabing mga dokumento bago umano ito maitago, mawala o masira at ilabas agad ito sa publiko upang masiguro na mayroong accountability at transparency sa isinasagawang imbestigasyon.
“It is true that Usec. Cabral was a key player in the massive and systematic plunder of DPWH funds. For sure, she knew a lot, could name a lot of names, and the dead tell no tales,” pahayag pa ni Tinio.
(Vina de Guzman)

Tiangco brothers, binisita ang mga nasunugan sa Navotas

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na binisita nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco para kamustahin ang kalagayan ng mga pamilyang kasalukuyang nanunuluyan sa Tanza National High School matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga kabahayan sa naganap na sunog sa Tambak 2, Brgy. Tanza 2, Navotas City. Kaagad din nagpaabot ng tulong ang magkapatid na Tiangco na mga pagkain, malinis na tubig inumin, banig at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nasunugan. (Richard Mesa)

ATONG ANG, POSIBLENG ARESTUHIN

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAY posibilidad na maaresto ang business tycoon na si Atong Ang kaugnay sa isyu o kasong kinakaharap niya sa mga nawawalang mga sabungeros.
Sa kumpirmasyon ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, pormal nang naisampa ang kaso laban kay Ang at 20 iba pang indibidwal sa ilang mga regional trial courts kaugnayan sa 10 counts of Kidnapping with Homicide at 16 counts of Kidnapping with Serious Illegal Detencion.

Ayon kay Atty. Martinez, naihain ang kaso noong Biyernes sa Lipa City, Batangas, Sta.Cruz, Laguna at San Pablo, Laguna

Ipinaliwanag ng DOJ na batay sa Revised Rules of Criminal Procedure, ang mga hukuman kung saan inihain ang mga kaso ang siyang magsusuri kung may umiiral na probable cause, batay sa mga ebidensiyang isinumite at sa resolusyon ng panel of prosecutors.

Maglalabas naman ng kaukulang warrant of arrest ang DOJ laban sa mga akusado kapag natukoy ng korte na may sapat na batayan.

Idinawit ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan si Atong Ang sa pagkawala ng mga sabungeros.

Sa resolusyon nito, natuklasan ng mga prosecutor na ang sinumpaang pag-amin ni Patidongan at kanyang kapatid na si Ellakim ay nagpatunay na si Ang ay umano’y nagsagawa ng command responsibility at aktibong panghihikayat sa mga oeprasyon ng kidnapping.
(Gene Adsuara)

Acting PNP Chief Nartatez, personal na dumalaw sa mga sugatang pulis at pinarangalan ang nasawing kasamahan sa Quezon

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINDI nag-atubiling magtungo si Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa United Candelaria Doctors Hospital sa Quezon upang personal na kamustahin ang mga sugatang pulis at magbigay ng huling paggalang sa isang kasamahang nasawi sa tungkulin. Sa gitna ng mabigat na sitwasyon, pinili niyang personal na makiramay sa kanyang mga tauhan at kanilang pamilya.

Isinagawa ang pagbisita matapos ang armadong engkuwentro noong gabi ng Disyembre 19, 2025 sa Barangay Road malapit sa Sitio Pulyok, Barangay San Isidro, Candelaria, Quezon. Habang nagsasagawa ng mobile patrol, nakasalubong ng mga pulis ang ilang armadong indibidwal sa may taniman ng saging. Isa sa mga suspek ang nagpaputok ng baril, dahilan upang ipagtanggol ng mga pulis ang kanilang sarili kung saan dalawa ang nasugatan at isa ang nasawi sa insidente.

Sa ospital, personal na iginawad ng Acting PNP Chief ang Medalya ng Sugatang Magiting at Medalya ng Kadakilaan sa mga sugatang pulis bilang pagkilala sa kanilang katapangan at sakripisyo. Tiniyak din niya na agad na naibigay ang tulong-pinansyal upang makatulong sa kanilang gamutan at paggaling.

Ang mga hakbang na ito ay sumasalamin sa isang pamumunong hindi lang nakikita sa mga talumpati, kundi nararamdaman sa mga sandaling pinakamabigat ang pinagdaraanan ng mga tauhan.

Naglaan din ng tahimik na sandali si Acting PNP Chief Nartatez upang magbigay ng huling paggalang kay Patrolman Ron Jay Chavez ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company, na idineklarang dead on arrival matapos ang engkuwentro. Sa simpleng pagpupugay, ipinakita ang paggalang at pasasalamat sa isang pulis na nag-alay ng buhay sa serbisyo.

Sa kanyang presensiya, naghatid si Acting PNP Chief Nartatez ng malinaw na mensahe: hindi nag-iisa ang mga pulis sa oras ng pagsubok. Ang bawat tapang ay kinikilala, at ang bawat sakripisyo ay pinahahalagahan.

