MATAPOS ang matagumpay na selebrasyon ng San Miguel OktoberFest sa Okada Manila noong September 26 na may temang Beer, Bites, and Beats, na sinabayan ng live performances mula sa mga pinakasikat na banda sa bansa ay tutungo naman ito sa anim pang destinasyon ngayong Oktubre.
Ang San Miguel Oktoberfest ay muling magdiriwang ng makulay at masiglang selebrasyon sa Batangas, Tuguegarao, Pampanga, Manila, Iloilo, at Agusan del Sur.
Nagsimula ang nationwide celebration noong Oktubre 3 sa Barangay Inosloban, Lipa City, Batangas, kung saan mahigit 4,000 katao ang dumagsa sa venue sa Lipa Bypass Road. Naging mas masaya rin ang pagdiriwang dahil sa malamig ngunit tuyong panahon.
Sa Oktubre 10, tutungo naman ang San Miguel OktoberFest sa Tabacalera Grounds sa Tuguegarao City, Cagayan at inaasahang magpapasigla ang mga bandang Maki, The Juans, Mama’s Boys, UCV Band, at Major Tom Band.
Sa Oktubre 17, lilipat ang kasiyahan sa Royce Hotel and Casino Ballroom sa Clark, Pampanga, kung saan magpapasaya sa mga bisita sina Bamboo, Itchyworms, Chew The Cud, at DJ Chelsea.
Samantala, magiging isa sa pinakamalaking araw ng San Miguel OktoberFest ang Oktubre 24, dahil tatlong malalaking beer parties ang sabay-sabay na gaganapin.
Ito ay sa Malate, Manila, sa harap ng LaVie Resort and Casino sa kahabaan ng Pedro Gil Street na siguradong magiging masigla ang gabi sa pagtatanghal ng Kamikazee, Itchyworms, The Boyfriends, at Dilaw.
Sa Passi City Esplanade sa Passi City, Iloilo, bubuksan naman ang venue para sa mga partygoer na masisiyahan sa performances ng December Avenue, The Juans, Kreonz, at Kultura.
At sa Prosperidad, Agusan del Sur, aalingawngaw ang Naliyagan Plaza Grounds sa tugtugan ng Mayonnaise, Rocksteddy, Tamad si Juan, at Agusan Marsh Band.
Kaya naman, ayain na ang barkada, mag-cheers sa malamig na San Miguel Beer, at makisaya sa selebrasyon ng San Miguel OktoberFest sa inyong mga probinsya. (Richard Mesa)