• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P96.5 milyong flood control project sa Davao, hindi ‘ghost’

HINDI ‘ghost’ ang kaso sa P96.5-milyong flood control project sa Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental dahil natapos nang maayos at nalapatan pa ng kaukulang mga ‘repair’ ng daanan ito ng mga bagyo.

Ito ang nakasaad sa mga dokumento, video footages at mga larawan sa ‘inspection report’ na ginawa mismo ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kasama rin ang drone footage, naipapakita rito ang concrete revetment project ay talagang naroroon sa lugar, at pinabubulaanang ang proyekto ay hindi isang “ghost project.”

Sa mga aerial ­videos na nakalap at kalakip sa DPWH inspection report kuhang-kuha ang mga “flood control structure in place.”

“Nagkaroon pa nga ng mga muling pag-aayos sa ilang bahagi nito matapos daanan ng matitinding pagbaha bunga ng malalakas na bagyo noong 2022,” anang mapapagkatiwalaang source.

Nabatid na ang pagsasaayos ng proyekto ay walang karagdagang gastos mula sa gobyerno, dahil sakop pa ito ng warranty na isinasaad ng mga batas hinggil sa mga goverment contracts.

Ang project ayon na rin sa nga dokumento (Project ID 22LE0029) ay naisakatuparan ng DPWH Davao Occidental District Engineering Office na siyang taga-pangasiwa nito at nai-award noon din 2022 sa St. Timothy Construction Corporation, na pag-aari ng ngayon ay nakakulong na si Cezarah “Sarah” Discaya. Sakop nito ang pagtatayo ng “concrete revetment” bilang proteksiyon sa baha ng mga komunidad sa lugar. ( Daris Jose)