Kasong Slight Physical Injuries laban kay Viral Police Rider, binasura na
- Published on October 29, 2026
- by Francis Paolo Torres
BINASURA na ng Metropolitan Trial Court branch 153 ng Pasig City ang kasong slight physical injuries laban sa viral police rider na si PSSG Erwin Lagua matapos iurong ng complainant na si Jhon Vincent Cayanes ang demanda laban sa pulis.
Boluntaryong nag-file ng affidavit of desistance ang complainant at sinabing dulot lamang ng hindi pagkakaintindihan ang sinampa niyang demanda.
Matatandaan na nag-viral ang insidente kung saan di umano ay itinulak ng pulis ang complainant ngunit kalaunan ng lumabas ang buong video ay ang complainant pala ang humabol sa pulis kahit umiiwas na ito.
Una nang sinampahan ng frustrated murder si Lagua ng PNP pero ibinasura ito ng Pasig Prosecutor’s Office at slight physical injuries lamang ang isinampa laban kay Lagua.
Sinaklolohan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) si Lagua at tumayong abogado mismo ni Lagua ang LCSP founder na si Atty. Ariel Inton.