• September 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 22nd, 2025

Mayor Jeannie, agad nagpaabot ng tulong sa 133 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Malabon

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MALUNGKOT ang paparating na Pasko para sa may 133 pamilya matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga bahay sa naganap na sunog sa Malabon City, Sabado ng gabi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, Sabado ng gabi nang sumiklab ang sunog sa Sto. Niño Barangay Concepcion, na mabilis na kumalat ang apoy sa magkakatabing mga kabahayan.
Mabilis namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga fire volunteer na nagtulong-tulong sa pag-apula sa sunog hanggang tuluyang idineklarang fireout.
Wala namang napaulat na nasawi sa insidente habang inaalam pa ng mga Arson investigator ang naging sanhi ng sunog at kung magkanong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.
Kaagad namang nagtungo sa lugar ang Malabon City Disaster Response Team at City Social Welfare and Development Department (CSWDD) upang magbigay ng agarang tulong, kabilang ang relief assistance, psychosocial support, at iba pang kinakailangang serbisyo para sa mga apektadong residente.
Pansamantala tumutuloy sa apat na evacuation centers ang mga nasunugan kabilang 59 pamilya sa Concepcion Elem School, 30 pamilya sa Amang Rodriguez Elementary School, 29 pamilya sa Concepcion Technical Vocation School at 15 pamilya sa Sto. Niño Multipurpose Hall.
Personal din na nagtungo sa mga evacuation center si Mayor Jeannie Sandoval upang kamustahin ang mga apektadong pamilya saka namahagi siya ng mga hot meals, banig, pananghalian at nag-set up malinis na inuming tubig.
Aniya, asahan pa ang mga karagdagang serbisyo at tulong mula sa lokal na pamahalaan sa mga susunod na araw. “Hanggat nandito kayo sa evacuation center hindi namin kayo pababayaan” pahayag ni Mayor Sandoval.
Pinasalamatan din ni Mayor Jeannie ang mga first responders mula sa BFP, CSWD, PNP, Malabon Disaster Risk Reduction Management Office at Philippine Red Cross sa maagap at ligtas na pagresponde sa nangyaring sunog. (Richard Mesa)

LTO REGION 4-B OFFICIALS, HINIHINGAN NG AGARANG AKSYON TUNGKOL SA LTO PERSONNEL NA LUMABAG SA BATAS TRAPIKO

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Land Transportation Office (LTO) tungkol sa viral post sa Facebook na inilathala ng account na “MR Lee”, na nagpapakita ng isang umano’y LTO personnel na nagmamaneho ng isang motorsiklo na hindi nakasuot ng helmet sa Palawan.

Sa inisyal na pagsusuri, natukoy ng LTO ang pagkakakilanlan ng registered owner ng motorsiklo na hindi pa umano natatapos ang aplikasyon para sa driver’s license nito.

Dahil ang insidente ay nasa hurisdiksyon ng LTO Region IV-B, inutusan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang Intelligence and Investigation Division (IID), na atasan si Atty. Esteban M. Baltazar, Jr., Regional Director ng LTO Region IV-B, na magsumite ng report para sa agarang angkop na aksyon sa naturang insidente.

Hinihiling din kay RD Baltazar, sa pamamagitan ni Ms. Myrna Ocampo, District Head ng LTO Palawan District Office, na ibigay ang ulat tungkol sa mga aksyong ginawa ng kanilang opisina sa loob ng sampung (10) araw mula sa pagkatanggap ng endorsement letter mula sa LTO Central Office.

Nagpaalala si Asec. Lacanilao na mahigpit na ipinatutupad ng LTO ang disiplina sa lansangan hindi lamang sa publiko kundi maging sa mga kawani at tauhan ng ahensya. Ang lahat ng insidente ng paglabag sa mga alituntunin ng LTO ay isasailalim sa seryosong pagsisiyasat at angkop na pagpapatupad ng batas. (PAUL JOHN REYES)

Metro Manila, iba pang lugar sa bansa, uulanin sa Pasko – PAGASA

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IHANDA na ang payong ng mga mamamasyal sa araw ng Kapaskuhan sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa.

Ito ayon kay Joey Figuracion ng PAGASA sa QC Journalists Forum ay dahil makararanas ng pag-ulan sa Metro Manila at karatig lugar sa araw ng Pasko dulot ng epekto ng Easterlies.
Apektado din ng Easterlies kayat maulan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, Davao Oriental, Zamboanga Peninsula, Palawan at nalalabing bahagi ng Mindanao ay maulan dahil naman sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Maulan naman sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa epekto ng amihan.
Sinabi ni Figuracion na hanggang sa matapos ang taong 2025 ay patuloy na makararanas ng pag-uulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa naturang mga weather disturbance.

Tinaya naman nito na sa pagpasok ng Enero 2026 ay makararanas ng zero o isang bagyo ang ating bansa kaya’t ang lahat ay pinag-iingat at ugaliing magmasid sa paligid at updated sa kundisyon ng panahon para makaiwas sa epektong dulot ng bagyo.

Ads December 22, 2025

Posted on: December 22nd, 2025 by @peoplesbalita No Comments