• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2025

US boxing champion Terrence Crawford handa ng harapin si Canelo Alvarez

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TARGET ni US boxing champion Terrence Crawford na makaukit ng record sa kasaysayang boxing.
Ito ay dahil sa nalalapit na paghaharap niya kay Mexican boxer Canelo “Saul” Alvarez sa araw ng Linggo oras sa Pilipinas na gaganapin sa Las Vegas.
Hindi itinuturing ng 37-anyos na si Crawford na mas angat na ito kahit na sa US gaganapin ang tinagurian nilang “Fight of the Year”.
Idedepensa kasi ni Alvarez ang kaniyang unified super middleweight belt kay Crawford.
Umangat ng timbang si Crawford mula sa 70 kilogram catchweight para makaharap si Alvarez sa 76 kilogram catchweight.
Mayroong 41 panalo at wala pang talo na may 31 knockouts si Crawford habang si Alvarez naman ay mayroong 63 panalo, dalawang talo, dalawang draw na may 39 knockouts.

SBP hinihintay pa ang kongreso para sa naturalization ni Boatwright

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
IPINAPAUBAYA na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa kongreso ang naturalization ni Bennie Boatwright.
Target kasi ng SBP na maisama si Boatwright sa line up ng Gilas Pilipinas.
Sinabi ni SBP Executive Director Erika Dy, na mula pa noong nagbukas ang 20th Congress ay nagsumite na sila ng mga kailangan na dokumento.
Mula noon ay hinihintay na lamang nila ang go-signal mula sa gobyerno.
Nasa pag-iskedule na lamang ang hinihintay nila sa senado.
Naniniwala si Dy na may malaking tulong sa Gilas Pilipinas si Boatwright kapag naaprubahan na ang naturalization nito.

PBBM, nagdiwang ng kanyang ika-68 kaarawan sa SALO-SALO SA PALASYO

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ISANG araw bago pa ang kanyang ika-68 taong kaarawan, nagbigay na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng isang masayang Salo-salo sa Palasyo sa Kalayaan grounds ng Palasyo ng Malakanyang.
Ipinagpapatuloy lamang ni Pangulong Marcos ang tradisyon ng pagdiriwang ng kanyang ‘special day’ kasama ang mga mamamayang Filipino.
Sa katunayan, muli ay binuksan ang Malakanyang para sa publiko, mainit na tinanggap ang mga tagasuporta mula sa ibat ibang lugar sa Metro Manila at hanggang sa Ilocos region, na dumating para personal na batiin ang Pangulo sa kanyang kaarawan.
Sa kabilang dako, dumating ang Pangulo sa venue sakay ng golf cart kasama si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, mainit na kumaway sa crowd bago pa nakisali sa mga ito sa selebrasyon. Nakiisa rin sa nasabing okasyon ang kanyang mga anak.
Hindi naman nagbabago ang birthday wish ni Marcos mula noon hanggang ngayon at ito ay ang magkaroon ng maayos na buhay ang bawat Filipino.
Kasama aniya sa kanyang mga harangin ang pagpapatuloy ng mga proyekto ng pamahalaan na tutulong lalo na sa mga mahihirap na Filipino.
Desidido rin aniya siyang abutin ang kanyang pangarap na matuldukan ang gutom sa bansa.
Samantala, ang Salo-salo sa Palasyo ay naging annual tradition sa ilalim ng administrasyong Marcos, sumisimbolo sa pagiging bukas, pasasalamat at matibay na pagbubuklod sa agitan ng Pangulo at mga taong kanyang pinaglilingkuran. (Daris Jose)

Gawad Agraryo, parangal sa mga magsasaka, organisasyon na nagpamalas ng natatanging kontribusyon sa agrikultura

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
CAPTION: Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama si DAR Secretary Conrado Estrella III sa ginanap na Gawad Agraryo ang mga magsasaka, organisasyon, at komunidad na nagpamalas ng natatanging kontribusyon sa agrikultura, maliban sa plake at medalya, nakatanggap ng cash award na halagang tig-PhP25,000 ang 10 Most Outstanding Agrarian Reform Beneficiaries (ARB), at mga proyektong halagang PhP70,000 ang tatlong Most Progressive ARB Organizations at apat na Most Progressive Agrarian Reform Communities. (Boy Morales Sr.)

