MULING pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator at driver ng mga Public Utility Vehicle (PUVs), lalo na ang mga patungong probinsya, na tiyaking nasa maayos at ligtas na kondisyon ang kanilang mga sasakyan kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., tungkulin ng bawat operator na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan, alinsunod sa mga kondisyong nakasaad sa Certificate of Public Convenience (CPC) at iba pang awtorisasyon sa pagpapatakbo ng pampublikong transportasyon.
“Laging tandaan na hindi lamang pagdating sa kanilang destinasyon ang ipinagkakatiwala ng mga pasahero sa inyo, kundi pati ang kanilang kaligtasan at kaginhawaan sa buong biyahe,” saad ni Acting Chairman Pua.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada at pangangalaga sa kapakanan ng lahat ng biyahero at iba pang mga motorista.
Inaasahang dadami ang mga komyuter patungo sa mga lalawigan at iba pang destinasyon para sa Undas at mga planong magbakasyon isimula sa Biyernes, October 30.
Upang matugunan ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero, naglabas ang LTFRB ng special permits para sa mahigit 1,200 pampasaherong bus sa buong bansa. Karamihan sa mga ito ay bumibiyahe mula Metro Manila patungo sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Gayunman, nilinaw ni Acting Chairman Pua na hindi lamang sa mga pampasaherong bus nakatuon ang paalala ng LTFRB kundi maging sa iba pang uri ng pampublikong transportasyon, kabilang ang mga taxi, ride-hailing service at iba pang PUV, lalo na’t inaasahang marami ring pasahero ang gagamit ng mga ito papunta at pauwi mula sa mga terminal ng bus, paliparan at pantalan.
“Alisin na natin ang kaisipang ‘puwede pa ’yan.’ Buhay ng mga tao ang nakasalalay rito. Bilang mga responsableng operator at driver, mahalagang regular na suriin ang kondisyon ng inyong mga sasakyan upang matiyak na ligtas ang bawat biyahe,” saad ni Acting Chairman Pua.
“Maiiwasan natin ang mga ganitong kahihinatnan kung sisiguraduhin lamang nating tinutupad ang mga obligasyong ating pinangakong susundin noong nag-aaplay tayo para sa CPC at awtorisasyon sa pagpapatakbo,” saad ni Acting Chairman Pua.
Sa pamamagitan ng maagap na pagsusuri, regular na maintenance at responsableng pagpapatakbo ng mga PUV, layunin ng LTFRB na makatulong sa pagpapanatili ng ligtas, maayos at maaasahang biyahe para sa lahat ng Pilipino ngayong Undas.
(PAUL JOHN REYES)