• September 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO REGION 4-B OFFICIALS, HINIHINGAN NG AGARANG AKSYON TUNGKOL SA LTO PERSONNEL NA LUMABAG SA BATAS TRAPIKO

NAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Land Transportation Office (LTO) tungkol sa viral post sa Facebook na inilathala ng account na “MR Lee”, na nagpapakita ng isang umano’y LTO personnel na nagmamaneho ng isang motorsiklo na hindi nakasuot ng helmet sa Palawan.

Sa inisyal na pagsusuri, natukoy ng LTO ang pagkakakilanlan ng registered owner ng motorsiklo na hindi pa umano natatapos ang aplikasyon para sa driver’s license nito.

Dahil ang insidente ay nasa hurisdiksyon ng LTO Region IV-B, inutusan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang Intelligence and Investigation Division (IID), na atasan si Atty. Esteban M. Baltazar, Jr., Regional Director ng LTO Region IV-B, na magsumite ng report para sa agarang angkop na aksyon sa naturang insidente.

Hinihiling din kay RD Baltazar, sa pamamagitan ni Ms. Myrna Ocampo, District Head ng LTO Palawan District Office, na ibigay ang ulat tungkol sa mga aksyong ginawa ng kanilang opisina sa loob ng sampung (10) araw mula sa pagkatanggap ng endorsement letter mula sa LTO Central Office.

Nagpaalala si Asec. Lacanilao na mahigpit na ipinatutupad ng LTO ang disiplina sa lansangan hindi lamang sa publiko kundi maging sa mga kawani at tauhan ng ahensya. Ang lahat ng insidente ng paglabag sa mga alituntunin ng LTO ay isasailalim sa seryosong pagsisiyasat at angkop na pagpapatupad ng batas. (PAUL JOHN REYES)