SEC. LOPEZ SA LRTA, LTFRB: PAG-ARALAN ANG PAG-IISYU NG SPECIAL PERMITS SA MGA BUS NA PWEDENG BUMIYAHE SA RUTA NG LRT-2
- Published on October 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIUTOS ni Transportation Secretary Banoy Lopez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Light Rail Transit Authority (LRTA) na pag-aralan ang pag-iisyu ng special permits sa mga Public Utility Buses (PUBs) upang mabigyan ng alternatibong masasakyan ang mga pasahero na naaapektuhan ng limitadong biyahe ng LRT-2 at maiwasan ang mahabang pila sa mga istasyon.
Ito’y alinsunod sa utos ng Pangulo na tiyakin ang tuloy-tuloy, ligtas, at maayos na biyahe ng mga pasahero.
“Mula po sa DOTr at LRTA, humihingi po kami ng paumanhin sa ating mga mananakay na naaapektuhan. Nauunawaan po namin ang hirap na dinaranas ng ating mga komyuter na sumasakay sa LRT-2. Kaya naman inatasan po natin ang LTFRB at LRTA na mag-coordinate para sa panukalang pag-i-isyu ng special permits sa mga bus para may masakyan ang ating mga pasahero habang tinutugunan natin ang kakulangan sa bilang ng tren,” pahayag ni Sec. Lopez.
Bagama’t ginagawa na ng Department of Transportation (DOTr) at LRTA ang mga hakbang upang makakuha ng matagal ng kinakailangang pondo para makabili ng karagdagang trainsets, inaasahang aabutin nang hindi bababa sa tatlong taon bago maihatid ang mga bagong tren.
Kaugnay nito, inatasan ng Kalihim ang LRTA at LTFRB na magtulungan para sa panukalang pag-isyu ng special permits sa mga bus na bibyahe sa ruta ng LRT-2, mula Antipolo Station hanggang Recto Station at pabalik, na may designated stopping points sa mga istasyon ng LRT-2.
Saklaw ng koordinasyon ang pag-aaral sa naturang panukala na PUB service, kabilang ang operational arrangements, pagsunod sa mga umiiral na franchising at regulatory requirements at ang halaga ng pamasahe na sisingilin sa mga pasahero.
Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng alternatibong masasakyan ang mga komyuter at maibsan ang siksikan sa mga istasyon ng LRT-2, lalo na tuwing peak hours.
Nauna nang sinabi ng LRTA na walang aberya sa mga tren ngunit hindi na sapat ang kasalukuyang sampung tren dahil sa pagdami ng bilang ng mga pasahero.
Sa kasalukuyan, walong tren lamang ang naka-deploy dahil ang isang bagon ay sumasailalim sa Train Operating Control Panel upgrade habang ang isa naman ay kinukumpuni. (PAUL JOHN REYES)