• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 19th, 2026

Joshua Pacio napanatili nito ang kanyang strawweight belt

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAPANATILI ni Pinoy mixed martial arts fighter Joshua Pacio ang kaniyang ONE Strawweignt World Championship belt.

Ito ay matapos na talunin si Keito Yamakita ng Japan.

Naging agresibo ang Japanese fighter sa laban nila na ginanap sa Tokyo, Japan.

Subalit pagsapit ng ikaapat na round ay doon na umarangkada ng mga suntok at submission ng Pinoy fighter.

Mayroong pang natitirang 17 segundo sa ikaapat na ro und ng pinagana na ni Pacio ang kaniyang arm-triangle choke kaya napilitan ang Japanese fighter na sumuko na.

Ito na ang pangalawang sunod na panalo ni Pacio sa pamamagitan ng submission.

Dahil sa dito ay mayroon na siyang 25 panalo at limang talo kung san mayroong 10 submission ito sa kaniyang 19 laban.

Habang si Yamakita ay mayroong 13 panalo at dalawang talo.

Detroit Pistons, pinutol ang 12 straight wins ng San Antonio Spurs

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINAPOS ng Detroit Pistons ang 12-game winning streak ng San Antonio Spurs matapos magwagi, sa score na 105-93, sa kanilang paghaharap sa San Antonio, Texas.

Nanguna sa Pistons si Cade Cunningham na nagtala ng 27 points, habang nagtapos si Daniss Jenkins na may 25 points, kabilang ang 21 points sa second half, upang pangunahan ang Detroit sa paghabol at pagkuha ng kalamangan matapos matambakan nang 14 points sa ikalawang quarter.

Nagtala rin si Ausar Thompson ng 14 points, 12 assists, 9 na rebounds, at limang steals.

Sa panig ng Spurs, nagtala si Victor Wembanyama ng 25 points at 18 rebounds, habang may 20 points naman si Dylan Harper.

Dahil sa pagkatalo, natuldukan ang 12 sunod na panalo ng Spurs.

Para sa kanilang susunod na laro, haharapin ng Pistons ang New Orleans Pelicans, habang makakaharp naman ng Spurs ang Los Angeles Clippers sa Huwebes, Nobyembre 19.

Dating world boxing champion Jorge Linares, inaresto ng US immigration

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASA kustodiya ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) ang dating Venezuelan boxing champion na si Jorge Linares matapos arestuhin sa El Paso International Airport sa Texas.

Kinumpirma ng ICE na dinakip si Linares dahil umano sa pananatili sa Estados Unidos nang lampas sa pinahintulutang panahon ng kanyang temporary stay permit. Pumasok siya sa bansa noong Oktubre 26, 2023 at kasalukuyang nakabinbin ang deportation proceedings laban sa kanya.

Iiginiit ng kanyang legal team na may pahintulot siyang manatili sa Estados Unidos at lubos siyang nakikipagtulungan sa mga awtoridad upang maresolba ang usapin.

Nagpahayag din ng suporta si World Boxing Association (WBA) President Gilberto J. Mendoza kay Linares at sinabing patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa pamilya ng dating boksingero.

Nagretiro si Linares noong 2023 matapos ang mahigit dalawang dekadang karera sa professional boxing, kung saan naging world champion siya sa featherweight, super featherweight, at lightweight divisions.

Pag-apruba sa House Bill No. 8615, ang panukalang magpoprotekta sa remittance ng mga OFW, pinabibilisan

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIMOK ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan ang Kongreso na pabilisin ang pag-apruba sa House Bill No. 8615, ang panukalang magpoprotekta sa mga padala o remittance ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa labis na service fee at iba pang singil.

Aniya, ang pagtatakda ng limitasyon sa halaga ng singil sa mga inward remittance ay makatutulong upang matiyak na malaking bahagi ng pinaghirapang pera ng mga OFW ang makararating sa kanilang mga pamilya, lalo na sa panahong ito kung kailan patuloy na tumataas ang gastusin sa pamumuhay dahil sa mataas na inflation at matamlay na ekonomiya.

“Ang matitipid ng ating mga OFWs mula sa pagbabayad nang mataas na remittance fees, at kadalasan ay may kasama pang hidden charges, ay maidadagdag sa pinapadala sa kanilang mga pamilya, many of whom now struggle to make ends meet because of the rising costs of basic necessities,” ani Yamsuan.

Ayon sa pinakabagong ulat ng Remittance Prices Worldwide ng World Bank, ang pandaigdigang karaniwang gastos sa mga bayad sa pagpapadala ng pera ay nasa humigit-kumulang 6.36 porsyento gamit ang batayang halagang $200. Ang mga bangko pa rin ang pinakamahal na uri ng service provider, na may karaniwang gastos na 14.99 porsyento.