DIWA NG PAGIGING FILIPINO, HINDI IPINAGBIBILI – GOITIA

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
HINAMON ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang mga Filipino kung ano talaga ang isang bansa kung hindi kayang ipagtanggol ng sariling dangal.
Ayon kay Goitia, sang-ayon siya sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos na ang soberanya ay hindi lamang paksa ng debate, hindi isang bagay na puwedeng pagpalit o ipagbili kundi ito ay buhay ng ating bayan.
Dagdag pa ni Goitia na hindi rin teorya ang laban dito kundi ito ay tungkol sa kinabukasan ng ating mga anak at kaligtasan ng ating karagatan at ang tinatawag na soberanya ay hindi pagbibitiw ng salita kundi pagdedeklara ng karapatan ng buong sambayanan na tumangging apihin.
Ipinaalala ni Goitia na hindi teorya lamang ang laban na ito. “Ito ay tungkol sa kinabukasan ng ating mga anak, sa pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilya at sa kaligtasan ng ating karagatan. Kapag sinabi ng Pangulo na ang soberanya ay hindi maaaring ipagpalit, hindi siya basta nagbibitaw ng salita. Idinedeklara niya ang karapatan ng buong sambayanan na tumatangging apihin.”
Hinimok ni Goitia ang mga Filipino na lubos magkaisa. “Araw-araw, hinaharap ng ating mga mangingisda ang banta sa karagatan. Ang ating mga sundalo ay inilalagay sa panganib ang kanilang buhay upang bantayan ang ating mga karagatan. Ang ating mga pinuno ay humaharap sa matinding hamon mula sa buong mundo. Ang pinakamaliit na magagawa natin ay tumindig kasama nila. Ang pagkakawatak-watak ay kahinaan. Ang pagkakaisa ang ating lakas. Ang soberanya ay tungkulin ng bawat Pilipino.”
Ipinahayag din ni Chairman Emeritus Goitia na ang multi-awarded na dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ay isang matibay na katotohanan kung bakit mahalaga ang laban na ito kung saan ipinapakita ang katotohanang kinakatakutan ng Tsina, ang mukha , paghihirap at tapang ng mga mangingisda.
Ayon pa kay Goitia, isa pang bagong pelikula na may malawak na saklaw sa hirap at pagsubok ng mga bayani sa West Philippine Sea. Dito ay ipapakita ang karahasan at pang-aabuso ng mga dayuhang mananakop. Ipapakita rin dito ang tunay na karapatan sa ilalim ng pandaigdigang batas na ginawa ng Blessed Movement sa pamumuno ni Chairman Herbert Martinez.
“Hindi kailanman maaaring ipagbili ang diwa ng Pilipino. Ang ating mga dagat ay atin, ayon sa batas, ayon sa kasaysayan at ayon sa sakripisyo. Sa pamumuno ni Pangulong Marcos at sa pagkakaisa ng sambayanan, hindi tayo kailanman susuko, hindi tayo bibitaw, at hindi tayo patatahimikin. Ang soberanya ay hindi maaaring ipagpalit, at panahon na upang igalang ito ng buong mundo.” ayon kay Goitia. (Gene Adsuara)

 PBBM, nangakong ipagpapatuloy ang reporma sa gobyerno para paghusayin ang buhay ng mga magsasaka

