High-value drug personality, laglag sa Valenzuela buy bust
- Published on November 18, 2026
- by Francis Paolo Torres
TIMBOG ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Martes ng madaling araw .
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Kabayo”, 54, pedicab driver at residente ng Malabon City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Kabayo na tumatawid pa umano sa Valenzuela para magbinta ng droga.
Nang magawang makipagtransaksyon sa kanya ng isa sa mga operatiba ng SDEU, agad ikinasa ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil, sa koordinasyon sa PDEA.
Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU makaraang bintahan ng P1,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer ala-1:05 ng madaling araw sa Tulip Street corner Dafodil Street, Barangay Malinta.
Nakumpiska sa suspek na dati na rin umanong naaresto kaugnay sa kasong may kinalaman din sa droga ang humigi’t kumulang 7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600, buy bust money, coin purse at P200 cash.
Ayon kay SDEU Investigator PMSg Ana Liza Antonio, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s office. (Richard Mesa)