• November 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

19-anyos na mangingisda, kinalawit sa pagbabanta, panunutok ng baril sa bebot

IBINALIBAG sa selda ang 19-anyos na mangingisda nang tutukan ng baril at pagbantaan ang 42-anyos na bebot na nagtangka lang maningil ng pautang sa kanya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente ng pananakot at panunutok ng baril dakong alas-10:20 ng gabi sa Brgy. Tanza 1 matapos matiyempuhan ni alyas Inday ang suspek.

Siningil umano ng biktima ang suspek sa utang nitong P2,000 ilang linggo na ang nakalipas subalit, sa halip na magbayad ay naglabas umano ng baril ang lalaki at tinutukan si ‘Inday’ saka pinagbantaang papatayin.

Sa labis na takot, tumakbo ang biktima hanggang makahingi ng tulong sa mga tauhan ni Col. Pinuela na nagpapatrolya sa lugar na agad namang rumesponde na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska sa suspek ang isang hindi lisensiyadong kalibre. 38 revolver na kargado ng isang bala na ginamit niya sa panunutok sa biktima.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong Grave Threat at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)