• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 12th, 2026

Malabon LGU, napanatili ang Quality Management System

Posted on: October 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAPANATILI ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang Quality Management System (QMS) nito, kasunod ng matagumpay na pagtatapos ng tatlong-araw na First Surveillance Audit para sa ISO 9001:2015 na isinagawa ng TÜV Rheinland Philippines nang walang natukoy na anumang nonconformity sa mga itinakdang pamantayan.

Sa pangunguna ni G. Luisito Soriano, kasama ang external auditors at technical experts mula sa TÜV Rheinland Philippines, covered ang pag-audit sa 45 na departamento, opisina, at yunit sa anim na QMS site ng Pamahalaang Lungsod na isinagawa mula Oktubre 6 hanggang 8, 2026.

Kaya naman pinagtibay ng TÜV Rheinland Philippines team ang patuloy na pagpapanatili ng ISO 9001:2015 Certification ng Pamahalaang Lungsod, habang binabanggit ang positive observations and opportunities for improvement upang higit pang palakasin ang pagpapatupad ng Quality Management System nito.

“Ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng ating mga departamento at kawani upang mapanatili ang kalidad ng ating mga serbisyo. Ito ay patunay na ang ating mga serbisyo ay epektibo, nararamdaman ng ating mga kababayan. Patuloy nating pagbubutihin ang ating mga proseso upang matiyak na maayos, episyente, at maaasahan ang paglilingkod natin sa bawat Malabueño,” ani Mayor Jeannie N. Sandoval.

Binigyang-diin din ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete ang kahalagahan ng pagpapanatili sa QMS ng Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng pare-parehong pagpapatupad ng mga itinakdang pamantayan at patuloy na pagpapabuti sa lahat ng tanggapan.

“Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing inspirasyon upang patuloy nating paghusayin ang ating mga sistema at proseso sa pamahalaan. Nawa’y maging inspirasyon din ito sa ating mga kapwa Malabueño na patuloy na magsikap at makiisa sa pagsusulong ng isang mas maayos, episyente, at dekalidad na serbisyo para sa ating lungsod,” dagdag ni Dr. Rosete.

Ang Quality Management Office (QMO), sa pangunguna ni Jeffrey Benesisto, ang nanguna sa koordinasyon at pagpapatupad ng QMS ng Lungsod, sa pakikipagtulungan sa mga pinuno ng departamento, mga may-ari ng proseso, ISO focal persons, at mga empleyado sa buong proseso ng pag-audit.

Unang nakamit ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang ISO 9001:2015 Certification nito noong Setyembre 2025 kasunod ng mga paghahanda at koordinadong pagsisikap na magtatag at magpatupad ng isang QMS na nagtataguyod ng pare-parehong paghahatid ng serbisyo, pananagutan, at patuloy na pagpapabuti sa mga tanggapan nito. (Richard Mesa)

OPERASYON NG MGA CONTAINER YARD, POSIBLENG IPAGBAWAL NA SA VALENZUELA

Posted on: October 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DAHIL sa umano’y problema at panganib na dulot nito sa mga residente, posibleng ipagbawal na ang operasyon ng lahat ng container yard bago matapos ang taon sa Lungsod ng Valenzuela.

Sa isinagawang pakikipagpulong ni Mayor Wes Gatchalian sa mga apektadong residente at kinatawan ng mga kumpanyang nagmamay-ari ng container yard sa Barangay Paso De Blas, inilahad ang mga peligrong dulot nang umaabot sa walong patong na container na delikado sa mga residente, pati na ang ingay na likha nito, at pagsisikip sa daloy ng trapiko.

Matapos ang talakayan, tatlong utos ang inilabas ng alkalde sa mga kinatawan ng container yard kabilang ang paglalayo ng mga nakasalansang container sa mga kabahayan at paligid ng komunidad, hindi na papayagan ang pagpapatong-patong ng lampas sa limang ulit ang mga container, at dapat ay sa gitnang bahagi lamang ng compound ito ilagay.

Sinabi ni Mayor Gatchalian na hindi rito natatapos ang gagawing aksiyon ng lokal na pamahalaan dahil kasalukuyan na aniyang nagsasagawa ng pampublikong pagdinig ang Sangguniang Panlungsod para sa pagpapasa ng ordinansa na tuluyang magbabawal sa pagkakaroon ng container yard sa lungsod.