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isusulong ang agricultural reforms na naglalayong paghusayin at ayusin ang buhay ng mga magsasaka.
Ipinahayag ng Pangulo ang commitment na ito habang pinapupurihan ang mga outstanding o namumukod-tanging agrarian reform beneficiaries (ARBs), ARB organizations (ARBOs), at agrarian reform communities (ARCs) sa isinagawang Gawad Agraryo 2025 sa Makabagong San Juan Government Center sa San Juan City.
“Sa ating mga awardee: Kayo po ang huwaran ng pag-asa. Kayo ang nagpapatunay na hindi natitinag ang Pilipino sa harap ng pagsubok. At kayo ang nagsisilbing gabay sa mga kababayan nating nais din magtagumpay kagaya ninyo,” anito.
“Maraming salamat sa inyong mga sakripisyo upang mapatatag ang pundasyon ng ating lipunan. Bilang suporta sa lahat ng magsasaka, nagpapatupad ang pamahalaan ng mga reporma upang maibsan ang inyong alalahanin at mapagaan ang inyong trabaho,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.
Winika ng Pangulo na ang kanyang administrasyon ay committed na tulungan ang mga Filipinong magsasaka na maging mas produktibo sa pamamagitan ng suporta, kabilang na ang probisyon ng ‘farm machinery at equipment.’
Tinukoy din ng Pangulo ang iba’t ibang pagsisikap na ginagawa ng gobyerno para gawing mahusay at maayos ang buhay ng mga magsasaka kabilang na ang pamamahagi ng halos 70,000 Certificates of Land Ownership Award at libo-libong Certificates of Condonation na may Release of Mortgages para palayain ang mga magsasaka mula sa kanilang pagkakautang.
Hinikayat naman ng Pangulo ang ARBs na gumamit ng modernong teknolohiya para paghusayin ang kanilang kaalaman at makakuha ng bagong kasanayan.
“Hangad kong ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong mga lupang sakahan at pagpapalago ng inyong ani gamit ang aming handog na tulong,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Sama-sama nating itanim ang binhi ng pagbabago upang mas marami pang kwento ng pag-asa at tagumpay ang ating matunghayan sa Bagong Pilipinas. Ipagpatuloy po natin ang ating mga ginagawa para tulungan ang ating magsasaka upang tiyakin na mayroon po tayong ipapakain sa buong madlang Pilipino,” aniya pa rin.
Bitbit ang temang “Repormang Agraryo: Binhi ng Kaunlaran at Tagumpay”, kinikilala ng Gawad Agraryo 2025 ang mahalagang papel ng ARBs kung saan ang lupain na in-award sa kanila ay ginawa ng mga ito bilang productive farms, ang ARBOs na naging partner o katuwang sa pagbibigay ng support services at pangasiwaan ang enterprises, at ang ARCs na na-developed sa self-reliant at sustainable hubs.
Si Pangulong Marcos, kasama si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, pinresenta ang mga award sa 10 Most Outstanding ARBs, tatlong Most Progressive ARBOs, at mga Most Progressive ARCs.
Ang bawat outstanding ARB ay nakatanggap ng plaque, medal, at P25,000 cash award bilang pagkilala sa kanilang ‘productivity at commitment’ sa kanilang pamilya, komunidad at kapaligiran.
Ang pinaka-progresibong ARBOs at ARCs, ay kinilala naman sa pagbibigay ng ‘reliable services’ sa kanilang mga miyembro, pino-promote ang sustainable development, at iniaangat ang kanilang komunidad. Ang bawat isa ay nakatanggap ng plaque, medal, at proyekto na nagkakahalaga ng P70,000.
(Daris Jose)

Sa pangunguna ni DPWH Sec Vince Dizon… Graft isinampa vs 20 DPWH execs, 4 contractors

