DRUG PERSONALITY NA NASA TARGET LIST NG PDEA-PNP ARESTADO, ₱1.7M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA
- Published on September 6, 2025
- by @peoplesbalita
NAARESTO ng mga operatiba ng PDEA 7, katuwang ang PNP Regional Intelligence Unit 7, ang isang drug personality na kabilang sa regional target list ng PDEA-PNP sa pamamagitan ng isinagawang buy-bust operation sa Benedicto Street, Barangay Tejero, Cebu City, noong Setyembre 3, 2025, bandang alas-2:30 ng hapon.
Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang suspek bilang si alyas Jun, 42 taong gulang, drayber sa barangay hall, at residente ng Barangay Carreta, Cebu City.
Nakumpiska sa operasyon ang limang (5) pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 250 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,700,000 sa pamilihan, kasama ang buy-bust money at iba pang ebidensiyang hindi droga.
Isinailalim na sa chemical analysis at wastong disposisyon sa PDEA 7 Regional Office Laboratory ang mga nakumpiskang ebidensya.
Ang pagbebenta ng ipinagbabawal na droga, anuman ang dami at kalidad nito, ay may kaukulang parusang habambuhay na pagkabilanggo at multang mula ₱500,000 hanggang ₱10M. (PAUL JOHN REYES)