Umaasa ang alkalde na sa Disyembre ay maipapasa na ang ordinansa na layong mapanatili ang kaligtasan ng bawat pamilya at buong komunidad sa lungsod na prayoridad ng lokal na pamahalaan. (Richard Mesa)

OPISYAL NA LOGO PARA SA KAPISTAHAN NG ITIM NA NAZARENO, INILABAS NA

Posted on: October 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INILABAS ng Quiapo Church ang opisyal na logo para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 2027.

Tampok sa opisyal na logo sina Hesus, San Juan Bautista, ang simbahan, at ang mga lubid na ginagamit sa prusisyon.

Ang tema para sa susunod na taon ay “Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon,” na nangangahulugang “Make straight the way for the Lord,” batay sa Juan 1:23 sa Bibliya.

Ayon sa Quiapo Church sa kanilang Facebook posts , ang simbolo ng Nazareno 2027 ay paanyaya sa bawat deboto na magpatuloy sa paglalakbay sa landas ng pananampalataya, debosyon, at misyon kasama at patungo kay Hesus Nazareno.

Ang kapistahan ay ipinagdiriwang taon-taon tuwing Enero 9, na dinadaluhan ng milyun-milyong deboto, kabilang ang traslacion o prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno.

Mahigit 9.64 milyong deboto ang lumahok sa kapistahan ngayong taon, ayon sa Quiapo Church Command Post. Nalampasan nito ang 8.12 milyong kalahok na naitala noong 2025.

Ang traslacion ngayong taon din ang pinakamahaba sa kasaysayan ng kapistahan, na tumagal ng 30 oras, 50 minuto, at isang segundo. Umalis ito sa Quirino Grandstand ng 4 a.m. noong Enero 9 at nakarating sa Quiapo Church ng 10:50 a.m. noong Enero 10. (Gene Adsuara)

SEC. LOPEZ SA LRTA, LTFRB: PAG-ARALAN ANG PAG-IISYU NG SPECIAL PERMITS SA MGA BUS NA PWEDENG BUMIYAHE SA RUTA NG LRT-2

Posted on: October 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIUTOS ni Transportation Secretary Banoy Lopez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Light Rail Transit Authority (LRTA) na pag-aralan ang pag-iisyu ng special permits sa mga Public Utility Buses (PUBs) upang mabigyan ng alternatibong masasakyan ang mga pasahero na naaapektuhan ng limitadong biyahe ng LRT-2 at maiwasan ang mahabang pila sa mga istasyon.

Ito’y alinsunod sa utos ng Pangulo na tiyakin ang tuloy-tuloy, ligtas, at maayos na biyahe ng mga pasahero.

“Mula po sa DOTr at LRTA, humihingi po kami ng paumanhin sa ating mga mananakay na naaapektuhan. Nauunawaan po namin ang hirap na dinaranas ng ating mga komyuter na sumasakay sa LRT-2. Kaya naman inatasan po natin ang LTFRB at LRTA na mag-coordinate para sa panukalang pag-i-isyu ng special permits sa mga bus para may masakyan ang ating mga pasahero habang tinutugunan natin ang kakulangan sa bilang ng tren,” pahayag ni Sec. Lopez.

Bagama’t ginagawa na ng Department of Transportation (DOTr) at LRTA ang mga hakbang upang makakuha ng matagal ng kinakailangang pondo para makabili ng karagdagang trainsets, inaasahang aabutin nang hindi bababa sa tatlong taon bago maihatid ang mga bagong tren.

Kaugnay nito, inatasan ng Kalihim ang LRTA at LTFRB na magtulungan para sa panukalang pag-isyu ng special permits sa mga bus na bibyahe sa ruta ng LRT-2, mula Antipolo Station hanggang Recto Station at pabalik, na may designated stopping points sa mga istasyon ng LRT-2. 

Saklaw ng koordinasyon ang pag-aaral sa naturang panukala na PUB service, kabilang ang operational arrangements, pagsunod sa mga umiiral na franchising at regulatory requirements at ang halaga ng pamasahe na sisingilin sa mga pasahero.

Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng alternatibong masasakyan ang mga komyuter at maibsan ang siksikan sa mga istasyon ng LRT-2, lalo na tuwing peak hours.

