19-anyos na wanted sa droga, dinampot sa Malabon
- Published on November 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
LAGLAG sa selda ang 19-anyos na tattoo artist na wanted sa kaso ng ilegal na droga nang maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Malabon City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Malabon City Police Station.
Noong October 15, 2026 nang maglabas ng arrest warrant laban sa akusado ang Regional Trial Court (RTC) Branch 289, Malabon City para sa paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Kaagad iniutos ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa akusado hanggang matiyempuhan siya ng mga ito sa kanilang lugar sa Brgy. Tugatog dakong alas-11:50 ng tanghali.
Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon Police sa bisa ng nasabing warrant bago dinala sa pagamutan para sa medical examination.
Ayon kay P/BGen. Capili, patuloy na pinaiigting ng NPD ang mga operasyon at pagtugis laban sa mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest upang matiyak na ang mga lumalabag sa batas ay mapanagot. (Richard Mesa)