Ani Yamsuan, kung ipinadala ang remittance sa pamamagitan ng mga bangko, mas malaki pa ang magiging kaltas na aabot sa humigit-kumulang $30 o P1,800, depende sa bansang pinagmulan ng pera. (VINA de GUZMAN)

PILIPINAS, MAMUMUNO SA ASEAN LABOUR INSPECTION COMMITTEE SA 2027

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL nang tinanggap ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pamumuno sa ASEAN Labour Inspection Committee (ALICOM) para sa 2027, sa ikaanim na pagpupulong ng komite na idinaos sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Ang pagtanggap ng Pilipinas sa chairmanship ay patunay ng pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa at itaas ang labor standards sa buong rehiyon.

Pangungunahan ng DOLE sa pamumuna ni Labor Secretary Francis A. Tolentino ang ALICOM sa pagtutulak ng mga pangunahing polisiya sa worker protection at sa pagpapalakas ng praktikal na kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa larangan ng labor inspection.

Layunin ng Pilipinas na gawing tunay at ramdam sa workplace ang mga regional commitment — hindi lamang manatili sa mga kasunduan at dokumento.

Sa turnover ceremony, si DOLE Undersecretary Felipe Egargo Jr. ang pormal na tumanggap ng pagkapangulo sa ngalan ng Kagawaran.

Binigyang-diin ni Usec. Egargo na ang maagap na labor inspection ang tulay sa pagitan ng batas at ng aktuwal na kondisyon sa trabaho — sa pamamagitan ng pag-iwas sa panganib, pagbibigay ng malinaw na gabay sa regulasyon, at pagwawasto sa mga paglabag.

“Mahalaga ang inspeksyon sa paggawa upang maisakatuparan ang mga batas at polisiya sa paggawa sa mabisang proteksyon sa lugar ng trabaho, na nagpoprotekta sa karapatan ng mga manggagawa habang tinutulungan ang mga employer na maunawaan at matugunan ang kanilang mga obligasyon,” aniya.

Sa paglilipat ng pamumuno, kinilala ni Deputy Director Nazatulsima Che Hassan ng Department of Labour Peninsular Malaysia ang mga nakamit sa ilalim ng pamumuno ng Malaysia. Pinuri niya ang mga labor inspector bilang frontliners sa pagtatanggol sa lakas-paggawa at binanggit ang mas mahigpit na pamantayan sa maayos na tirahan para sa lokal at migranteng manggagawa.

“Ang inyong dedikasyon ang tumitiyak na ang mga panrehiyong pangako ay hindi lamang sa papel kundi nagiging tunay na realidad sa mga pabrika, plantasyong pang-agrikultura, at mga lugar ng konstruksyon sa buong rehiyon,” pahayag niya.

Naglatag din ang komite ng action-oriented roadmap sa ilalim ng ALICOM Work Plan 2022–2030 na nakatuon sa apat na prayoridad: pagpapalakas ng kakayahan ng mga inspektor, pagpapabuti ng compliance sa informal economy at MSMEs, pagprotekta sa vulnerable workers sa agrikultura, pangingisda, pagmimina at domestic work, at paggamit ng digital tools para sa future of work.

Dumalo sa pulong ang mga focal points mula sa 10 ASEAN member states, observer delegation tulad ng Timor-Leste, at mga kinatawan mula sa ILO, IALI, employer confederations, at labor unions.  

(Gene Adsuara)

Marcos at Trump tinalakay ang ugnayan ng ASEAN at US

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBIGAY ng kani-kanilang pahayag sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Donald Trump sa special ASEAN-US summit dinner sa Maynila kasunod ng 49th ASEAN Summit.

Binigyang-diin ni Marcos ang 80 taon ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at United States.

Inanunsyo rin niya ang pag-aampon sa mga prinsipyo ng ASEAN-US at isang komprehensibong work plan laban sa online scams.

Tinalakay naman ni Trump ang kooperasyon ng US at Southeast Asia sa trade, energy, technology at defense, at tiniyak ang patuloy na pakikipagtulungan ng Washington sa mga regional partner nito. 

( DARIS JOSE)

US Pres. Trump, nag-anunsyo ng bagong ‘trade deal’ sa Pilipinas

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INANUNSYO ni United States President Donald Trump ang isang bago at aniya’y makasaysayang kasunduan sa kalakalan sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas matapos ang kaniyang pakikipagpulong kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr

Sa kanyang social media post nitong Miyerkules, Nobyembre 18, sinabi ni Trump na magiging malaking pakinabang ang naturang kasunduan, partikular sa mga magsasaka at mga nasa sektor ng enerhiya ng Amerika.

Inilarawan niya itong isang “true landmark” at sinabing nagkaroon sila ni Marcos ng magandang pag-uusap tungkol sa kalakalan, pambansang seguridad, at iba pang usapin.

Pinuri rin ni Trump si Marcos, na tinawag niyang isang makapangyarihan at may mataas na integridad na lider.