Nauna nang sinabi ng LRTA na walang aberya sa mga tren ngunit hindi na sapat ang kasalukuyang sampung tren dahil sa pagdami ng bilang ng mga pasahero. 

Sa kasalukuyan, walong tren lamang ang naka-deploy dahil ang isang bagon ay sumasailalim sa Train Operating Control Panel upgrade habang ang isa naman ay kinukumpuni. (PAUL JOHN REYES)

Tatlong bagong busway ilalagay sa C5, Quezon Ave, at Ortigas

Posted on: October 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAY plano ang Department of Transportation (DOTr) na lagyan ng busway ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila na mayroong high-capacity bus corridors tulad ng C5, Quezon Avenue, at Ortigas Avenue.

Ang nasabing busway ay may habang 100 kilometro across Metro Manila na magsisilbing auxiliary road sa EDSA busway upang mas gumanda ang pampublikong transportasyon sa National Capital Region (NCR).

Sa C5 corridor, ito ay may habang 45.6 kilometro na magkakaroon ng 88 istasyon, habang ang Quezon Avenue corridor ay may 26.24 na kilometro at may 62 na istasyon. Samantalang ang Ortigas Avenue ay may habang 30.5 na kilometro na gagawan ng 65 na istasyon o bus stops.

“Together, these corridors will complement the EDSA Busway, connecting major residential areas, business districts, transport terminals, and existing and future rail line systems,” wika ni DOTr undersecretary Mark Pastor.

Ang tatlong ruta ay pinili bilang isang prayoridad na proyekto sa ilalim ng World Bank-supported na pag-aaral na siyang nag- develop ng isang integrated network na may high-quality bus services sa Metro Manila.

“A key feature of the proposed network is the introduction of branched services, which would allow buses to travel beyond the main corridors to serve more communities while retaining high-capacity along major thoroughfares,” dagdag ni Pastor.

Sa ngayon ay pinag-aaralan ng DOTr kung ang EDSA busway ay magiging isang permanenteng sistema mula sa interim transport arrangement ngayon sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng mga estasyon nito, pagdagdag ng mga estasyon at pagpapaganda ng mga passenger facilities.

 Pinag-aaralan din ng ahensya kung puwedeng ituloy ang proyekto bilang isang public-private partnership framework para sa pagkakaron ng isang long-term na operasyon, maintenance, at asset management.

Samantala, sa labas naman ng Metro Manila, ang DOTr ay may mga proyekto rin ng bus rapid system (BRT) kasama ang Cebu BRT na may 35-kilometro ang haba at may segregated lanes at 22 na estasyon. Nagkaroon na ng partial na operasyon noong nakaraang March subalit hindi pa rin kumpletong tapos ang mga estasyon, depots, terminals at bus fleet requirements. Kulang pa rin ang pondo matapos na kanselahin ang loan para dito.

Mayroon din ginagawa sa Davao City na isang modern bus network na may 32 ruta at may habang 672.9 kilometro. Mayroon din depots, terminals, bus stops at automated fare collection system. Inaasahan ng DOTr na magkakaroon ng partial na operasyon sa final quarter ng 2027 at full na operasyon sa 2028.

Sinabi rin ni Pastor na may mga karagdagang BRT systems pa rin sa lugar ang planong gawin sa Iloilo, Bataan, at Pangasinan. LASACMAR

Publiko binalaan sa PhilHealth ID replacement scam

Posted on: October 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko laban sa kumakalat na text message na nagsasabing kailangang palitan ang PhilHealth ID card sa pamamagitan ng pag-click sa isang ipinadalang link.

Mariing nilinaw ng PhilHealth na peke ang naturang mensahe at wala itong anumang proseso ng pagpapalit ng ID na isinasagawa sa pamamagitan ng text message o online links.

Ayon sa ahensya, hindi kailanman nagpapadala ang PhilHealth ng mga text message na may kasamang link, humihingi ng password, one-time password (OTP), bank o e-wallet details, o naniningil ng anumang bayarin.

Hinimok ng PhilHealth ang publiko na agad ireport ang mga kahina-hinalang mensahe sa PhilHealth Action Center sa pamamagitan ng email na actioncenter@philhealth.gov.ph, Facebook page na @PhilHealthOfficial, landline na (02) 8662-2588, o sa mga opisyal nitong hotline numbers.