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINANGUNAHAN ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagsasampa ng kasong graft sa Office of the Ombudsman laban sa 20 opisyal ng ahensiya at apat na kontratista na itinuturong may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ang St. Timothy Construction Corporation, na kinakatawan ni Sarah Discaya; dating DPWH district engineer Henry Alcantara, at dating Bulacan 1st district assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Respondents din sa kaso ang mga DPWH officials na sina John Michael Ramos, Ernesto Galang, Lorenzo Pagtalunan, Norberto Santos, Jaime Hernandez, Floralyn Simbulan, Juanito Mendoza, Roberto Roque, Jolo Tayao, Benedict Matarawan, Christina Mae Pineda, Paul Jayson Duya, Merg Laus, Jaron Laus Lemuel Roque, Arjay Domasig, John Carlo Rivera, John Francisco, at iba pang John Does at Jane Does.
Kinasuhan din ang mga kontratista ng SYMS Construction Trading, na kinakatawan ni Sally Santos; Wawao Builders, na kinakatawan ni Mark Allan Arevalo, at IM Construction Corporation, na kinakatawan ni Robert Imperio.
Ayon kay Dizon, ang pagsasampa ng kasong malversation through falsification of public documents, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at paglabag sa Government Procurement Act laban sa mga respondents ay may kaugnayan sa limang maanomalyang proyekto sa Bulacan.
Tiniyak rin ni Dizon na simula pa lamang ito at marami pa silang taong pananagutin. Sisimulan na rin nila ang proseso ng dismissal o pagsibak sa mga sangkot dito. ( Daris Jose)

Kelot, kalaboso sa pagbabanta, panunutok ng baril sa kalugar sa Valenzuela 

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki matapos tutukan ng baril at pagbantaan papatayin ang kanyang kalugar sa Valenzuela City.
Sa nakarating na ulat kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, habang naglalakad pauwi ang 38-anyos na lalaking biktima sa Brgy., Ugong dakong alas-11:30 ng gabi nang harangin ng suspek na si alyas “Buang”, 38.
Kinumpronta ng suspek ang biktima sabay naglabas umano ng baril bago tinutukan at pinagbantaan itong papatayin.
Sa labis na takot, nagtatakbo ang biktima hanggang sa makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Ugong Police Sub-Station 8 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang isang caliber .38 revolver na kargado ng dalawang bala at nang hanapan siya ng mga kaukulang dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing armas ay wala siyang naipakita.
Sinampahan na ng pulisya ang suspek ng kasong Grave Threats at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

19-anyos na wanted sa rape sa Leyte, nalambat sa Navotas

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGWAKAS na ang pagtatago ng 19-anyos na kelot na wanted sa kaso ng panggagahasa sa isang babaeng biktima sa lalawigan ng Leyte matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Navotas City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) na nagtatago sa Navotas ang akusado na si alyas “Ricki”, matapos umanong tumakas sa kanilang lugar sa Brgy. Tugas, Bato, Leyte nang malaman na sinampahan siya ng kaso ng mga kaanak ng biktima.
Ayon kay Northern NCR MARPSTA chief P/Major Dandy Ferriol Jr., nakatala ang akusado bilang Top 4 Regional at Top 1 Municipal Most Wanted Person.
Mismong si Major Ferriol ang namuno sa binuo nitong team na nagsagawa ng joint operation, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya mula NCR at Eastern Visayas na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Ricki dakong alas-10 ng umaga sa Pier IV, Navotas Fish Port Complex.
Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 18, Hilongos, Leyte para sa kasong Statutory Rape na walang piyansang inirekomenda.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Northern NCR MARPSTA habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (Richard Mesa)

3 drug suspects, kulong sa P172K shabu sa Malabon, Valenzuela

Posted on: September 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
KALABOSO ang tatlong drug suspects kabilang 18-anyos na teenager matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon at Valenzuela Cities.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA kontra kay alyas “Ampot”, 42, ng Brgy., Malanday.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad dinamba ng mga operatiba SDEU ang suspek sa R. Jacinto St., Brgy., Canumay West dakong alas-5:45 ng hapon.
Ayon kay PLT Sherwin Dascil na nanguna sa operation, nakumpiska sa suspek ang nasa 15 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 12 pirasong 500 boodle money at P200 recovered money.
Sa Malabon, timbog naman sa mga operatiba ng Malabon Police SDEU team sina alyas “Maoy”, 45, at alyas “Totoy”, 18, sa buy bust operation sa Halaan St., Brgy., Longos matapos magsabwatan na bentahan ng shabu isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nasamsam sa mga suspek ang humigi’t kumulang ang 10.3 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P70.040 at buy bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 26, at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)