Gayunman, hindi nagbigay si Trump ng karagdagang detalye tungkol sa nilalaman ng bagong trade deal sa kanyang pahayag.

( DARIS JOSE)

Cyber attack sa mga government agencies at private institutions, isang national security threat

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si House prosecution panel adviser at spokesman Ace Barbers na magkaroon ng mabilis at komprehensibong government investigation sa napaulat na cyber attacks na tumatarget sa mga Philippine government agencies at private institutions.

Nagbabala rin ito sa lumalaking pagbabanta sa digital infrastructure na isang seryosong national security concern.

Sinabi ni Barbers na ang lumabas sa ulat na mahigit sa 20 Philippine institutions ang napaulat na nakompromiso ng hackers ay dapat magsilbing wake-up call sa otoridad na palakasin ang cybersecurity defenses bago pa man lumala ang sitwasyon at magkaroon ng malawakang pagkalugi, identity theft at pagkaabala sa public services.

“Hindi na ito simpleng problema ng computer systems o IT departments. National security issue na ito. Kapag napasok ng hackers ang ating government databases, financial institutions, at critical infrastructure, buong bansa at milyon-milyong Pilipino ang maaaring maapektuhan,” ani Barbers.

Nagpaalala ito na hindi kakayanin ng bansa na tamaan ng isang major financial disaster bago gumawa ng aksyon.

Hinikayat pa nito ang Department of Information and Communications Technology, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, National Privacy Commission at iba pang kaukulang ahensiya na makipagtulungan sa kanilang imbestigasyon, idetermina ang lawak ng naiulat na breach at tukuyin ang mga nasa likod nito.

“Dapat malaman ng publiko ang katotohanan. Aling sistema ang napasok? Anong impormasyon ang nakompromiso? May perang nawala ba? At higit sa lahat, sino ang mananagot kung mapatunayang nagpabaya sa pagprotekta sa ating mga digital assets?” aniya.

(VINA de GUZMAN)

ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), nanawagan sa mga mambabatas sa Timog-Silangang Asya na palakasin ang pagkakaisa sa rehiyon

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL na binuksan nitong Miyerkules ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang ika-47 Pangkalahatang Asembliya ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), at nanawagan sa mga mambabatas sa Timog-Silangang Asya na palakasin ang pagkakaisa sa rehiyon at isalin ang kanilang mga ibinahaging pangako sa kongkretong aksyon sa isang mapayapa, maunlad, at nakasentro sa mamamayan na ASEAN.

Sa pahayag ni Dy na nagsisilbing pangulo ng AIPA, sinabi niya sa harap ng mga pinuno ng parlyamento at mga delegado na nagtipon sa Maynila na dapat ipakita ng General Assembly ngayong taon kung paano makatutulong ang pagtutulungan ng mga pambansang lehislatura upang harapin ng rehiyon ang mga banta sa kapayapaan, palawakin ang mga oportunidad sa ekonomiya, at tiyaking mararamdaman ng mga karaniwang mamamayan ang pakinabang ng integrasyong panrehiyon.

“We meet under the theme, ‘Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centred ASEAN.’ I want to speak to you this morning about what it will take to live up to those words, and why I believe this Assembly can help us achieve them,” sinabi ni Speaker.

Binigyang-diin ni Dy na ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na pag-uusap at pagtutulungan, habang inaalala ang mga prinsipyo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, na nagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ngayong taon.

Samantala, hinimok ni Dy ang mga mambabatas na suportahan ang ASEAN Community Vision 2045 sa pamamagitan ng pagsasabatas, pampublikong pamumuhunan, at mas mahigpit na pagbabantay upang makinabang sa paglago ng ekonomiya ang mga magsasaka, manggagawa, maliliit na negosyo, at kabataan.

Nanawagan din si Dy para sa mas malapit na pagtutulungan ng mga parlamento sa pagtugon sa mga umuusbong na digital na banta, kabilang ang cybercrime, disinformation, mga panganib sa privacy, at ang mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence. (VINA de GUZMAN)

19-anyos na wanted sa droga, dinampot sa Malabon

Posted on: November 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LAGLAG sa selda ang 19-anyos na tattoo artist na wanted sa kaso ng ilegal na droga nang maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Malabon City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Malabon City Police Station.

Noong October 15, 2026 nang maglabas ng arrest warrant laban sa akusado ang Regional Trial Court (RTC) Branch 289, Malabon City para sa paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Kaagad iniutos ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa akusado hanggang matiyempuhan siya ng mga ito sa kanilang lugar sa Brgy. Tugatog dakong alas-11:50 ng tanghali.

Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon Police sa bisa ng nasabing warrant bago dinala sa pagamutan para sa medical examination.

Ayon kay P/BGen. Capili, patuloy na pinaiigting ng NPD ang mga operasyon at pagtugis laban sa mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest upang matiyak na ang mga lumalabag sa batas ay mapanagot. (Richard Mesa)