Ang pagbisita ay paalala na ang tunay na pamumuno ay hindi lamang tungkol sa ranggo at utos, kundi sa kakayahang dumamay at tumayo kasama.
(Richard Mesa)

Recto, ipinagkibit-balikat ang PhilHealth fund complaints, nangako ng pakikipagtulungan

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Executive Secretary Ralph Recto na ganap siyang makikipagtulungan sa Office of the Ombudsman kasunod ng paghahain ng reklamo na may kaugnayan sa paglilipat ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) funds sa National Treasury.

Inihayag ito ni Recto matapos na maghain ng reklamo ang Save the Philippines Coalition ng technical malversation, plunder, at grave misconduct laban sa kanya at kay dating PhilHealth president at chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr.

Nag-ugat ang reklamo mula sa paglilipat ng P60 billion na PhilHealth reserve funds sa National Treasury sa panahon ng termino ni Recto bilang Kalihim ng Department of Finance.
“I respect every citizen’s right to seek redress before the courts and will fully cooperate with the Office of the Ombudsman during the conduct of preliminary investigation,” ang sinabi ni Recto sa mga mamamahayag sa isang text message.
Sinabi pa niya na tanggap niya ang pagkakataon na matugunan ang alegasyon na isinampa laban sa kanya at binigyang diin na mabibigyang linaw ang usapin sa pamamagitan ng tamang legal channels.
“I welcome the opportunity to clarify the issues raised by the Save the Philippines Coalition, with representation by the Office of the Solicitor General,” dagdag na wika nito.
Sa kabilang dako, sa kabila ng mga reklamo, nananatili namang naka-pokus sa kanyang tungkulin si Recto bilang Executive Secretary at hindi papayagan na madiskaril ng usapin ang kanyang trabaho sa gobyerno.
“Nevertheless, I will not get distracted by political noise. The work of improving government performance and services is my priority. I will let my lawyers address those issues,” ang sinbi ni Recto.
Samantala, Inihayag ng Supreme Court Justices na kahit pa idineklarang unconstitutional ng Supreme Court ang probisyon ng 2024 General Appropriations Act at ang memo na inilabas ng Department of Finance (DOF) na nagbigay daan sa paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa National Treasury ay walang criminal liability dito si Recto.
Ayon sa mga justice, sinunod lamang ni Recto ang atas sa kanya ng 2024 GAA na inaprubahan ng Kongreso ng ilabas nito ang DOF Circular 003-2024, kung kaya nailipat ang P60 bilyong pondo ng PhilHealth sa National Treasury noong 2024. Ang Kongreso, na may tanging kapangyarihan sa pambansang pondo, ay inatasan ang DOF, sa pamamagitan ng GAA, na ilipat ang pondo ng PhilHealth at iba pang GOCC upang mapondohan ang iba pang proyekto at programa ng gobyerno.
Sa isang press briefer na inilabas matapos ilabas ng SC ang desisyon nito na nagpapawalang-bisa sa mga probisyon ng 2024 budget law at sa DOF memo hinggil sa cash sweep ng sobrang pondo ng mga government-owned or controlled corporations (GOCCs), sinabi ni SC spokesperson Camille Ting na walang criminal liability na maaaring ikabit kay Recto, na siyang Finance secretary nang ipatupad ang naturang probisyon dahil ginawa niya in good faith ang pagpapatupad ng natulang probisyon.
Ayon sa mga eksperto, dahil sa pananaw ng mga Mahistrado na walang kriminal na pananagutan si Recto sa pag-isyu ng DOF memo, masasayang lamang ang pagod ng ilang grupo na nais na kasuhan si Recto.
“In my more than 30 years in government, this is the first case of such kind that I have confronted, and view it as part of public service,” ayon kay Recto.
(Daris Jose)

P96.5 milyong flood control project sa Davao, hindi ‘ghost’

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINDI ‘ghost’ ang kaso sa P96.5-milyong flood control project sa Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental dahil natapos nang maayos at nalapatan pa ng kaukulang mga ‘repair’ ng daanan ito ng mga bagyo.

Ito ang nakasaad sa mga dokumento, video footages at mga larawan sa ‘inspection report’ na ginawa mismo ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kasama rin ang drone footage, naipapakita rito ang concrete revetment project ay talagang naroroon sa lugar, at pinabubulaanang ang proyekto ay hindi isang “ghost project.”

Sa mga aerial ­videos na nakalap at kalakip sa DPWH inspection report kuhang-kuha ang mga “flood control structure in place.”

“Nagkaroon pa nga ng mga muling pag-aayos sa ilang bahagi nito matapos daanan ng matitinding pagbaha bunga ng malalakas na bagyo noong 2022,” anang mapapagkatiwalaang source.

Nabatid na ang pagsasaayos ng proyekto ay walang karagdagang gastos mula sa gobyerno, dahil sakop pa ito ng warranty na isinasaad ng mga batas hinggil sa mga goverment contracts.

