BIKTIMA rin ng panloloko ng mga Discaya ang First Couple na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Lisa Araneta -Marcos matapos bigyan ng substandard na resulta ng ipinatayong Philippine Film Heritage Building, sa Intramuros, Lungsod ng Maynila.
Ang nasabing gusali ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay alay ng First Couple sa Film Industry.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang puso at adbokasiya ng Unang Ginang ay para mapalago pa ang mga pelikulang gawang Filipino.
“Pero itong building na ito, instead na ngayon dapat i-turn over dahil ngayon ang supposed to be tapos na, Sept 4, 2025, ay makikita natin kung papaano pa ito nagawa at bakit nakakadismaya. At ang contractor ng building na ito ay Great Pacific Builders and General Constractor Inc., isa ito sa mga korporasyon ng mga Discaya,” ayon kay Castro.
Kitang-kita aniya ang low standard o substandard ng pagkakagawa ng nasabing gusali.
Ipinakita rin ni Castro ang mga palpak at hindi tapos na pagkakagawa ng gusali. Ang proyekto ay sinimulan noong Disyembre 20,2024 at inaasahan na makukompleto sana ngayong araw ng Huwebes, Setyembre 4.
“Mismong ang gobyerno pa talaga, at ito pa mismong proyekto ito ang parang niloko pa ng mga Discaya,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Sinabi ni Castro na kapag walang naibigay na balidong dahilan ang mga Discaya sa nakadidismayang proyektong ito ay maaaring kasuhan ang mga ito. Ani Castro may civil liability ang bagay na ito at kung mayroon aniyang makikitang panloloko ay hindi aniya maikakaila na maaaring kasuhan ang mga Discaya ng estafa.
Sa kabilang dako, ang halaga ng nasabing kontrata para sa proyektong ito ay P107, 983,128.81.
“So, gusto ko lang sabihin sa inyo na ang kontratang ito, ang contractor dito ay hindi lang pang baha, pang-building pa,” aniya pa rin sabay sabing lumabalas na hindi lamang mukhang flood control projects ang naaaektuhan, marami aniyang imprastraktura, gusali, mga programa ng gobyerno ang mukhang maaapektuhan dito kaya’t tuloy -tuloy ang pag-iimbestiga ng Pangulo.
Ang kontrata aniya ay sa ilalim pa rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, dismayadong-dismayado aniya ang Unang Ginang sa kinalabasan ng proyektong ito lalo pa’t pinalabas ng mga Discaya na bagong building ito o bagong gawa at hindi ni-renovate.
“Noong kinausap niya (Unang Ginang Lisa) kami rito, siya mismo ay talagang dismayadong-dismayado kasi ang First Lady kasi kapag gusto niya ang trabaho, dapat maayos. So, dapat kapag nakipag-kontrata ka, huwag ka ng kukuha ng maraming kontrata kung hindi mo naman kayang tapusin,” ang litanya ni Castro.
Samantala, nang hingan ng komento si Atty. Samaniego , abogado ng mga Discaya sa isiniwalat na ito ni Castro, ang naging tugon ng una ay “Clueless daw at itatanong daw niya sa kanyang boss Curlee” ang bagay na ito. (Daris Jose)