• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, napanatili ang Quality Management System

NAPANATILI ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang Quality Management System (QMS) nito, kasunod ng matagumpay na pagtatapos ng tatlong-araw na First Surveillance Audit para sa ISO 9001:2015 na isinagawa ng TÜV Rheinland Philippines nang walang natukoy na anumang nonconformity sa mga itinakdang pamantayan.

Sa pangunguna ni G. Luisito Soriano, kasama ang external auditors at technical experts mula sa TÜV Rheinland Philippines, covered ang pag-audit sa 45 na departamento, opisina, at yunit sa anim na QMS site ng Pamahalaang Lungsod na isinagawa mula Oktubre 6 hanggang 8, 2026.

Kaya naman pinagtibay ng TÜV Rheinland Philippines team ang patuloy na pagpapanatili ng ISO 9001:2015 Certification ng Pamahalaang Lungsod, habang binabanggit ang positive observations and opportunities for improvement upang higit pang palakasin ang pagpapatupad ng Quality Management System nito.

“Ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng ating mga departamento at kawani upang mapanatili ang kalidad ng ating mga serbisyo. Ito ay patunay na ang ating mga serbisyo ay epektibo, nararamdaman ng ating mga kababayan. Patuloy nating pagbubutihin ang ating mga proseso upang matiyak na maayos, episyente, at maaasahan ang paglilingkod natin sa bawat Malabueño,” ani Mayor Jeannie N. Sandoval.

Binigyang-diin din ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete ang kahalagahan ng pagpapanatili sa QMS ng Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng pare-parehong pagpapatupad ng mga itinakdang pamantayan at patuloy na pagpapabuti sa lahat ng tanggapan.

“Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing inspirasyon upang patuloy nating paghusayin ang ating mga sistema at proseso sa pamahalaan. Nawa’y maging inspirasyon din ito sa ating mga kapwa Malabueño na patuloy na magsikap at makiisa sa pagsusulong ng isang mas maayos, episyente, at dekalidad na serbisyo para sa ating lungsod,” dagdag ni Dr. Rosete.

Ang Quality Management Office (QMO), sa pangunguna ni Jeffrey Benesisto, ang nanguna sa koordinasyon at pagpapatupad ng QMS ng Lungsod, sa pakikipagtulungan sa mga pinuno ng departamento, mga may-ari ng proseso, ISO focal persons, at mga empleyado sa buong proseso ng pag-audit.

Unang nakamit ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang ISO 9001:2015 Certification nito noong Setyembre 2025 kasunod ng mga paghahanda at koordinadong pagsisikap na magtatag at magpatupad ng isang QMS na nagtataguyod ng pare-parehong paghahatid ng serbisyo, pananagutan, at patuloy na pagpapabuti sa mga tanggapan nito. (Richard Mesa)