• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tatlong bagong busway ilalagay sa C5, Quezon Ave, at Ortigas

MAY plano ang Department of Transportation (DOTr) na lagyan ng busway ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila na mayroong high-capacity bus corridors tulad ng C5, Quezon Avenue, at Ortigas Avenue.

Ang nasabing busway ay may habang 100 kilometro across Metro Manila na magsisilbing auxiliary road sa EDSA busway upang mas gumanda ang pampublikong transportasyon sa National Capital Region (NCR).

Sa C5 corridor, ito ay may habang 45.6 kilometro na magkakaroon ng 88 istasyon, habang ang Quezon Avenue corridor ay may 26.24 na kilometro at may 62 na istasyon. Samantalang ang Ortigas Avenue ay may habang 30.5 na kilometro na gagawan ng 65 na istasyon o bus stops.

“Together, these corridors will complement the EDSA Busway, connecting major residential areas, business districts, transport terminals, and existing and future rail line systems,” wika ni DOTr undersecretary Mark Pastor.

Ang tatlong ruta ay pinili bilang isang prayoridad na proyekto sa ilalim ng World Bank-supported na pag-aaral na siyang nag- develop ng isang integrated network na may high-quality bus services sa Metro Manila.

“A key feature of the proposed network is the introduction of branched services, which would allow buses to travel beyond the main corridors to serve more communities while retaining high-capacity along major thoroughfares,” dagdag ni Pastor.

Sa ngayon ay pinag-aaralan ng DOTr kung ang EDSA busway ay magiging isang permanenteng sistema mula sa interim transport arrangement ngayon sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng mga estasyon nito, pagdagdag ng mga estasyon at pagpapaganda ng mga passenger facilities.

 Pinag-aaralan din ng ahensya kung puwedeng ituloy ang proyekto bilang isang public-private partnership framework para sa pagkakaron ng isang long-term na operasyon, maintenance, at asset management.

Samantala, sa labas naman ng Metro Manila, ang DOTr ay may mga proyekto rin ng bus rapid system (BRT) kasama ang Cebu BRT na may 35-kilometro ang haba at may segregated lanes at 22 na estasyon. Nagkaroon na ng partial na operasyon noong nakaraang March subalit hindi pa rin kumpletong tapos ang mga estasyon, depots, terminals at bus fleet requirements. Kulang pa rin ang pondo matapos na kanselahin ang loan para dito.

Mayroon din ginagawa sa Davao City na isang modern bus network na may 32 ruta at may habang 672.9 kilometro. Mayroon din depots, terminals, bus stops at automated fare collection system. Inaasahan ng DOTr na magkakaroon ng partial na operasyon sa final quarter ng 2027 at full na operasyon sa 2028.

Sinabi rin ni Pastor na may mga karagdagang BRT systems pa rin sa lugar ang planong gawin sa Iloilo, Bataan, at Pangasinan. LASACMAR