Ang project ayon na rin sa nga dokumento (Project ID 22LE0029) ay naisakatuparan ng DPWH Davao Occidental District Engineering Office na siyang taga-pangasiwa nito at nai-award noon din 2022 sa St. Timothy Construction Corporation, na pag-aari ng ngayon ay nakakulong na si Cezarah “Sarah” Discaya. Sakop nito ang pagtatayo ng “concrete revetment” bilang proteksiyon sa baha ng mga komunidad sa lugar. ( Daris Jose)

Sa paglisan ni dating Usec Catalina Cabral, huwag hayaang mailibing kasama ang kanyang nalalaman sa anomalya ng flood control projects

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HUWAG hayaan na kasamang mailibing itong kaalaman sa kanyang libing din.
Ito ang pahayag ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa isinagawang
press conference sa Kamara.

Ayon sa mambabatas,
sa mga nangyaring imbestigasyon ay lumalabas na malalim ang kaalaman ni dating Usec. Maria Catalina Cabral tungkol sa mga anomalya sa mga infra at flood control projects.

Sinabi ni Diokno na hindi lang ito ukol sa mga kontratista at iba pang mga proponent at konektado sa proyekto, kundi maging ‘yung mga sinasabing mga nasa likod ng mga anomalya.

“Kaya ‘wag nating hayaan na kasamang mailibing itong kaalaman [niya] sa kanyang libing din. At kailangang maimbestigahan ng Kongreso ito, we have to get to the bottom of this,” ani Diokno.

Bukod sa usapin sa tunay na dahilan nang pagkamatay ng opisyal ay dapat ding alamin ang lahat ng nalalaman nito sa kontrobersiya.

Sinabi pa ng kongresista na maraming iba’t ibang aspeto ang dapat gawin sa imbestigasyon.

Bukod sa hawak na ebidensya ay pati na ang pag-imbestiga mismo sa pagkamatay ni Cabral.
(Vina de Guzman)

Pinapurihan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga miyembro ng 20th Congress sa pagtatapos ng budget

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG mag-reconvene ang Kamara sa Disyembre 29 upang ratipikahan ang bicameral conference committee report, bago lagdaan ni Pangulong Marcos ang budget.

Ito ay matapos suspendihin ng Kongreso ang sesyon para sa Christmas break kasunod nang pagkaka-apruba ng 2026 national budget.

Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, dumaan ang ipinasang P6.793-trillion 2026 national budget sa kauna- unahan at livestreamed bicameral conference committee.
Sa kanyang closing remarks, sinabi ni Dy na isang mahalagang hakbang tungo sa mas bukas, mas malinaw, at mas mapagkakatiwalaang proseso ng paggawa ng pambansang budget.
Aniya, nakapagtapos ng badyet ang Kamara na maaaring pagkatiwalaan ng taumbayan, isang budget na walang insertions, na hindi itinago, hindi minadali, at hindi inilayo, kundi bukas sa mata ng publiko.

Pinapurihan naman ni Dy ang mga miyembro ng 20th Congress sa pagtatapos ng budget.

“This budget is historic—not only because the process was transparent, but because the priorities were clear. It is a budget shaped by love for country, a deep understanding of our people’s realities, and genuine compassion for our kababayan,” saad ni Dy.

Ang sektor ng education ang nakakuha ng pinakamalaking alokasyon na katumbas sa 4.1% ng gross domestic product.

Kabilang sa alokasyong pagpapaggawa o rehabilitasyon ng 25,000 classrooms arbpagbabalik ng buo sa pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education program.

“Ang badyet na ito ay hindi lamang mga numero sa papel. Ito ay pagkain sa hapag, gamot sa ospital, at edukasyong magbubukas ng pinto sa mas maliwanag na bukas,” pagtatapos ni Dy.
(Vina de Guzman)

Mister na akusado sa tatlong sexual assault sa Valenzuela, timbog

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISANG 58-anyos na mister na akusado sa tatlong bilang ng sexual assault sa menor-de-edad ang arestado sa pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa mga wanted person sa Valenzuela City.
May inisyung warrant of arrest ang Family Court, Branch 16, Valenzuela City noong December 18, 2025 para sa Sexual Assault in relation to Section 5(B) ng Republic Act No. 7610 (three counts) laban sa akusadong si alyas “Lando”.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) OIC District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na nakatanggap sila ng tip na naispatan ang presensya ng akusado sa Barangay Hall ng Brgy. Malinta.
Kaagad bumuo ng team ang Malinta Police Sub-Station 4 sa pangunguna ni P/Lt Michael Dela Cruz saka ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa Barangay Hall ng Malinta, sa Capt. Cruz Street alas-6:30 ng gabi.
Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pulisya ang nasabing warrant na may inirekomendang piyansa na P540,000.00 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Matapos nito, dinala ang akusado sa Valenzuela City Emergency Hospital para sa medical examination bago tinurnover sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS kung saan siya pansamantalang ipiniit habang hinihintay ang pagpapalabs ng commitment order mula sa hukuman. (Richard Mesa)