• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Cyber attack sa mga government agencies at private institutions, isang national security threat

NANAWAGAN si House prosecution panel adviser at spokesman Ace Barbers na magkaroon ng mabilis at komprehensibong government investigation sa napaulat na cyber attacks na tumatarget sa mga Philippine government agencies at private institutions.

Nagbabala rin ito sa lumalaking pagbabanta sa digital infrastructure na isang seryosong national security concern.

Sinabi ni Barbers na ang lumabas sa ulat na mahigit sa 20 Philippine institutions ang napaulat na nakompromiso ng hackers ay dapat magsilbing wake-up call sa otoridad na palakasin ang cybersecurity defenses bago pa man lumala ang sitwasyon at magkaroon ng malawakang pagkalugi, identity theft at pagkaabala sa public services.

“Hindi na ito simpleng problema ng computer systems o IT departments. National security issue na ito. Kapag napasok ng hackers ang ating government databases, financial institutions, at critical infrastructure, buong bansa at milyon-milyong Pilipino ang maaaring maapektuhan,” ani Barbers.

Nagpaalala ito na hindi kakayanin ng bansa na tamaan ng isang major financial disaster bago gumawa ng aksyon.

Hinikayat pa nito ang Department of Information and Communications Technology, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, National Privacy Commission at iba pang kaukulang ahensiya na makipagtulungan sa kanilang imbestigasyon, idetermina ang lawak ng naiulat na breach at tukuyin ang mga nasa likod nito.

“Dapat malaman ng publiko ang katotohanan. Aling sistema ang napasok? Anong impormasyon ang nakompromiso? May perang nawala ba? At higit sa lahat, sino ang mananagot kung mapatunayang nagpabaya sa pagprotekta sa ating mga digital assets?” aniya.

(VINA de GUZMAN)