BASECO HOSPITAL, BUKAS NA
- Published on September 6, 2025
- by @peoplesbalita
BINUKSAN na ang President Corazon C. Aquino Hospital o mas kilala sa Baseco Hospital na matatagpuan sa Tondo, Manila.
Nitong Biyernes, September 5, pinasinayaan na ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang inagurasyon ng President Corazon C. Aquino General Hospital .
Ito ang ikapitong pampublikong ospital na pinondohan at pinatatakbo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Matatagpuan ito sa loob ng Baseco Compound sa Barangay 649 at may 50-bed capacity, kumpletong departments, emergency room, digital x-ray, at centralized oxygen supply.
Tinatayang aabot sa 80,000 residente ng Baseco at Intramuros ang makikinabang dito. Ayon kay Mayor Isko, simbolo ito ng social justice at “kalayaan sa kahirapan” para sa komunidad.
Ayon kay Manila Health Department (MHD) OIC Dra. Grace Padilla, mayroong 50 bed capacity ang hospital ngunit asahan aniya na madaragdagan pa ito pagsapit ng Disyembre sa tulong na rin ng Department of Health (DOH).
Pinasalamatan din ni Mayor Isko ang dating Pangulong Corazon Aquino na nagsilbing inspirasyon sa pangalan ng ospital bilang simbolo ng demokrasya.
Dagdag pa ng alkalde, pangunahing prayoridad ng lungsod ang minimum basic needs tulad ng pabahay, edukasyon, kalusugan at trabaho—hindi lamang mga proyektong palamuti, kundi mga programang tunay na nakakaangat sa buhay ng tao. (Gene Adsuara)